Kailangan natin ng kasangga | |
REY MARFIL |
Nagsalita na ang mga mahistrado ng Supreme Court (SC); sa pamamagitan ng botong 10-4-1, idineklarang ligal at naaayon sa Saligang Batas ang kasunduang militar ng Pilipinas at Amerika, na Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA).
Ang naturang pasya ng kataas-taasang hukuman ay dapat igalang ng lahat, maliban na lang siguro ng China, na walang patumanggang ginagamit na ang ginawa nilang airstrip sa itinayo nilang pekeng isla sa Kagitingan Reef, na pasok sa teritoryo ng Pilipinas sa Spratlys.
Habang ipinagbunyi ng pamahalaang Aquino at ng United States (US) government ang desisyon ng SC, nagmamaktol naman ang China. Sa editoryal ng kanilang opisyal na news agency na Xinhua, tinawag nila na istupido raw ang desisyon ng mga mahistrado sa EDCA at nagbabala pa na dapat paghandaan ang anumang kahihinatnan ng naturang pasya.
Kung tutuusin, kung mayroon man na dapat sisihin sa pagtaas ng tensiyon sa rehiyong Asya, ito ay walang iba kung hindi ang China. Bukod kasi sa ipinagduduldulang nilang nine-dash line map na umaangkin sa halos buong South China Sea, aba’y ginawa nilang isla ang mga batuhan at mga teritoryong pinag-aagawan sa nabanggit na bahagi ng karagatan.
Bagaman sibilyang eroplano ang ginamit ng China sa mga test landing, hindi malayong ipagamit din ang airstrip sa kanilang mga fighter plane lalo pa’t may plano ang China na angkinin din nila ang himpapawid at hindi lang ang karagatan sa mga pinag-aagawang teritoryo. Ano nga ba ang tawag sa tao na lahat eh gustong angkinin?
***
Sa situwasyon ngayon na parang kabag na ayaw paawat ang China kahit dinidinig na ng United Nation (UN) Arbitration panel ang protesta natin sa ginagawang pananakop, pambabarako at paghahamon ng Biejing, kailangan natin ng kakampi. Kaya naman malaking bagay ang pagsang-ayon ng SC sa pinasok na kasunduan ng pamahalaang Aquino sa pamahalaan ng US na EDCA.
Kung tutuusin, hindi naman maituturing na bago ang EDCA. Sa halip, pag-iibayuhin lang nito ang nauna nang kasunduan ng Pilipinas at US sa pagsasanay ng mga tropa ng dalawang bansa na ilalim ng Visiting Forces Agreement (VFA) at Mutual Defense Treaty (MDT). Ang nadagdag lang ay pagpapahintulot ng gobyerno ng Pilipinas na magamit ng US ang ilang base o kampo upang paglagyan nila ng mga kagamitan -- hindi lang para sa pagtugon sa kaguluhan kung hindi sa pagtugon na rin sa oras ng kalamidad.
Gaya na lang halimbawa nang manalasa ang super bagyong Yolanda, isa ang US sa mga kaagad na tumulong at nagbigay ng ayuda sa mga nasalanta. Kung nasa Pilipinas na ang ilan sa kanilang mga sasakyan, mas magiging mabilis ang kanilang pagsagip sa mga masasalanta ng kalamidad sa pamamagitan ng EDCA.
Katunayan, may ilang tagamasid ang nagtatanong na magagawa raw kaya ng China ang ginawa nilang pagtatayo ng mga pekeng isla sa mga pinag-aagawang teritoryo sa South China Sea kung hindi pinalayas ng Pilipinas ang mga base militar ng US sa Subic, Zambales noong 1990s? Madalas daw kasing nagpapatrolya noon at nagsasanay ang mga Amerikano at tropa ng mga Pinoy sa mga pinag-aagawang teritoryo noong may base militar ang US sa Subic.
Sa ipinalabas na pasya ng SC, pinatuyan lamang na walang nilalabag na batas si Pangulong Benigno ‘Noynoy’ Aquino III nang suportahan niya ang EDCA. Wala ring masamang hangarin ang gobyerno sa pakikipagkasundo sa US dahil ang kapakanan ng bansa at mga mamamayan ang tiyak na pangunahing ikinunsidera rito ni PNoy.pamamagitan ng pagtahak sa daang matuwid. Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (Twitter: follow@dspyrey)
No comments:
Post a Comment