Bakit naiiba si PNoy? | |
REY MARFIL | |
May ilang bosero sa pulitika ang hindi makapaniwala na nananatiling mataas ang trust at performance ratings ni Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino sa mga lumalabas na survey kahit malapit nang matapos ang kanyang termino.
Karaniwan kasing bumababa at halos sumadsad sa sahig ang marka ng mga pangulo kapag matatapos na ang kanilang termino. Pero si PNoy, nananatiling mataas, at tumataas pa kahit may mga desisyon siya na masasabi nating hindi popular sa iba. Gaya na lang halimbawa ng ginawang pag-veto o pagbasura ni Aquino sa panukalang batas na inaprubahan ng Kongreso na nagtataas ng P2,000 sa pension ng mga retiradong miyembro ng Social Security System o SSS ng mga pribadong manggagawa. Sa unang tingin, PANGIT ang ginawa ni PNoy dahil mistulang wala siyang puso sa mga nakatatandang pensyunado. Marahil ang nasa isip ng iba, dapat pinirmahan na lang ni PNoy ang pension hike bill na inaprubahan ng mga senador at kongresista para POGI siya sa mata ng publiko. Subalit hindi ganung mag-isip si PNoy kaya marahil naiiba siya sa ibang naging lider na natin; hindi niya habol ang mga desisyon na lalabas siyang POGI. Ang gusto niya, tama at makatwirang desisyon na pakikinabangan ng lahat o ng higit na nakararami kahit pa magmukha siyang MASAMA. *** Kung pinirmahan ni PNoy ang pension hike bill na magbibigay ng P2,000.00 dagdag na pensiyon sa may 2 milyong pensyunado, kakailanganin nito ng P56 bilyon pondo bawat taon para maipatupad. Pero nasa hanggang P30 hanggang 40 bilyon lang taunang kita ng ahensiya kaya magkakaroon ng kakapusan nang hanggang P26 bilyon para maipatupad ang poging panukalang batas. Para matugunan ang kakapusang ito, ilang paraan ang maaaring gawin; isa na rito ang kumuha mula sa pondo ng SSS na tiyak na mauubos pagdating ng ilang taon kung hindi hahanap ng ibang paraan ang ahensiya para mapalaki nila ang kanilang kita. Tandaan natin, bukod sa pagkakaloob ng pensiyon, may iba pang pinaggagamitan ang SSS tulad ng mga pautang at ibang ayuda para sa mga miyembro na nasa 30 milyon. Ang isa pang puwedeng gawin para maipatupad ang pension hike bill ay itaas ang kinukuhang premium o hulog ng mga miyembro para madagdagan ang pondo ng SSS. Pero ang tanong, magugustuhan kaya ito ng may 28 milyong miyembro na naghuhulog pa para mapasaya ang 2 milyong pensyunado? Malinaw ang paliwanag ni PNoy sa pagbasura niya sa pension fund increase, madaling magpapogi ngayon pero papaano naman ang magiging kapalaran ng mga mas nakararaming miyembro sa hinaharap? Pero hindi ganoon ang pangulo, iba siya sa iba nating naging pangulo. Marahil dahil sa naging karanasan niya na nagmana ng maraming problema mula sa pinalitan niyang administrasyon, hindi naging mas mabils ang pag-unlad ng bayan dahil kinailangan muna niyang ayusin ang mga dinatnang problema bago natutukan nang husto ang pagpapaunlad sa ekonomiya. Kung maayos nga naman ang gobyerno na kanyang ipamamana sa susunod na lider -- gaya ng mga ginawa na ngayong proyekto na lulutas sa mga problema ng trapiko at baha, mataas na investment ratings, patok na turismo at iba pa -- makakatutok ang susunod na lider sa mga programa para lalo pang mapaganda ang buhay ng mga mamamayan. Bakit iba si PNoy? Ginagawa niya sa kanyang mga desisyon ang kasabihan na bayan ang una at hindi papogi para sa sarili. Sana ganito rin mag-isip ang mga taong ibinoboto natin para gumawa ng mga batas.
Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (Twitter: follow@dspyrey)
http://www.abante-tonite.com/issue/jan2016/edit_spy.htm#.Vp-srporK1s
|
Wednesday, January 20, 2016
Bakit naiiba si PNoy? REY MARFIL
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment