Pakinabangan ang mababang presyo | |
REY MARFIL |
Bagsak-presyo ngayon sa world market ang mga produktong petrolyo. Kung dati ay idinadahilan ng ilang negosyante ang mahal na langis kaya sila nagtataas sa presyo ng kanilang produkto at serbisyo, panahon naman ngayon para sila ang magsakripisyo.
Sa nakalipas na ilang buwan, nagtatala ng mga record low sa presyo ng mga produktong petrolyo sa world market na dahilan para bumagsak din ang presyo ng langis sa Pilipinas -- gaya ng diesel at gasolina. Sa pagtaya, aabot na sa 30 hanggang 50 porsiyento ang ibinaba ng presyo ng langis sa bansa mula noong 2014.
Dahil mura ngayon ang diesel na ginagamit sa mga pampasaherong jeepney, kusa nang nagpetisyon ang ilang malalaking transport group sa Land Transportation, Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na bawasan ng 50 sentimos ang singil sa pasahe. Kapag naipatupad na ang fare cut, magiging P7 na lang ang singil sa pasahero sa jeepney.
At kung magpapatuloy pa ang pagbaba ng presyo ng langis, maaaring mabawasan pa ang singil sa pasahe. Kung susuriin kasi, ang P7 na pasahe ay ipinatupad din noong 2009 na ang presyo ng diesel bawat litro ay P24. Ngayon, nasa P21 na lang ang presyo ng diesel bawat litro. Pero siyempre, maghahanap pa rin ng ibang dahilan ang mga operator at driver para hindi kaagad mabawasan pa ang singil sa pasahe tulad ng katuwiran na mahal ang maintenance ng sasakyan kabilang na ang spare parts.
Marahil ay “barya” para sa iba ang 50 sentimos na fare rollback pero malaking halaga ito sa mga kababayan nating hikahos na laging sumasakay sa jeepney patungo sa kanilang hanapbuhay. Kung balikan ang biyahe ng pasahero, lalabas na P1 ang matitipid niya sa isang araw para sa dalawang sakay.
Kapag kinuwenta ang P1 na matitipid sa pasahe sa limang araw sa loob isang linggo, magiging P5 ito o P20 naman sa loob ng isang buwan. Konting dagdag na lang at makakabili ka na ng isang kilong bigas sa matitipid na ito sa pasahe dahil sa murang presyo ng krudo.
***
Pero ang malaking tanong -- paano naman ang ibang gumagamit ng krudo? Hindi ba sila magbaba rin sa kanilang singil? Kailangan pa ba silang paalalahanan o pilitin ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino na iparamdam naman sa bayan ang kaunting ginhawa kahit man lang paminsan-minsan?
Kagaya halimbawa ng ibang bilihin na galing sa malalayong lugar tulad ng mga gulay, sinasabing isa sa dahilan kaya tumataas ang presyo nito ay dahil sa transportasyon. Karaniwang katuwiran na, “mahal ang gas kaya ipinapatong sa presyo ng gulay.” Ngayong mura ang gas, hindi ba dapat bumaba rin ang kanilang produkto?
Kung idinadahilan ang domino effect sa pagtaas ng mga presyo ng mga produkto at serbisyo kapag mahal ang krudo, anong katuwiran para hindi rin magkaroon ng pababang domino effect ngayong mura ang krudo? Maliban sa jeepney, gumagamit din ng krudo ang taxi, bus, maging ang mga eroplano at barko.
Maging ang ilang kumpanya na pinagkukunan ng kuryente ay gumagamit din ng krudo, aba’y kahiyaan naman siguro kung hihirit pa sila ng power rate hike sa panahon na malamig pa at mababa ang demand. Kung bababa ang presyo ng transportasyon, singil sa kuryente at ilang bihilin, makabubuti ito sa ekonomiya dahil bababa o hindi tataas ang inflation rate o galaw sa presyo ng mga bilihin.
Minsan lang mangyari ang ganitong pagbagsak ng presyo ng produktong petrolyo dahil sa maraming suplay ng krudo pero konti ang demand o umaangkat. Kung pansamantala lang ito, sana naman ay hindi ipagkait ng mga negosyante at transport sector ang kasiyahan at kaginhawahang ito sa mga mamamayan. Sa totoo lang, kasama rin namang makikinabang sa biyayang bawas presyo ang kanilang mga mahal sa buhay. Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (Twitter: follow@dspyrey)
http://www.abante-tonite.com/issue/jan2216/edit_spy.htm#.VqInQvkrLIU
No comments:
Post a Comment