Wednesday, January 13, 2016

Ang huling misyon REY MARFIL



Ang huling misyon
REY MARFIL


Maganda ang mga numerong naglalabasan sa mga survey para kay Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino at sa kanyang kampanya laban sa kahirapan nitong nagdaang Disyembre. Ngayon na inaani ang bunga ng kanyang programa para maiahon sa hirap ang mga naghihikahos, may panghuling misyon na kailangang tapusin ang kanyang pamahalaan habang papalapit ang pagtatapos ng kanyang termino sa Hunyo.

Batay sa mga datos ng mga pinakahuling survey, lumilitaw na nananatili ang tiwala at suporta ng mga mamamayan kay PNoy. Kakaiba ito dahil sa mga nagdaang administrasyon, kadalasang bumababa ang trust at approval ratings ng isang nakaupong pangulo habang papalapit na ang pagbaba nito sa kapangyarihan.

Maaaring isipin na bumababa ang trust at approval ratings ng isang papaalis na pangulo dahil hindi niya nakamit ang inaasahan ng mga mamamayan na magagawa ng kanyang liderato mula nang ihalal siya.
Pero dahil napapanatili ni PNoy na mataas ang kanyang ratings, indikasyon ito na nagagawa niya ang kanyang ipinangako noong 2010 presidential elections.

Ang ipinangako niyang reporma sa pamamahala ay naisakatuparan na niya sa pamamagitan ng pagtahak sa daang matuwid na nagresulta sa tamang paggastos ng pondo ng bayan. At dahil nagagamit nang tama ang pondo at hindi napupunta sa bulsa ng mga tiwaling opisyal, mas maraming proyekto at programa ang naipatupad.

Maaaring mas matindi ngayon ang problema sa trapiko kaysa noong nagdaang administrasyon pero posibleng ang dahilan nito ay walang masyadong mga proyektong pang-imprastraktura na ginagawa noon na nakasagabal sa daloy ng trapiko. 

***

Baka nga kung ginawa noon ang mga solusyon sa problema sa trapik, baka hindi masyadong malala ang problema ngayon. Isang halimbawa na rin ang MRT-3 na laging nagkakaaberya, na sinasabing kapabayaan din ng nagdaang administrasyon ang ugat dahil hindi napahusay ang mga pasilidad nito. Sa halip, pinasaya lang ang mga pasahero sa mas mababang singil sa pamasahe kapalit ng bilyun-bilyong pag-abono ng gobyerno sa paraan ng subsidiya.

Pero ang mga napabayaan noon, isa-isang tinugunan ni PNoy pati na ang problema sa kahirapan at gutom, na kung paniniwalaan ang pinakabagong survey ng Social Weather Station ay bumaba ang bilang. Ang mga pamilyang Pinoy na nakararanas ng involuntary hunger noong Setyembre 2015 na 15.7%, bumaba sa 11.7% sa huling bahagi ng nabanggit na taon. 

Kasabay ng pagpapatuloy ng mga programa ni PNoy na mapalago pa ang ekonomiya bago siya bumaba sa puwesto, patuloy din niyang isinusulong ang mga programa upang makamit ang inclusive growth o kaunlaran ng bayan na sadyang pakikinabangan ng mga mamamayan. Ang dedikasyon niya sa pagtupad ng mga ipinangako noong 2010 ang isa marahil ng patuloy na pagtaas ng kanyang trust at approval ratings.

Pero habang binibilang na ang araw ng pag-alis niya sa Palasyo, may isang misyon pa rin ang liderato ni PNoy na kailangang gawin -- ito ay ang matiyak na magiging maayos at malinis ang resulta ng darating na halalan sa Mayo at ang tunay na ibinoto ng mga tao ang manunungkulan pagsapit ng unang araw ng Hulyo. At dito ay kakailanganin ng pamahalaang Aquino ang tulong at suporta ng kanyang mga boss na mamamayang Pilipino.
 Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (Twitter: follow@dspyrey) 
http://www.abante-tonite.com/issue/jan1316/edit_spy.htm#.VpZxaLYrK1s


No comments: