Monday, January 18, 2016

Dahil matuwid ang nakaupo! REY MARFIL



Dahil matuwid ang nakaupo!
REY MARFIL


Hindi ba’t kapuri-puri ang mabilis na kautusan ni Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino III kay Health (DOH) Sec. Janet Garin na bakunahan ng gamot laban sa dengue ang mahihirap na mga estudyante mula sa mga pampublikong paaralan sa buong bansa.
Sinabi ni Garin na prayoridad ni PNoy ang kaligtasan ng mga Pilipino kung saan unang makikinabang ang mga mag-aaral sa mga paaralan kung saan mataas ang insidente ng dengue sa kanilang lokasyon.
Upang mapondohan ang programa, kukuha ang pamahalaan ng pondo sa bahagi ng kikitain mula sa mga pribadong pasyente. Ipagkakaloob nang libre ng pamahalaan ang dengue vaccine sa mga estudyante ng Grades 4 at 5 o mga bata mula siyam hanggang 10 taong gulang na karaniwang edad na nabibiktima ng dengue o kabuuang 1,077,623 mga bata.
Karaniwang naitatala ang malaking bilang ng kaso ng dengue sa National Capital Region, Region III, at Region IV-A. Nakakatuwa rin ang balita na nag-iisang bansa ang Pilipinas na lumahok sa tatlong clinical trial ng bakuna.
Dahil sa malasakit ni PNoy sa kalusugan ng mga Pilipino, naglaan ito ng P3 bilyon sa ilalim ng pambansang badyet ngayong taon upang pondohan ang bakuna. Inaasahang mahal ang bakuna sa dengue dahil tanging ang kompanyang Sanofi Pasteur ang mayroon nito.
Nakakabilib rin talaga ang diskarte ni PNoy matapos mabigyan ng diskuwento ang Pilipinas nang ipaharap nito ang mga opisyal ng Department of Finance (DOF) sa executives ng kompanya sa nakalipas na APEC Summit noong Nobyembre kaya nakakuha ng diskuwento.
Dahil sa paniniwalang makakabawas pa ang Pilipinas sa presyo ng bakuna, nakipagkita rin mismo si PNoy sa mga opisyal sa kanyang nakalipas na biyahe sa Pransiya kung saan nakakuha ang pamahalaan ng karagdagang 34 porsiyentong diskuwento.
Ngunit inirerekomenda lamang ang dengue vaccine sa may mga edad na siyam hanggang 45 taong gulang dahil hindi naipakita sa pananaliksik na epektibo ito sa ibang mga edad. Magandang hakbang ito ni PNoy lalo’t gumagastos ang bansa ng P16 bilyon kada taon para labanan ang dengue at iba pang sakit na nakakaapekto sa 220 Pilipino bawat araw mula 2011 hanggang 2015.
***
Dahil sa matuwid na daan ni PNoy, natapos na ng Department of Education (DepEd) at pribadong mga katuwang ang Public-Private Partnership (PPP) para sa School Infrastructure Project (PSIP) Phase I.
Simula Disyembre 4, 2015, naitayo ng pamahalaan ang 9,296 silid-aralan at naipamahagi na sa tatlong rehiyon sa bansa na kinabibilangan ng Regions I, III at IV-A na kauna-unahang PPP project ng DepEd.
Ibig sabihin, magkakaroon na ng disenteng silid-aralan ang maraming mga estudyante na kanilang kailangan upang lalong matutukan ang kanilang pag-aaral.
Batid ni PNoy ang kahalagahan ng edukasyon upang makamit ang mga pangarap sa buhay ng mahihirap na mga mag-aaral kaya naman kabilang ito sa kanilang naging prayoridad. Kinabibilangan ang PSIP Phase I ng disenyo, pinansiyal at konstruksiyon ng 9,296 na isa at dalawang palapag na silid-aralan, kabilang ang furniture at fixtures.
Layunin ng programa na habulin ang anumang kakapusan sa mga silid-aralan kung saan inaasahang 400,000 na mga mag-aaral ang makikinabang sa nasabing unang proyekto ng DepEd sa ilalim ng PPP.
Sa ilalim naman ng Phase II ng PPP for School Infrastructure Project, umabot na sa 1,690 silid-aralan ang natapos at naipamahagi na sa mga benepisyunaryo sapul noong Oktubre 31, 2015.
Kabilang sa nakinabang at makikinabang sa ikalawang phase ng PPP project ang Cordillera Administrative Region (CAR), Regions I, II, III, X, at XIII. Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (Twitter: follow@dspyrey)
http://www.abante-tonite.com/issue/jan1816/edit_spy.htm#.VpzfWLYrK1s

No comments: