Pagtawid sa kahirapan | |
REY MARFIL |
Bukod sa edukasyon, ang pagkakaroon ng pag-asa ang mahalagang sandigan ng mga mahihirap para patuloy na makipaglaban sa mga pagsubok sa buhay. At malaking bagay kung may makakaagapay sila para makaahon sa kahirapan -- tulad ng gobyerno.
Kung pagbabatayan ang pinakahuling survey ng Social Weather Station na ginawa noong nakaraang Disyembre, nakatutuwang malaman na marami sa ating mga kababayan ang buhay na buhay pa rin ang pag-asa sa taong 2016, at naniniwala sila na mas gaganda ang kanilang buhay sa susunod na 12 buwan.
Batay sa survey, 45 porsiyento ng mga tinanong ang sang-ayon na gaganda pa lalo ang kanilang buhay, at limang porsiyento lang ang hindi umaasa. Dahil dito, lumitaw ang record high na net rating na +40 porsiyento sa pagiging optimistic ng mga Pinoy. Mas mataas ito sa +37 porsiyento na naitala noong Marso 2015, at +33 porsiyento noong Setyembre.
Marahil, isa sa mga nagbibigay ng positibong pananaw sa ating mga kababayan para sa mas magandang bukas ay ang maayos at matatag na ekonomiya na ipamamana ni Pangulong Noynoy Aquino sa susunod na lider ng bansa na mahahalal sa May 2016 elections. Kailangan nga lamang na pag-aralang mabuti ng mga botante ang pipiliin nilang lider na tiyak na ipagpapatuloy ang mga naumpisahang reporma ni PNoy sa pamamahala.
Pero sa mga mahihirap nating kababayan, marahil ang pinaigting na programang pantawid pamilya na conditional cash transfer o CCT program ang isa sa mga nagiging sandigan nila para magkaroon sila ng mas magandang bukas. Bukod pa diyan ang pinaigting din na programa ng TESDA para makapagbigay ng kaalaman sa mga kababayan natin sa mga gawaing bokasyunal at pati na sa business processing office o BPO.
***
Sa ilalim kasi ng pamamahala ni PNoy, pinalawig ng gobyerno -- hindi lang ang bilang ng mga mahihirap na magiging benepisyaryo ng programa -- kung hindi pati na ang benepisyong mapapakinabangan ng mga mahihirap na kabataan -- ang edukasyon.
Mula nga sa dating 786,000 na pamilyang mahihirap na sakop ng CCT, pinalawak ang sakop nito sa mga kuwalipikado at karapat-dapat na mga benepisyaryo na umaabot na sa 4.4 milyon. Kung dati ay pakinabang sa pulitika lalo na kung panahon ng eleksyon ang ginagamit na basehan sa pagpili ng mga pamilyang isinasama sa programa; kay PNoy, dapat pantay-pantay, karapat-dapat at walang pabor na hihinging kapalit sa mga pamilyang mahihirap na binigyan ng ayudang pinansiyal.
Ang tanging hiling ni PNoy sa mga mahihirap na pamilyang nakapailalim sa programa, magsikap at huwag sayangin ang pagkakataon na ibinibigay na tulong ng gobyerno para mapag-aral ang kanilang mga anak, at matiyak ang kanilang kalusugan. Ngayon kasi, hindi na lang pag-aaral sa elementarya ng mga batang pasok sa programa ang tinitingnan ng gobyerno kung hindi maging ang mga nagtapos na sa high school para alamin kung sino sa kanila ang nararapat na itawid patungo sa kolehiyo o mabigyan din ng suporta para makapag-aral sa programa ng TESDA.
Kung noon ay may mga nagdududa kung magiging epektibo ang CCT para malabanan ang kahirapan, masasabing epektibo ito batay sa resulta ng pag-analisa ng National Household Targeting System, o kung tawagin ay “Listahanan 2”. Sa naturang pag-aaral, lumitaw na 1.55 milyong pamilyang pasok sa CCT program, o nasa 7.7 milyong katao ang nakaahon na sa kumunoy ng kahirapan.
At dahil tumalab ang CCT, maging ang Asian Development Bank (ADB) ay bumilib at handang magbigay ng karagdagang $400M para matustusan ang programa. Sana, kung itutuloy ng susunod na administrasyon ang programang ito, gawin din ang nararapat gaya ng ginawa ni PNoy para ang mga tunay na mahihirap ang makikinabang.
Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (Twitter: follow@dspyrey)
https://www.blogger.com/blogger.g?blogID=4196080107113471929#editor/target=post;postID=4689466788283677694
No comments:
Post a Comment