Monday, September 1, 2014
Huwag sayangin ang pagkakataon
Huwag sayangin ang pagkakataon
Sa wakas, sinagot na ni Chief Justice Ma. Lourdes Sereno ang kontrobersiyal na usapin tungkol sa Statement of Assets, Liabilities, and Networth (SALN) ng mga mahistrado na matagal nang hinihiling ng Bureau of Internal Revenue (BIR). Ang kaso, tila wala pa ring balak ang mga nasa hudikatura na pagbigyan ang hiling ni Commissioner Kim Henares.
Kamakailan lang kasi ay pinal na pinakuan na ng SC ang ataul para sa petisyon ni Henares na mabigyan ang BIR ng kopya ng SALN ng mga mahistrado. At sa nakaraang panayam ng mga mamamahayag kay Sereno, pinanindigan niya ang kanilang pasya na huwag basta magpakita ng kanilang SALN na naglalaman ng kanilang mga ari-arian.
Katwiran ng punong mahistrado, kailangan nilang protektahan ang kanilang sarili dahil maaaring magamit laban sa kanya at iba pang mahistrado ang kanilang SALN. Wala rin daw basehan ang hirit ng BIR para sa kanilang SALN, at tungkulin din nilang protektahan ang kanilang institusyon.
Pero teka, tanong ng kapitbahay nating kurimaw, kalaban ba ang tingin ng SC sa BIR?
Ayon pa kay Sereno, wala naman daw silang itinatago para pagdudahan. Sobra na nga raw mabusisi ang SALN at alam na ng publiko kung ilan ang kanilang sasakyan at kailan nairehistro.
Aba’y kung ganoon naman pala, anong dahilan bakit hindi nila pagbigyan ang BIR? Kung ayaw ng SC bilang isang institusyon na ilabas ang kanilang SALN, bakit hindi na lang magboluntaryo ang bawat mahistrado na isapubliko ang kanilang SALN sa ngalan ng “transparency”?
At bilang pinuno ng SC, at napili ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino na maging Punong Mahistrado, mukhang magiging magandang halimbawa si Sereno na manguna sa boluntaryong hakbang na ito.
Huwag sana nating kalimutan na ang pinalitan ni Sereno na si dating Chief Justice Renato Corona ay napatalsik sa puwesto dahil sa hindi nito pagdedeklara ng tamang mga ari-arian sa kanyang SALN. At kung nagkaroon ng batik o mantsa ang reputasyon ang hudikatura dahil dito, marapat lang sigurong hindi na maulit ito.
***
Kahit pa sabihin na mukhang gusto ni Henares na makatsamba ang BIR sa ginawang imbestigasyon tungkol sa umano’y suhulan sa mga korte bunga ng koneksiyon ng tinatawag na isang “Ma’am Arlene”, hindi naman makatutulong sa imahe ng SC kung patuloy nilang ipagkakait ang kopya ng kanilang SALN.
Totoo nga naman na bugbog na ang SC dahil huwag din nating kalimutan na kinukuwestiyon ng ilang mambabatas ang Judicial Development Fund (JDF) kung papaano ginagastos ng hudikatura ang naturang pondo.
Kung nagagawa ng SC na pasukin ang lahat ng usapin gaya ng pagsilip sa paggastos ng gobyerno ng pondo tulad ng ginawa nila sa kontrobersiyal na Disbursement Acceleration Program o DAP, sino ang pupuwedeng sumilip sa paggamit ng pondo ng SC?
Dahil sa ganitong mga sitwasyon, hindi nakapagtatakang kung may mga pumapabor sa pananaw ni Pangulong Aquino na panahon na para bisitahin ang Saligang Batas ng bansa at silipin ang mga probisyon, at baguhin kung kinakailangan patungkol sa umano’y labis na kapangyarihan ng hudikatura na panghimasukan ang kapantay nitong sangay na lehislatura at ehekutibo.
At sa mga nagsusulong ng Freedom of Information (FOI) bill na sinasabing paraan para mapalakas ang transparency sa pamahalaan, ano ang garantiya na hindi ito idedeklarang labag sa batas at ibabasura sakaling makarating sa SC kapag may kumuwestiyon? Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo”. (Twitter: follow@dspyrey)
Friday, August 29, 2014
Malaking tulong
Malaking tulong
Rey Marfil
Malaki ang maitutulong ng nilagdaang Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) ng Pilipinas at United States (US) para palakasin ang seguridad ng bansa laban sa panlabas na mga banta.
Malinaw at hindi naman na dapat intrigahin pa ang paninindigan ni President Barack Obama na nagpunta sa bansa dahil talagang idedepensa ng US ang Pilipinas.
Hindi nasayang ang paglagda ng bansa sa EDCA para sa mas pinalaking “rotational” na presensya ng mga tropang Amerikano kaugnay sa kanilang pagsasanay sa bansa kasama ng mga sundalong Pilipino.
Nagbabala na nga si Obama sa China laban sa paggamit ng puwersa upang resolbahin ang kaguluhan sa West Philippine Sea at maigting na suportang militar para sa bansa.
Higit na importante dito ang hangarin ni Obama na magkaroon ng mapayapang resolusyon sa krisis na magiging kapaki-pakinabang sa buong mundo lalo na ang paniniyak sa malayang pagbiyahe ng kalakal sa West Philippine Sea.
Kitang-kita sa pahayag ni Obama na laging sasaklolo ang US sa Pilipinas sakaling mayroong bansa na kikilos sa West Philippine Sea na hindi umaayon sa internasyunal na mga batas.
Maganda rin ang ipinakitang kakaibang diplomasya ni Obama sa pagtiyak ng kanilang suporta sa Pilipinas na nagbibigay ng balanseng posisyon upang hindi rin naman makapagbigay ng mga salitang ikakagalit ng China.
Wala naman talagang puwang ang digmaan sa makabagong panahon. Magtulung-tulong tayong lahat upang mapayapang maresolba ang agawan sa teritoryo at umiwas sa nakakagalit na mga pahayag na magreresulta lamang sa kaguluhan.
Isipin rin natin na ang pagpapalakas sa kakayahan ng ating mga kawal ang pangunahing layunin ng US sa kanilang pagtulong sa mga pagsasanay na isasagawa at hindi upang patindihin ang tensyon at magkaroon ng tunggalian sa China.
Dapat rin nating imintina ang posisyon na mareresolba ang kasalukuyang girian sa teritoryo sa pamamagitan ng United Nations (UN) na nagpapatupad ng internasyunal na mga batas.
***
Suportado ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino ang panukalang itaas ang suweldo ng 1.6 milyong kawani ng pamahalaan.
Pero tama at mahalaga rin naman ang kanyang posisyon na unahin muna ang hindi pa napopondohang pensyon at mga benepisyo ng mga retiradong pulis at kasapi ng militar.
Maganda kung tutuusin ang panukala ni Sen. Antonio Trillanes IV na itaas ang suweldo ng mga nasa pamahalaan lalung-lalo na ang mga kawani upang hindi matukso ang mga ito sa katiwalian.
Bagama’t maigting ang kagustuhan ni Pangulong Aquino na bigyan ng karagdagang sahod ang mga nasa gobyerno, malaking hamon ito sa ngayon sa gitna ng mga nakabinbin pang pinansyal na obligasyon sa kinauukulan.
Batid ni PNoy na hindi pa naibibigay ang kailangang pondo para sa pensyon at benepisyo ng mga nagretirong mga pulis at sundalo.
Taun-taon kasing pinopondohan ng pamahalaan ang pensyon sa ilalim ng pambansang badyet.
Ngunit base sa datos ng Department of Budget Department (DBM), mangangailangan ng P4.3 trilyon upang pondohan ang pensyon ng mga pulis at mga sundalo o halagang sobrang laki kumpara sa P2.6 trilyong kasalukuyang pambansang badyet.
Magandang marinig sa Pangulo ang matapat na pahayag at talagang hindi siya nagsisinungaling sa kung ano ang kayang ibigay ng kanyang pamahalaan.
Isa pa sa magandang balita dito ang pahayag ng Pangulo na mas hangad niya sa ngayon na bigyan ang mga kawani ng pamahalaan ng mga insentibo katulad ng pabahay.
Matagumpay na naisagawa ng administrasyong Aquino ang pagkakaloob ng mahigit sa 50,000 bahay sa mga kasapi ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at ng Philippine National Police (PNP).
Inihayag rin ng Pangulo ang plano ng pamahalaan na mag-alok ng land reclamation projects upang makalikom ng pondo para sa pensyon ng mga retiradong pulis at sundalo. Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo.” (Twitter: follow@dspyrey)
Wednesday, August 27, 2014
Oportunistang nagpapanggap!
Oportunistang nagpapanggap!
Rey Marfil
Impostor -- mapanlinlang, mapagpanggap, manloloko. Saan man lugar o sektor, hindi mawawala ang mga ganitong klase ng tao na gagawin ang lahat masunod lang ang kanilang sariling interes nang hindi natin namamalayan.
Parang hunyango o chameleon ang mga impostor. Nagagawa nilang ikubli ang tunay nilang pagkatao sa pamamagitan ng paggaya sa lugar na kanilang kinakapitan. Pero kung ang mga hayop na hunyango ay nagbabalatkayo para makaiwas sa panganib o kaya naman ay madagit ang kanilang target na pagkain, ang mga hunyango sa pulitika, walang kabusugan at walang pakialam sa kapakanan ng iba -- kahit pa ang bayan.
Habang papalapit ang halalan sa 2016 kung saan pipili na naman tayo ng mga bagong lider, dumadami na naman ang mga hunyango o impostor. Kaya naman napapanahon at magandang naging paksa ng talumpati ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino ang tungkol sa mga peke at nagpapanggap na mga nagsusulong din umano ng reporma sa pamahalaan gaya ng kanyang ginagawa.
Dahil epektibo ang platapormang reporma sa paraan ng “tuwid na daan” na ginagawa ni PNoy, marami ang nais sumama at makiisa. Ang problema, ilan sa mga ito ay impostor o hunyango na gustong makiangkas sa biyahe ng daang matuwid pero ang tunay nilang pakay ay ibalik ang dating baluktot o balikong daan.
Ang matindi pa, habang nagkukubli ang mga impostor sa anyong reporma, nagpapakalat pa sila ng maling impormasyon para sirain ang tunay na nagsusulong ng reporma. Aba’y masahol sa pinakamakamandag na kobra ang pangil ng mga impostor na ito na kayang lumason ng isip ng ilan nating kababayan
***
Kaya nakalulungkot kapag may mga tao o grupo na totoo namang naghahangad din ng reporma sa gobyerno pero napapasukan ng mga hunyango o impostor. Ang resulta, nagkakaroon ng paraan ang mga pekeng repormista para maisagawa ang kanilang mapanlinglang na propaganda laban sa mga tunay na naghahangad ng pagbabago.
Sa nalalabing mahigit isang taon na lamang ni PNoy sa liderato dahil magtatapos na ang termino niya sa June 2016, hindi maiaalis isipin na may mga impostor na todo na sa pagkilos para maibalik sa lumang baluktot na daan sa gobyerno na itinutuwid ng kasalukuyang gobyerno.
Nang ipatupad kasi ni PNoy ang tunay na kampanya laban sa katiwalian, maraming kulokoy at kurimaw ang nawalan o nabawasan ang naibubulsang pera mula sa kaban ng bayan. Alam ng mga kulokoy na ito na hindi sila magtatagumpay na maibalik ang bulok na sistema kaya nagpapanggap sila na kasama sa agos ng mga repormista -- pero ang totoo sila’y mga oportunista.
Sa bilis ng pagkalat ngayon ng impormasyon dahil sa modernong teknolohiya at social media na sinasamantala ng mga oportunista, dapat lang talaga na maging mapagmatyag ang lahat at maging mapanuri para makilatis ang tunay para sa pagpapatuloy ng reporma ni PNoy. Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo”. (mgakurimaw.blogspot.com)
Monday, August 25, 2014
Huwag agad husgahan
Huwag agad husgahan
Rey Marfil
Itinalaga na ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino si dating Solicitor General Francis Jardeleza bilang bagong mahistrado sa Korte Suprema. At gaya ng dati, hindi na naman nawala ang mga tamang duda, tamang hinala, at kaagad-agad kung maghusga.
Sa ilalim ng Saligang Batas, malinaw na nakasaad ang kapangyarihan ni PNoy na pumili ng taong hihirangin niya sa Kataas-taasang Hukuman mula sa listahan ng mga nominado na isinumite ng Judicial Bar Council o JBC. At nasunod naman ang prosesong ito sa ginawang pagpili ng Pangulo, kaya anong kaso?
Katulad ng ibang ginawang paghirang ni PNoy sa iba pang opisyal sa gobyerno at maging sa hudikatura, hindi nawala ang mga puna at mga negatibong pangitain sa pagpili ng Pangulo kay Jardeleza. May nagsasabing magdudulot daw ito ng higit na kaguluhan sa SC dahil hindi raw pabor si SC Chief Justice Maria Lourdes Sereno kay Jardeleza.
Pero ang nangyari, kay Sereno nanumpa si Jardeleza at pagkatapos ay sinamahan pa ni Sereno ang bagong kasama nila sa hudikatura sa pag-iikot sa SC. Sa halip kasi na maganda, bakit ba may mga taong kung mag-isip e “nega”.
May mga hirit pa na hindi raw magiging patas si Jardeleza sa mga magiging desisyon nito sa mga kasong may kaugnayan sa pamahalaan dahil sa utang na loob na tatanawin nito kay PNoy. Kabilang sa kasong binabanggit nila ay motion for reconsideration na inihain ng pamahalaan sa naging 13-0 decision na nagdedeklarang iligal ang ilang bahagi ng Disbursement Acceleration Program.
***
Bilang dating SolGen na naghain ng naturang MR tungkol sa DAP, natural na naaayon sa panig ng gobyerno ang kanyang posisyon. Pero hindi naman yata patas na kaagad husgahan at pangunahan si Jardeleza sa kanyang magiging desisyon kung makikisali ba siya sa deliberasyon ng MR -- o kung mananatili pa rin ba ang kanyang posisyon sa isyu ngayong nasa panig na siya ng hudikatura?
Dapat tandaan na ang unang apat na mahistrato na hinirang ni PNoy sa SC na sina Chief Justice Sereno, Justices Marvic Leonen, Estela Perlas-Bernabe at Bienvenido Reyes, ay pawang bumoto rin kontra sa DAP. Pagpapatunay ito na kahit hinirang sila ng Pangulo, nagiging malaya sila at independyente sa kanilang desisyon.
Idagdag pa natin na ang SC ay binubuo ng 15 mahistrado at nagdedesisyon sila sa mga usapin bilang lupon o grupo at hindi ng isa lamang. Kaya kung sakaling bumoto man si Jardeleza ng pabor sa MR, wala ring saysay kung hindi magbago ng pasya ang 13 mahistrado na bumoto noon ng kontra sa DAP.
Hindi rin naman dapat ipagtaka kung si Jardeleza ang napili ni PNoy sa listahan na isinumite ng JBC dahil na rin sa ilang taong pagsisilbi nito sa pamahalaan at marahil ay madalas niyang nakakatrabaho. In short, batid ni PNoy kung maganda ang rekord ng nominado at kung mahusay itong magtrabaho.
Maliban sa prerogative o karapatan ni PNoy ang piliin ang nominado na gusto niya, natural lang siyempre na piliin ng Pangulo ang taong higit na pinaniniwalaan niyang karapat-dapat sa posisyon. Dahil kung papalpak ang taong kanyang itinalaga, kay PNoy din babagsak ang sisi nito.
Kaya ang makabubuti, manahimik na muna ang mga kritiko at bigyan ng pagkakataon si Justice Jardeleza na magtrabaho, at hintayin nating tumakbo ang kasaysayan na huhusga sa kanya at sa desisyon ni PNoy na piliin siya. Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo”.
(mgakurimaw.blogspot.com)
Friday, August 22, 2014
Nabawasan!
Nabawasan!
Rey Marfil
Magandang balita ang paglaki sa bilang ng mga Pilipinong mayroong trabaho mula 37.01 milyon noong Abril 2013 tungong 38.66 milyon sa parehong panahon ngayong taon o 1.65 milyong karagdagang trabaho sa buong bansa.
Nanggaling ang ulat kay Labor Sec. Rosalinda Baldoz base sa April 2014 Labor Force Survey ng Philippine Statistics Authority (PSA).
Pagpapakita ito ng patuloy na pagsusumikap ni Pangulong Benigno ‘PNoy’ Aquino III na maisulong ang kapakanan ng maraming Pilipino sa ilalim ng matuwid na daan.
Kaya naman asahan natin na lalo pang tataas ang bilang ng mayroong mga trabaho sa susunod na PSA labor survey lalo’t patuloy na bumubuti ang lagay ng ekonomiya ng bansa.
Malaking tulong dito ang kautusan ng Pangulo na tutukan ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang implementasyon ng mga programa na makakalikha ng karagdagang mga trabaho.
Ayon kay Baldoz, nakapagtala ng karagdagang trabaho ang 14 na rehiyon sa bansa na kinabibilangan ng mga sumusunod at bilang ng bagong trabahong nalikha: Calabarzon, 325,000; Central Luzon, 205,000; Central Visayas, 186,000; National Capital Region, 185,000; Davao, 181,000; Western Visayas, 173,000; Autonomous Region in Muslim Mindanao, 134,000; Ilocos, 87,000; Northern Mindanao, 83,000; Caraga, 52,000; Soccsksargen, 51,000; Mimaropa, 44,000; Bicol, 26,000 at Cordillera Administrative Region, 4,000.
Sa klase ng mga manggagawa, nanguna ang new wage at salary workers sa bilang na 909,000 na sinundan ng 329,000 self-employed na walang binabayarang mga empleyado at 114,000 na tinatawag na employers na nagpapatakbo ng sariling negosyo ng kanilang pamilya at iba pa.
Base sa 1.65 milyong bagong mga kawani, nagmula ang 929,000 sa sektor ng serbisyo na sinundan ng 374,000 sa sektor ng industriya at 352,000 sa sektor ng agrikultura.
***
Makatwirang batiin natin si Pangulong Aquino dahil nabawasan ng 300,000 pamilya ang nakaranas ng gutom sa ikalawang quarter ng taon kumpara sa unang quarter.
Base ito sa pinakabagong survey ng Social Weather Station (SWS) na isinagawa mula Hunyo 27 hanggang 30.
Lumabas na 16.3 porsiyento ng respondents o 3.6 milyong pamilya ang nakaranas ng gutom sa kanila na tatlong buwan na mas mababa kumpara sa 17.8 porsiyento o 3.9 milyong pamilya na naitala noong nakalipas na Marso.
Hindi naman nagpapabaya ang administrasyong Aquino at ginagawa ang lahat upang tugunan ang kanilang pangangailangan. Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo.”
(mgakurimaw.blogspot.com)
Wednesday, August 20, 2014
Nasa mabuting pamamahala
Nasa mabuting pamamahala
Rey Marfil
Hindi lang daang matuwid ang ginagawa ng pamahalaang Aquino kung hindi maging “tulay na matuwid” na pinondohan mula sa Disbursement Acceleration Program (DAP), na idineklara ng mga mahistrado ng Korte Suprema na iligal ang ilang bahagi at pinagdudahan pa ang malinis na hangarin ng gobyerno sa pagpapatupad ng programa.
Nauna nang isinapubliko ng Malacañang na may 116 programa at proyekto na pinondohan ng DAP, na tinatayang umabot ng P167.061 bilyon. Gayunman, nasa P144.378 bilyon lang ang naipalabas na pondo at may natitira o balanseng P13.612 bilyon.
At nitong Lunes, ipinakita ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino ang isa mga produkto ng DAP, ang tulay at mga magkakadugtong na kalsada sa Tuao, Cagayan.
Mantakin niyo, 1968 pa nang pumasok sa isipan ng mga opisyal ang naturang proyekto pero nagkaroon lamang ito ng katuparan sa ilalim ng pamahalaan ni PNoy. Tinatayang nasa P599 milyon ang kabuang gastos sa proyekto, kung saan ang P145 milyon ay mula sa DAP.
Dahil sa proyekto, mapapabilis na ang biyahe ng mga tao, negosyo, paghahatid ng mga serbisyo at produkto, at tiyak na makatutulong din sa turismo sa lugar at lalawigan. Marahil ang mga taong hindi dumadaan sa lugar na ito, dedma sa magandang balitang hatid ng proyekto. Pero sa mga gagamit nito, siguradong todo ang kanilang pasasalamat.
Ganoon naman yata talaga ang ibang tao, walang paki at may tamang duda kung hindi nila lubos na batid ang nangyayari, o hindi naman sila apektado -- iyong bang mentalidad na “M” at “P” (malay ko at pakialam ko).
***
Ang tulay na ito sa Tuao ay isang halimbawa ng maayos na paggugol ng pondo mula sa DAP; na kung nakitaan man ng Korte Suprema na may labag sa batas, hindi ito sinadya ng pamahalaang Aquino at malinis ang kanilang hangarin o ika nga’y saad sa doktrinang “done in good faith”.
Bagay na ipinaliwanag na noon ng mga opisyal ni PNoy na wala sa isipan ng pamahalaan at mga nagpatupad ng programa na pagkakitaan o gamitin sa kasamaan ang anumang pondo na inilaan sa DAP.
Ang 360-lineal meter na tulay na ito sa Barangay San Luis ay magsisilbing inter-regional link sa Regions I, II at Cordillera. Dahil sa tulay na ito, ang dating mahigit na apat na oras na biyahe sa Tuao patungong Kabugao, Apayao ay magiging mahigit dalawang oras na lang. Mabilis na ring mapapasyalan ang mga ipinagmamalaking lugar tulad ng Basilica Minore of Our Lady sa Piat na tinatawag na Pilgrimage Center of the North; ang Tuao Belfry, Lallayug Forest Park, at Cassily Lake.
Pero gaya ng sinasabi sa commercial sa television -- but wait, there’s more! Nasa P33.7 milyon ang natipid ng pamahalaan sa naturang proyekto dahil sa mabilis at matinong pagsubaybay ng Department of Public Works and Highways.
Sabi nga ni PNoy, isinusulong ng kanyang pamahalaan ang kailangan, de kalidad, tamang gastos, at matatapos sa tamang oras na mga proyekto para sa mga tao. Habang ang ibang opisyal natin ay nagkakagulo na para sa 2016 elections, ang liderato ni PNoy, abala sa paggawa ng mga programa at proyekto na kailangan ng kanyang mga “boss”, na mamamayang Pinoy.
Pero teka, ngayong naipakita ng pamahalaan Aquino kung saan napunta ang pondo ng DAP, baka puwedeng ang mga mahistrado naman natin sa Korte Suprema ang magpakita naman ng listahan kung saan nila ginagamit ang mga pondo nila katulad ng kontrobersiyal na Judicial Development Funds.
Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo”. (mgakurimaw.blogspot.com)
Monday, August 18, 2014
Huli ka!
Huli ka!
Rey Marfil
Minsan pa, ipinakita ng pamahalaang Aquino na seryoso ang kasalukuyang gobyerno na iharap sa hustisya ang mga inaakusahang akusado anuman ang estado nito sa lipunan -- kahit pa dating matikas na heneral sa Sandatahang Lakas ng bansa.
Noon, kabi-kabilang akusasyon ang ibinabato ng mga makakaliwa at militanteng grupo laban sa gobyerno ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino kaugnay ng paghahanap kay retired Army Major General Jovito Palparan, na binansagan nilang “Berdugo” dahil sa mga alegasyon ng paglabag sa mga karapatang pantao.
Nasasakdal at may arrest warrant ang korte sa Bulacan laban kay Palparan bunga ng pagkawala ng dalawang babaeng estudyante ng University of the Philippines na sina Sherlyn Cadapan at Karen Empeño noong 2011.
Pero linawin lang natin, si Palparan ay akusado pa lamang at nananatiling “inosente” hangga’t hindi pa nahahatulan ng korte. Itinatanggi niya rin na may kinalaman siya sa mga ibinibintang sa kanya.
Buweno, nang mahuli noong nakaraang Marso sa Cebu ang mag-asawang Benito at Wilma Tiamzon, na itinuturong mataas na lider ng Communist Party of the Philippines, inulan ng kritisismo mula sa mga makakaliwang grupo ang gobyernong Aquino. Bakit daw pinuntirya ang mag-asawang Tiamzon gayung si Palparan ay hindi tinutugis.
Pero ‘yon ang akala nila, maling akala nila.
***
Nang ipangako ni PNoy na magiging patas ang lahat sa pagpapatupad ng hustisya at paghahanap sa mga taong nagtatago sa batas, seryoso rito ang Pangulo. At kamakailan nga lang, bumagsak na sa mahabang kamay ng batas si Palparan.
Gaya ni Palparan, kasama rin sa itinuturing “most wanted” ng batas ang mag-asawang Tiamzon na may malaking halagang pabuya sa kanilang ikadarakip. Sa mga nangunguna sa listahan ng bigating most wanted, tatlo na lang ang patuloy na hinahanap -- sina dating Congressman Ruben Ecleo Jr., dating Palawan Governor Joel Reyes at kapatid nito na si Mario Reyes.
Nahuli na rin at nakakulong dahil sa kasong syndicated estafa ang negosyanteng si Delfin Lee.
Sa pagkakahuli kay Palparan, pinatunayan ni PNoy na patas na kumikilos ang mga awtoridad para maipatupad ang sistema ng hustisya sa bansa. Kahit pa sinasabing may mga nagkakanlong na militar sa dating heneral, nadakip pa rin siya. Katunayan, kasama ng mga operatiba ng National Bureau of Investigation sa mga humuli kay Palparan at ilang miyembro mismo ng militar.
Kaya nga maging si Palparan na nagpabago ng itsura para hindi madaling makilala, napahanga sa mga nakaaresto sa kanya.
Ipinakita rin ng mga awtoridad na wala silang kinikilingan sa mga taong kanilang hinahanap -- rebelde man ito, mayamang negosyante o kahit pa dating opisyal ng militar.
Pagpapatunay ito na seryoso ang gobyernong Aquino na ipatupad ang batas, at pagpapakita na hindi dapat katakutan ang mga awtoridad dahil kakampi sila sa paghahanap sa katotohanan.
Ngayon, dadaan na ang mga akusado sa tama at makatarungang proseso upang timbangin sa korte ang kanilang pananagutan sa ibinibintang sa kanilang kasalanan. Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo”. (mgakurimaw.blogspot.com)
Subscribe to:
Posts (Atom)
.jpg)
.jpg)
.jpg)
.jpg)
.jpg)
.jpg)