Friday, November 22, 2013

Walang magawa sa buhay!



                                    Walang magawa sa buhay!


Kahit hindi nagkulang sa paalala sa peligrong bitbit ng Super Typhoon “Yolanda”, at pagsisikap na mahatiran kaagad ng tulong ang milyun-milyong sinalanta, marami pa rin ang pumuna sa naging pagkilos ng pamahalaan sa mga unang araw ng pagtama ng bagyo.

Ang masaklap lang nito, sa kabila ng pagiging abala ng marami na tumulong sa mga biktima ng kalamidad, mayroong ilan na abala naman sa pag-iisip kung papaano sisira­an ang gobyernong Aquino.

Kamakailan lang, para akuin ang buong responsibilidad at pananagutan sa paghahatid ng mga tulong sa mga biktima ni “Yolanda”, personal nang pinangasiwaan ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino ang relief operations. Sabi niya, mananatili siya sa lugar na sinalanta ng bagyo hangga’t hindi niya nakikitang bumubuti na ang kalagayan ng mga tao roon.

Kung tutuusin, handa naman at tanggap ng Palasyo ang mga kritisismo kung makakatulong iyon para mapabuti pa ang pagkilos ng pamahalaan sa pagtugon sa krisis. Pero ibang usapan na kung ang mga banat ay para lang makabanat at sinasamantala ang paghihirap ng marami para siraan lang ang administrasyon. 

Hindi na rin naman bago ang ginawang ito ni PNoy na maging “hands-on” sa mga bagay na nais niyang magawa agad nang tama. Hindi ba’t ilang araw din siyang nanatili sa Zamboanga City nang mga sandaling nakikipagbakbakan ang tropa ng pamahalaan sa mga lumusod na kasapi ng Mor­o National Liberation Front (MNLF).

Nang yanigin ng malakas na lindol ang Bohol at Cebu, nagtungo rin siya at natulog sa Bohol para personal na makita rin ang ginawang pagkilos ng gobyerno para maibalik kaagad sa normal ang buhay ng mga napinsalang mamamayan.

At kung pagbabasehan ang nangyari sa Zamboanga at Bohol na tinutukan ni PNoy ang operasyon, naging positi­bo ang resulta at madaling naisakatuparan ang mga dapat na maisagawa. Kaya naman ngayong nakatutok siya sa mga sinalanta ni “Yolanda”, makakaasa rin ang mga kababayan natin doon na mas magiging mabilis ang hakbang ng pamahalaan para makabalik sila sa normal nilang pamumuhay.

***

Ang kaso nga lang, tila may ibang hindi gustong mapabilis ang pagbangon ng ating mga kababayan. Sila rin ang taong tila ayaw yatang magtagumpay si PNoy at ang pamahalaan na maibalik kaagad sa normal ang mga sitwasyon sa mga sinalanta ng kalamidad, animo’y masaya kapag naghihirap ang mamamayan.

Mantakin niyo, habang abala ang marami sa pag-iisip ng kanilang magagawa para makatulong, mayroon naman aba­la rin sa pag-iisip kung papaano makakagulo at masisiraan si PNoy at ang gobyerno.

Gayunpaman, sa kabila ng limitadong kagamitan, ginagawa ng mga tauhan ng pamahalaan ang lahat ng kanilang makakaya para maihatid ang pangangailangan ng mga kababayan nating biktima ng kalamidad. Napakalaking tulong din ng ayudang ibi­nibigay ng mga bansang nagmamalasakit sa ating mga kababa­yan.

Pero kamakailan lang, tinawag ni deputy presidential spokesperson Abigail Valte ang pansin ng US cable news channel na CNN dahil sa kumakalat na peke at mapanirang mga larawan na nais palabasin na namumulitika si PNoy sa pagtulong sa ating mga kababayang biktima ng trahedya.

Simple lang ang pakay ng may pakana ng naturang larawan na may username na “Male22maroon”, ipakalat ang pekeng mga larawan at siraan si PNoy sa harap ng ginagawang pagsisikap ng Pangulo na matulungan ang mga biktima ni Yolanda. 

Kung sino ang posibleng nasa likod ng ganitong demolition job kahit malayo pa ang eleksiyon at hindi naman kakandidato si PNoy sa 2016 presidential elections, ika nga e, “your guess is as good as mine”. Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo”. (mgakurimaw.blogspot.com)

Wednesday, November 20, 2013

Dumamay na lang!




                                         Dumamay na lang!


Kasabay ng pagbuhos ng tulong sa mga sinalanta ng bagyong Yolanda ay ang ginagawang pagpupursige ng pamahalaang Aquino na makapagbigay kaagad ng ayuda sa mga na­ging biktima ng trahedya. Iyon nga lang, sa gitna rin ng mga pagsisikap ay hindi rin nawawala ang mga pambabatikos at paninisi.

Ang pagdaluyong ng tubig-dagat at malakas na ha­ngin at ulan na dinala ni Yolanda sa kalupaan ay tinapatan naman ng pagbuhos ng tulong mula sa ating mga kababa­yan at maging ng ibang bansa.
Pero dahil sa matinding pinsala sa mga lugar na tinamaan ng bagyo, hindi kaagad naipaabot ang tulong na hinihintay ng mga kababayan na­ting nangangailangan ng kalinga.

Sa totoo lang, nakatutuwa rin naman ang ipinakikitang pagkadismaya ng mga tao na ang hangad lang naman ay matanggap na ng mga biktima ng bagyo ang pinakahihintay na tulong. Indikasyon kasi iyon ng kanilang pagmamalasakit sa kapwa. 

Pero hindi naman yata makatwiran na ibuhos kay Pa­ngulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino o sa pambansang gobyerno ang bunton ng sisi kung hindi man kaagad na naiparating ang mga relief goods sa mga biktima ni Yolanda.

Sa tindi kasi ng hagupit ni Yolanda, naparalisa ang lokal na pamahalaan o LGUs sa apektadong mga lungsod at munisipalidad. Sila kasi dapat ang unang tutugon o tutulong sa mga nasalanta nilang nasasakupan, at magsisilbi rin sanang katuwang ng pambansang pamahalaan sa pamamahagi ng tulong sa kanilang mga kababayan.

*** 

Anyway, papaano makakakilos kaagad-agad ang pambansang pamahalaan kung barado ng mga troso at iba pang kalat ang mga kalsada? Wala ring komunikasyon at kur­yente dahil bumagsak ang mga poste at tower. Papaano malilinis kaagad ang mga kalsada kung walang mga gamit tulad ng traktora? Kung mayroon man masasakyan, wala namang krudo o magpapatakbo dahil aba­la ang lahat sa pag-asikaso rin sa kanilang mga kaanak na nabiktima rin ng kalamidad. Hindi kaagad nagamit ang mga pantalan dahil din sa mga nakakalat at nasira maging ang ilang paliparan.

Gaya halimbawa ng puwersa ng kapulisan sa isang lungsod na halos 10 porsiyento lamang ng mga pulis ang nakapagpakita sa kanilang himpilan dahil ang 90 porsiyento sa kanila ay kailangan ding asikasuhin ang kani-kanilang pamilya at mga kamag-anak na biktima rin ng bagyo. 

May isang mag-asawa sa Ormoc City na naging abala sa pagtulong sa iba ng kasagsagan ng pananalasa ni Yolanda, at pag-uwi nila, masamang balita ang kanilang dinatnan dahil nasawi na pala ang kanilang anak dahil sa bagyo.

Ganito ang sitwasyon sa maraming lugar sa mga sinalanta ni Yolanda sa Samar at Leyte, sa Iloilo at Capiz. Hindi pangkaraniwang pinsala ang inabot nating trahedya kung ikukumpara sa nakasanayan na nating mga bagyo na nagdudulot lamang ng baha at pagbagsak ng puno sa iilan lang na lugar na kayang pagtuunan kaagad ng atensiyon ng lokal na pamahalaan at suportado ng pambansang gobyerno.

Madaling maghanap ng masisisi, madaling sabihin ang mga nasa isip na gustong gawin; pero ibang usapan na kung ikaw ang nasa mismong lugar ng trahedya at batid mo ang limitas­yon na maaaring gawin.

Gaya ng pagbilang ng isa hanggang sampu, kailangan munang magbilang ng apat na numero bago marating ang nasa gitnang numero na lima kung sisimulan ang pagbibi­lang sa isa (pataas) o sa 10 (pababa).  

Ganito rin ang sitwasyon sa mga lugar na sinalanta ni Yolanda na kailangan munang daanan at linisin ang mga kalsada, ang mga pantalan at paliparan para marating ang pakay na lugar para maihatid ang tulong sa mga unang araw ng trahedya.

Sa kabila ng limitadong kagamitan ng gobyerno sa harap ng napakatinding trahedya na ikinagulat maging ng buong mundo, ginagawa ni PNoy at mga opisyal at kawani ng pamahalaan ang lahat ng kanilang magagawa para maibsan ang paghihirap ng ating mga kababayan. At sa dalang tulong at kagamitan ng ibang bansa, maisasakatuparan ito sa lalong madaling panahon.

Kapit lang mga kababayan, walang bibitiw at sama-sama tayong babangon gaya ng ginawa na natin sa mga nagdaang pagsubok. Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo”.(mgakurimaw.blogspot.com)

Monday, November 18, 2013

Bato lang ang ‘di maantig!




Bato lang ang ‘di maantig!
REY MARFIL


bangkay sa bangketa at mga buhay na naghahanap ng nawawala nilang mahal sa buhay, o ng pagkain para manatili silang buhay. Ganito ang sitwasyon sa mga lugar na matinding sinalanta ng bagyong Yolanda gaya ng Tacloban City sa Leyte. At sa ganitong sitwasyon, walang puwang ang mga manhid at intrigero.

Sa panibagong pagkakataon, ipinakita muli ng kalikasan ang kanyang puwersa -- hindi lang sa ating mga Pilipino kung hindi sa buong mundo. Ipinaalala niya na kaya niyang burahin sa mapa ang isang barangay, lungsod, lalawigan o ang isang bansa sa isang iglap.

Hindi nagkulang ang pamahalaang Aquino sa pagbibigay ng babala sa lakas at peligrong kayang gawin ni Yolanda. Katunayan, isang araw bago ang inaasahang pagtama niya sa kalupaan, nagbigay ng nationwide address si Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino para muling manawagan sa lahat na magka­isa at makiisa upang makaiwas sa sakuna. Gayunman, hindi natin malalaman ang tunay na epekto ng bagyo hangga’t hindi natin siya nararamdaman at marami sa ating mga kababa­yan na nalaman ang bangis ni Yolanda.

Marahil sa mga dalubhasa na nag-aaral sa iba’t ibang uri ng bagyo, masasabi nilang “perfect storm” si Yolanda. Bukod sa malakas na hangin at maraming ulan, nagdala rin si Yolanda ng tubig mula sa dagat na tinatawag na “storm surge”. Sa mga lugar, naranasan ang pag-ahon ng tubig-dagat sa kalupaan na umabot ng hanggang 10 talampakan, may nagsasabing dapat palitan na ang tawag sa “storm surge” sa salitang higit na madaling mauunawaan ng publiko.

Marahil, puwedeng ipalit dito ang tawag na “sea surge” o “wave surge”, na sa simpleng paliwanag ay pag-apaw ng dagat dahil sa puwersa ng hangin. Kung tutuusin, hindi naman ito ang unang pagkakataon na nagkaroon ng “storm surge” kapag may mga bagyo. Iyon nga lang, nabigyan na siya ng lubos na pansin dahil nakita natin ang matindi nitong epekto dahil kay Yolanda.

Marami kasing kaso ng “storm surge” na ang karaniwang pinsala lang ay mga nasisirang bahay sa tabing-dagat dulot ng paglakas ng hampas ng alon. Bibihira ang naiuulat na nasawi sa “storm surge” dahil nakalilikas na sa mas ligtas na lugar ang nakatira sa tabing-dagat bago pa man lamunin ng alon ang kanilang kabahayan. Pero sa kaso ni Yolanda, umabot hanggang sa kabayanan ang dagat na mistulang “tsunami”.

***

Ang pagragasa ng dagat ang hindi inasahan ng ating mga kababayan kahit pa karaniwan na nilang nararanasan sa panahon ng bagyo na may malakas na hangin at ulan... pero walang pag-apaw ng dagat. Ang resulta, ang pagkawala ng maraming buhay.

Ngunit kung hindi marahil naging maigting ang pagbibigay ng babala ng pamahalaan at pagpapakalat ng media ng kaukulang impormasyon, baka mas marami pa ang nasawi kung pagbabatayan ang delubyong ipinakita ni Yolanda.

Kilala ng publiko ang ating PNoy na lubhang nagbibi­gay pahalaga sa buhay ng mga tao. Nakita natin iyan sa nangyaring pag-atake ng ilang tagasunod ni Nur Misuari sa Moro National Liberation Front sa Zamboanga City. 

Kahit maaari namang salakayin ng tropa ng pamahalaan ang posisyon ng MNLF upang matapos kaagad ang krisis, mas binigyang halaga ni PNoy ang buhay ng mga bihag na sibil­yan at maging ng mga kasapi ng MNLF na posibleng nalinlang lamang ng kanilang mga pinuno. Inabot man ng tatlong linggo ang krimen, iilan lang ang buhay ng sibilyan ang nasayang.

Kaya hindi natin masisisi si PNoy kung maging emosyonal siya sa tindi ng pinsala ni Yolanda at sa posibleng dami ng buhay na nawala. Tao ang ating Punong Ehekutibo, may damdamin at malasakit sa buhay ng bawat isa. Kaya hindi rin kaiga-igaya na makarinig sa ganitong pagkakataon ng mga mang-iintriga at mag-iimbento ng espekulasyon sa mga ginagawang hakbang ng pamahalaan upang matulungan ang mga nakaligtas sa delubyo.

Sa halip na maghanap ng maipansisisi sa gobyerno, mas makabubuting maghanap ng paraan kung papaano makatutulong sa mga sinalanta nating kababayan. Kung wala ring lang maitutulong, makabubuting manahimik at magdasal, at nang hindi na makadagdag sa problema.
Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)

Friday, November 15, 2013

Sa kabila ng kontrobersya!


                                        Sa kabila ng kontrobersya!

           
Sa mga nakakaiyak na balita tungkol sa mga kontrobersya ng pork barrel fund at ni Janet Lim-Napoles, may magandang balita tungkol sa ekonomiya ng bansa pero baka hindi mabigyan ng sapat na pansin dahil hindi kaintri-intriga.
Hindi pang-telenobela ang good news na hatid sa bagong marka na nakuha ng Pilipinas sa World Economic Forum’s (WEF) Global Competitiveness Report. Pero dapat itong ikatuwa ng mga Pinoy dahil magpapakita ito na tuloy ang trabaho ng gobyernong Aquino sa kabila ng mga intriga sa isyu ng pork barrel fund ng mga mambabatas.
Ang magandang balitang hatid ng WEF, ang pagtaas ng “competitive standing” ng Pilipinas sa 59th spot ngayong 2013, na mas mataas sa 65th spot natin noong 2012.
Hindi biro ang pagtaas ng ating marka dahil nasa 148 bansa ang mino-monitor sa WEF report na ginagawa taun-taon. Dito ay sinusukat ang kakayanan ng isang bansa na makipagsabayan sa larangan ng pagnenegosyo at pag-angat ng kabuhayan ng kanilang mamamayan.
May mga “indicator” na ginagamit ang WEF para makita kung umaangat o bumababa sa kanilang monitoring system ang bansa. Kabilang sa mga indicator na ito ay ang domestic market size index, affordability ng financial services, madaling pagkuha ng loans, regulation ng securities exchanges, pati na rin ang financing sa pamamagitan ng local equity market.
Bukod sa magandang competitive ranking ng bansa, isa pang magandang balita ang economic growth ngayong ikalawang bahagi ng taon matapos makapagtala ng mataas na 7.5% growth rate.
Hindi ito nalalayo sa 7.6% na naitala ngayong unang bahagi ng 2013, kaya naman inaasahan na makakamit natin ang mas mataas na paglago ng ekonomiya sa pagtatapos ng taon na 6 hanggang 7 porsiyento.
***
Napag-uusapan ang growth rate, napantayan din ng Pilipinas ang China ngayong second quarter, na itinutu¬ring pinakamabilis na mga bansang kasapi ng Association of Southeast Asian Nation. Naungusan natin ang Indonesia (5.8%), Vietnam (5%), Malaysia (4.3%), Singapore (3.8%) at Thailand (2.8%).
Magandang malaman ang ganitong mga balita dahil pagpapakita ito na hindi nalilihis ang atensyon ng pamahalaang Aquino sa pagpapalago ng ekonomiya ito’y kahit pa abala rin ang gobyerno sa pagsasaayos sa kung papaano gagamitin ang pondo ng bansa sa 2014 at ang masamang epekto sa agrikultura, at imprastraktura ng mga nagdaang kalamidad.
Isipin na lang natin ang pinsala ng nagdaang dalawang bagyo na sumira at lumunod ng mga taniman at palayan, nagpabagsak ng mga tulay at sumira ng mga kalsada.
Hindi ba sayang ang bilyun-bilyon na gagastusin muli ng gobyerno para ipaayos ang nasirang mga imprastraktura na pondo na sana’y magagamit sa iba pang proyekto o programa?
Hindi ba’t sayang din ang mga nasirang palay o mais o saging na malapit nang anihin ng ating mga kababayan na dahil sa kalamidad ay kakailanganin muli nilang umutang ng puhunan at bumangon muli sa dagok sa buhay na kanilang naranasan?
Pero dahil sa magandang takbo ng ekonomiya at katatagan ng pamahalaang Aquino sa tamang paggamit ng pondo ng bayan, may magagamit ang gobyerno upang isaayos kaagad ang mga nasirang imprastraktura, at mabigyan ng ayuda ang mga nasalanta upang matulungan sila sa pagbangon sa kanilang kinalalagyan.
Umasa tayo na pagkatapos ng mga kontrobersya, intriga at kalamidad, kapag nahawi na ang ulap ika nga, lalabas din ang nakangiting sikat ng araw.

Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)

Wednesday, November 13, 2013

Wala sa katinuan!




                                        Wala sa katinuan!



Hindi ba’t kapuri-puri ang desisyon ng administrasyong Aquino na maglaan ng P2 bilyong pondo para suportahan ang apektadong overseas Filipino workers (OFW­s) sa Saudi Arabia.

Bibigyan ng pamahalaan ang OFWs ng tsansa na magkaroon ng sariling negosyo sa pamamagitan ng pagsisi­mula ng maliit na negosyo lalo’t tumitindi ang paghuli sa ilegal na OFWs na nasa Saudi Arabia.
Ipinapakita lamang ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino ang kanyang malaking puso at suporta sa laban ng OFWs.

Kumikilos ang pamahalaan sa pamamagitan ni Vice President Jejomar Binay, Presidential Adviser on OFW Concerns, na nakatutok sa kapakanan ng OFWs, kabilang dito ang pagpapadala ng opisyal ng liham ng apela kay Saudi King Abdullah Bin Abdulaziz Al Saud para bigyan pa ng ekstensiyon ang OFWs na maisaayos ang kanilang mga papeles matapos mapaso ang palugit noong Nobyembre 3.

Matapos pumutok ang nasabing palugit, asahang patitindihin ng pamahalaang Saudi ang paghuli sa mga kababayan nating OFWs at iba pang mga dayuhan na nananatili sa nasabing bansa.

Malaking tulong nga naman talaga ang ilalaang pondo ng pamahalaan para mabigyan ng pagkakataon at oportunidad ang OFWs na nagbalik sa bansa na muling magsimula.

***

Kung talagang pambansang interes ang iniisip ng website hackers na nagtatago sa pangalang Anonymous Philippines, dapat tumigil na ang mga ito sa paninira ng go­vernment websites dahil karagdagang gastos lamang ang ibinubunga ng ilegal nilang aktibidad.

Magagamit sana ang pondo sa pagkumpuni ng sinirang websites upang matulungan ang mga mahihirap na nangangailangan ng iba’t ibang pangunahing serbisyo.

Nakakahiya ang ginagawa ng hackers na kontra kuno sa pork barrel system matapos atakehin ang website ng Office of the Ombudsman at 37 iba pang tanggapan ng pamahalaan.

Tama ring palakasin ng mga ahensiya ng pamahalaan ang kanilang depensa laban sa mga naninira ng websites lalo pa’t madidiskaril ang operasyon o trabaho.

Maganda ring tukuyin ang mga nasa likod ng paninira at kasuhan ang mga ito upang managot. At asahang meron masasampolan sa pananabotahe ng mga websites.

Ang tanong ni Mang Kanor: Hindi ba nauunawaan ng hackers na ibinasura na ng Kamara de Representantes ang priority development assistance fund (PDAF) o pork barrel nang ipasa sa ikatlo at huling pagbasa ang P2.268-tril­yong general appropriations bill (GAB) sa susunod na taon?

Mayroon ngang problema sa pork barrel, pero dapat maunawaan din ng mga kritiko ang malaking pakinabang ng publiko rito, lalung-lalo na ang mga mahihirap na umaasa ng mga pasilidad katulad ng mga silid-aralan at kalsada at maging ang scholarship at suportang medikal sa mga nangangailangan.

Hindi rin ba nauunawaan ng hackers na ang pagpapahayag ng saloobin at reklamo ay hindi ganap na karapatan sa ilalim ng Konstitusyon, maliban kung sadyang maki­tid ang kukote ang pag-iisip, as in ga-lamok ang utak ng mga ito?

Hirit ni Mang Gusting, merong pananagutan ang bawat isa at hindi maaaring lumabag sa umiiral na mga batas at alituntunin. Iyan ang nakalimutan ng hackers. La­ging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo”. (mgakurimaw.blogspot.com)

Monday, November 11, 2013

Laway lang!

                                             

                                          Laway lang!


Makatwiran at nararapat ang pahayag ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino na hindi titigilan ng pamahalaan ang mga nasa likod ng katiwalian na nambulsa ng milyun-milyong halaga ng pork barrel.

Dapat suportahan ng publiko si Pangulong Aquino sa paghahabol sa mga nasasangkot sa maling paggamit ng Priority Deve­lopment Assistance Fund (PDAF). Hindi tamang binabaligtad ng mga nasasangkot ang isyu para makaiwas sila sa pananagutan.

Samahan natin ang Pangulo sa kanyang paglaban para sa prosekusyon at pagpapabilanggo ng mga pulitikong nambulsa talaga ng pondo ng taumbayan.

Umaasa ako na magkakaroon ng malusog at matalinong diskusyon ang mga tao sa nangyayaring mga isyu para malaman ang katotohanan.

Naniniwala si Mang Kanor sa katalinuhan ng publiko na ihiwalay ang katotohanan sa kasinungalingan lalo’t kitang-kita ang dedikasyon ni PNoy na labanan ang katiwalian sa bansa.

Hanggang sumusuporta ang maraming Pilipino sa Pangulo, sigurado tayong magtatagumpay ang ginagawa niyang kampan­ya sa pagsugpo ng kahirapan.

Dahil nakikita naman ang malaking reporma at pagbabago, siguradong mananatili sa tabi ng Pangulo ang publiko. At nga­yong magkakasunod ang kalamidad -- dito makikita ang kaha­lagahan ng social funds na binabatikos ng mga nagmamagaling sa pamamalakad.

Kung wala ang calamity fund na pilit pinapalabas ng mga kritiko ni PNoy na isang dambuhalang pork barrel, paano tutulu­ngan ng gobyerno ang mga tinamaan ng lindol sa Bohol, pinaka-latest ang milyong Pilipino na binayo ni Yolanda sa Visayas region. Kahit ipaputol pa ni Mang Kanor ang lahat ng daliri sa kamay at paa nito, napakalaking kalokohan kung magpapaluwal o aabonohan ng mga kritiko ng Pangulo ang panggastos, eh puro laway lang sa harap ng camera ang alam ng mga ito!

Tama ring idepensa ng Pangulo sa kanyang talumpati ang paggamit ng Disbursement Acceleration Program (DAP) dahil mahalaga ang nagawa nito sa ekonomiya sa pamamagitan ng tamang paggugol katulad ng konstruksiyon ng iba’t ibang mahahalagang mga imprastraktura, technical training programs at rehabilitasyon ng Zamboanga City.

***

Sapantaha ni Mang Gusting, bunga lamang ng hindi “accurate” na pananaw ang resulta ng pinakabagong Social Weather Stations (SWS) survey na nagsasabing tumaas sa 400,000 ang bilang ng mga pamilyang Pilipino na ikinonsidera ang kanilang mga sarili na mahirap sa nakalipas na tatlong buwan.

Base sa resulta ng SWS survey, lumabas na 50 porsiyento ng pamilyang Pilipino o 10.8 milyon ang inilarawan ang kanilang mga sarili na mahirap, bahagyang mataas kumpara sa naitalang 49% o 10.4 milyon noong nakalipas na Hunyo.

Hindi talaga ito ang makatotohanang kalagayang pang-ekonomiya ng bawat pamilyang Pilipino.

Higit na nakakalungkot dito ang pagkakaroon ng mistulang “standard” o pamantayang sagot ng bawat Filipino na sumasagot na “katulad pa rin ng dati” ang kanilang buhay tuwing tinatanong ang kanilang kalagayang pang-ekonomiya.

Nababago lamang ang ganitong sagot kung talagang nagkaroon ng malaking pagbabago sa buhay na para bang tumama sa lotto.

Ibig sabihin, nagiging bahagi na ng kultura ng mga Pilipino ang pagsagot ng “walang pinagbago”.

Gayunpaman, asahan nating pinag-aaralang mabuti ng administrasyong Aquino ang resulta ng survey upang mas lalo pang mabigyan ng magandang oportunidad sa buhay ang mga mahihirap.

Ikonsidera rin natin na limitado ang oportunidad sa trabaho sa sektor ng konstruksiyon dahil isinagawa ang survey sa kasagsagan ng tag-ulan na pinatindi pa ng suliraning dala ng natural na mga kalamidad katulad ng bagyo at lindol.

Kaya talagang mabigat ang mga panahon na iyan, hindi natin maaasahan masyado na bubuti ang lagay ng mga oportunidad mula Hunyo hanggang Setyembre para sa ilang sektor.

Ngunit, malaki ang paniniwala ko na sa kabila ng kontro­bersiya sa pork barrel, Malampaya at DAP, magkakaroon ng magandang bunga ang mga pagsusumikap ni PNoy sa buhay ng mga Pilipino, lalung-lalo na ang mga mahihirap sa pagtatapos ng taon.

Maraming mga programa ang pamahalaan para maisulong ang kagalingan at interes ng mga mahihirap katulad ng Philhealth, patuloy na pagtaas sa badyet ng conditional cash transfer (CCT) at iba pa. Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo”. (mgakurimaw.blogspot.com)

Friday, November 8, 2013

Leksyon!




Leksyon!




Simula nitong Nobyembre 3, magsisimula nang hulihin ng mga awtoridad sa Kingdom of Saudi Arabia ang mga hindi dokumentadong mga dayuhang manggagawa na nasa kanilang bansa, kabilang na rito ang ating mga kababayang overseas Fi­lipino workers o OFWs. 

Ang paghihigpit na ito ng nasabing kaharian sa Gitnang Silangan ay bahagi ng kanilang programa na una­hing mabig­yan ng trabaho ang kanilang mga kababayan.

Ang masaklap nga lamang sa sitwasyong ito, marami pa rin sa ating mga kababayang OFW na hindi dokumentong nagtatrabaho roon ang hindi nakumpleto ang dokumentasyon at na­nganganib silang maaresto. At kung pagbabata­yan ang mga nakaraang mga ulat tungkol sa mga kababa­yan nating nahuhuli roon, hindi kaiga-igaya ang kanilang mga naging karanasan.

Kung tutuusin, ginagawa naman ng mga kinauukulang ahensiya ng pamahalaan sa pangunguna ng Department of Fo­reign Affairs (DFA) ang kanilang magagawa para matulungan ang ating mga kababayan, alinsunod na rin sa na­ging utos ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino.  

Matapos kasing ianunsiyo ng KSA ang kanilang Saudization program ilan buwan na ang nakalilipas, sini­mulan na rin ang DFA ang kanilang panawagan sa mga OFW na ayusin ang kanilang mga dokumentasyon para maging legal ang pananatili nila roon.

Umabot na sa 4,420 OFWs ang matagumpay na naiuwi sa Pilipinas, may 1,500 pa hinihintay ang exit visa at may ilan libo pa ang may problema sa dokumentas­yon at namimiligrong madakip. Tinatayang nasa isang milyon ang mga Pinoy na nagtatrabaho sa kaharian ng Saudi Arabia.

At sa kabila ng paulit-ulit na mga babala, marami pa rin sa ating mga kababayan ang nais makipagsapalaran sa ibang bansa na tila tumatawid lang sa EDSA at nakiki­pagpatintero sa ka­pahamakan. May ilan na gustong manatili sa KSA kahit isugal ang kanilang kalayaan sa katwirang wala rin naman silang katiyakan na may makukuhang trabaho kapag umuwi ng Pilipinas.

Ang hindi nila naisip, mas ligtas sila sa Pilipinas at kahit papaano ay may makukuha rin naman silang trabaho dito, iyon nga lang marahil ay hindi kasing-laki ang sahod na maaari nilang ki­tain sa Saudi. Ang ganitong mentalidad ng ilan nating kababa­yan ay hindi lang sa KSA umiiral kundi maging sa ibang bansa kung saan sila nakikipagsapalaran.

***

Napag-usapan ang “Saudization”, bago mapauwi ng Pili­pinas ang isang OFW, kailangan niyang makakuha ng “exit visa” na maibibigay lamang kung may clearance siya sa kanyang naging amo. Pero papaano siya makakakuha ng clearance kung nilayasan o tinakasan niya ang kanyang amo? Ang iba, hindi lang dalawa o tatlong beses nakapagpalit ng amo habang nagtatago.

Bukod diyan, may karampatang multa rin ang bawat buwan o taon ng pagiging illegal worker. Kaya naman marami sa mga pinapauwing hindi dokumentadong OFW ang may ma­laking binabayaran upang makakuha sila ng exit visa, maliban na lamang kapag winave o hindi na ito sisini­ngil ng gobyerno ng KSA.

Sa kabila ng mga problemang ito ng mga kababayan natin sa KSA, ginagawa pa rin ng pamahalaang Aquino sa pa­ngunguna ng DFA na maiuwi ang mga hindi dokumentadong OFWs. Iyon nga lang, ngayon ay nakikita na kung gaano sila kadami kaya hindi rin ganu’ng kadali ang pagproseso sa kanilang dokumento.

At sa mga grupo na walang ginawa kundi sisihin at batikusin ang gobyerno sa ganitong mga pagkakataon, bakit hindi kaya kayo mismo ang magpayo sa ating mga kababa­yang OFWs na hindi sila dapat mangibang bansa o manatili sa kinala­lagyan nilang bansa kung hindi rin naman legal ang pana­natili roon para makaiwas sa kapahamakan. La­ging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo”.(mgakurimaw.blogspot.com)