| Armado ngayon! | |
| REY MARFIL
Dapat suportahan at bigyang kooperasyon ang kautusan ni Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino sa bagong talagang si Interior and Local Government Sec. Manuel Roxas na paigtingin pa ang paglansag sa mga pribadong armadong grupo sa Pilipinas habang naghahanda ang bansa sa 2013 midterm elections.
Magugunitang walang humpay ang naging kampanya noon ng Department of Interior and Local Government (DILG) sa ilalim ng namayapang si Interior and Local Government Sec. Jesse Robredo para buwagin ang mga armadong grupo sa bansa.
Mula sa 80 armadong mga grupo, idineklara ng Malacañang na kalahati na sa mga ito ang nalansag.
Kailangan nating tiyakin na magiging mapayapa ang darating na halalan at mananalo ang mga kandidatong ibinoto ng mga tao.
***
Napag-usapan ang mga aksyon ng gobyerno, hindi ba’t nakakatuwang marinig na sisimulan na sa lalong madaling panahon ng inter-agency body ang pagbuo sa implementing rules and regulations (IRRs) ng bagong lagdang batas na Cybercrime Prevention Act of 2012 upang sugpuin ang mga krimen sa internet sa Pilipinas.
Itinalaga ang Department of Justice (DOJ), DILG at Information and Communications Technology Office sa ilalim ng Department of Science and Technology (ICTO-DOST) para trabahuhin ang Cybercrime Prevention Act of 2012 IRR.
Nilagdaan ni PNoy ng nakaraang Setyembre 12 ang Republic Act (RA) No. 10175 o Cybercrime Prevention Act of 2012.
Kabilang sa mga pinaparusahan ng batas ang paglabag sa pagiging pribado, integridad at umiiral na computer data system, panghihimasok sa files, ilegal na interception, pakikialam sa data, system interference, at maling paggamit ng devices.
Kasama rin sa tinatawag na computer-related offenses ang forgery, fraud, at identity theft na talamak ngayon sa internet. Parurusahan din sa ilalim ng batas ang content-related offenses kagaya ng cybersex, at child pornography.
Hindi rin paliligtasin ng batas ang tinatawag na unsolicited commercial communications o cyber-squatting, paggamit sa pangalan ng mga tao para sa sariling kapakinabangan o manira ng reputasyon.
Kabilang sa mga umiiral na batas sa bansa na pinarurusahan ang internet crimes ang Republic Act (RA) No. 9995 o Anti-Photo and
Voyeurism Act of 2009; RA No. 9775 o Anti-Child Pornography Act of 2009; at RA No. 9208 o Anti-Trafficking in Persons Act of 2003.
Malinaw na determinado ang administrasyong Aquino na habulin ang mga nasa likod ng iba’t ibang krimen sa internet lalo pa’t nakatali ang kamay ng pulisya sa mahabang panahon.
Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)
|
Friday, September 28, 2012
Wednesday, September 26, 2012
Malayo sa nakaraan!
| Malayo sa nakaraan! | |
| REY MARFIL
Dapat kilalanin ang pagsusumikap ni Agriculture Sec. Proceso Alcala na mailuwas ang tinatawag na “cavendish bananas” ng bansa sa mga tropang Amerikano sa Gitnang Silangan at Pasipiko.
Tinatrabaho ni Alcala ang bilateral agreement sa Washington para sa posibleng pagluluwas ng mga saging lalo na ngayong mayroong teknolohiya ang Pilipinas upang dalhin ito sa mga sundalong Amerikano na nasa labas ng Estados Unidos.
Bukod sa mga base militar, tinitingan rin ng DA ang Defense Commissary Agency (DeCA) na pinatatakbo ng United States Department of Defense bilang mas magandang merkado ng saging ng Pilipinas. Pinatatakbo ng US Department of Defense ang mahigit sa 250 commissaries sa buong mundo.
Nagbebenta ang commissaries ng groceries at household goods sa active-duty, guard, reserve, at retiradong mga kasapi sa lahat ng pitong uniformed services ng US at kasapi ng kanilang mga pamilya.
Dahil sa sinserong serbisyo, malaki na ang tsansa ng cavendish bananas ng bansa na makapasa sa US export requirements matapos ipatupad ng Department of Agriculture ang ilang mga hakbang na nagpataas sa kalidad ng ating mga saging.
Nakipagkita si Alcala sa US Department of Agriculture attachés para talakayin ang sanitary at pythosanitary requirements ng mga saging at asahan natin ang pagluluwas ng produkto sa lalong madaling panahon.
Ginagawa ng administrasyong Aquino ang lahat para sa promosyon ng mga produkto ng bansa na magreresulta sa karagdagang kita at trabaho ng mga Pilipino.
***
Napag-uusapan ang good news, senyales sa lumalagong ekonomiya ng bansa ang 2012-2013 Global Competitiveness Report na ulat kung saan bumuti ang ranking ng Pilipinas na nasa ika-65th spot ngayon mula ika-75 posisyon.
Halos 10 puntos ang naging ginansya ng Pilipinas sa ika-65 posisyon ngayon sa hanay ng ekonomiya ng 144 na bansa base sa pinakabagong pananaliksik ng Global Competitiveness Report 2012-2013 o ang taunang publikasyon ng World Economic Forum.
Noong nakaraang taon, 10 puntos rin ang iniangat ng bansa mula sa 85th tungong 75th o kabuuang 20 puntos na pagtaas sa nakalipas na dalawang taon ito’y bunsod ng matuwid na kampanya ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino na nagawang maibalik ang tiwala ng publiko at mga negosyante sa pamahalaan.
Kitang-kita rin ang pag-asenso ng mga pampublikong institusyon na nakaabot sa ika-94 na posisyon o pag-angat ng 23 puntos habang 33 puntos naman ang iniakyat ng tiwala ng publiko sa mga pulitiko para sa ika-95 na puwesto.
Talagang malinaw ang hindi natitinag na pag-angat ng sosyal na tiwala at pagpapalakas ng demokratikong mga institusyon bilang resulta ng isinulong na mga reporma sa pamahalaan sapul nang maupo sa kapangyarihan si PNoy noong Hunyo 2010.
Kabilang pa sa paborableng mga resulta ang transparency sa pagbuo ng polisiya na umangat ng 23 puntos at pagiging parehas sa pagkakaloob ng mga kontrata na tumaas naman ng 19 na puntos.
Nakapagtala rin ng 27 puntos na pag-angat sa isyu ng pagbabawas sa tinatawag na paglilipat ng mga pampublikong pondo habang 23 puntos na pagtaas sa pagbabawas ng tinatawag na maaksayang paggugol ng salapi ng bayan at 11 puntos na pagtaas sa pagpapabuti ng iregular na pagbabayad o panunuhol.
Malinaw na nag-ugat ang lahat ng positibong pagbabago sa pagiging “competitive” ng Pilipinas sa mga repormang inilatag ng administrasyong Aquino.
Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)
|
Monday, September 24, 2012
Paglaban!
| Paglaban! | |
| REY MARFIL
Maganda ang hatid na balita sa lumabas na resulta ng pinakabagong survey ng Social Weather Stations (SWS) na nagpapakita ng malaking kumpiyansa ng mga negosyante tungkol sa pagbaba ng katiwalian sa gobyerno sa ilalim ng pamamahala ni Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino.
Sa 2012 SWS Survey of Enterprises on Corruption na ginawa noong July 16 hanggang Sept. 14, lumabas na 71% ng tinanong na 826 business executives ang nagpahayag na mas kaunti na ang katiwalian sa gobyerno, at dalawang porsiyento (2%) lamang ang nagsabing malala pa rin.
Ang naturang survey ay nagpapakita rin na mas bumubuti ang pananaw ng mga negosyante tungkol sa usapin ng katiwalian sa gobyerno. Sa nakaraang survey kasi na ginawa naman noong May 24 hanggang 27, 2012, 64% ang nagsabing nabawasan na ang katiwalian, kumpara sa dating nagsabi na limang porsiyento (5%) na lumalala ang problema.
Sa pananaw ng SWS, nagkaroon ng radikal o puspusang kampanya ang pamahalaan ni Aquino laban sa katiwalian.
Hindi naman ito kataka-taka dahil lumalabas naman ang mga balita tungkol sa tauhan o maging opisyal ng pamahalaan at law enforcement agencies na natatanggal sa trabaho kapag nasangkot sila sa iskandalo ng katiwalian.
Pagpapakita ito na hindi nakakalimot si PNoy sa kanyang ipinangako noon na lilinisin niya sa katiwalian ang gobyerno na iniwan ng nakaraang administrasyon.
Sa isang survey ng SWS noong 2009, umabot sa 64% ang paniniwala ng mga negosyante na matindi ang katiwalian sa nakaraang gobyerno ito’y hindi kailangan pang i-survey lalo pa’t namutiktik sa iskandalo ang administrasyon ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo at naging “busy” sa inquiry ang Senado.
***
Napag-usapan ang seryosong kampanya ni PNoy laban sa katiwalian, hindi kataka-taka na lalo pang tumaas ang pagtitiwala at approval rating niya sa mamamayan, batay naman sa hiwalay na survey na ginawa ng Pulse Asia nitong Agosto 31 hanggang Sept. 7.
Sa resulta ng naturang survey, 78% o pito (7) sa bawat sampung (10) Filipino ang nasisiyahan sa ginagawa ng Pangulo. Mas mataas ito sa 67% na nakuha sa nakaraang survey na ginawa ng Pulse Asia.
At dahil sa seryosong kampanya ni PNoy laban sa katiwalian, ang mga ahensya ng pamahalaan na dating talamak sa paniwalang korap ay unti-unti ring nakakabangon ng kanilang imahe. Malaking bagay dito ang paglalagay ng matitinong opisyal na namumuno sa iba’t ibang ahensya.
Sa 20 ahensya ng gobyerno, 17 sa kanila ang namarkahan sa SWS survey na seryoso na labanan ang katiwalian. At siyempre, sa mga ahensyang ito, ang tanggapan ng Pangulo (Office of the President) ang nakapagtala ng may pinakamalaking pagbabago sa ilalim ng liderato ni PNoy na mula sa rating na negative 37 noong 2009 sa ilalim ni Mrs. Arroyo, ito’y naging 81%, as in nasa katinuan ngayong 2012 ang gobyerno.
Mahaba pa ang biyahe sa tuwid na daan, marami pang lubak na maaaring daanan. Pero sa pagkakaisa ng pamahalaan at mamamayan, mararating natin ang dulo ng tagumpay.
Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo”. (mgakurimaw.blogspot.com)
|
Friday, September 21, 2012
Tamang pagtitipon! REY MARFIL
| Tamang pagtitipon! | |
| REY MARFIL | |
Hindi nakakapagtaka ang pinakabagong resulta ng prestihiyosong Social Weather Stations (SWS) survey kung saan nakapagtala si Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino ng “very good” rating na 77% na pinakamataas sa kasaysayan.
Mainit talaga ang pagtanggap ng mayorya ng mga Pilipino sa matuwid na daan na kampanya ni PNoy sa pagsugpo ng katiwalian sa pamahalaan kaya’t tanging bulag at bingi sa nangyayaring pagbabago, sampu ng mga “mutain” ang hindi nakakaintindi.
Sa isinagawang survey ng SWS mula Agosto 24 hanggang 27, 77% ng Pilipinos ang nagpahayag ng pagkasiya sa trabaho ng Pangulo para sa +67 na mataas ng 25 puntos kumpara sa +42 satisfaction nitong nakalipas na Mayo.
Malinaw ang suporta ng mga Pilipino sa bagong istilo ng pamumuno ng Punong Ehekutibo na nagsusulong ng malaking reporma sa pamahalaan at maraming pampublikong mga institusyon.
Kinumpirma ng magandang numero ang malaking mandatong nakuha ng Pangulo sa nakalipas na halalan bilang lider ng bansa at pagiging instrumento nito tungo sa pagbabago sa kabila ng malaking mga hamon sapul nang maupo sa kapangyarihan.
Positibo ito sa bansa lalo na sa pagkilalang nakuha ng administrasyong Aquino sa ulat ng Global Competitiveness Report of the World Economic Forum. Kinilala kasi ng internasyunal na lupon ang mga inisyatibo sa pagbabago ng pamahalaang Aquino.
Inaasahan pa natin ang mas magandang numero sa trabaho ni Pangulong Aquino sa hinaharap lalo’t patuloy ang kanyang pagsusulong ng transparency, pananagutan, pagbabalik ng tiwala ng publiko sa pamahalaan, katapatan at integridad sa serbisyo publiko.
***
Napag-usapan ang ratings, pinatotohanan ng Pulse Asia ang mataas na popularidad at performance ni PNoy matapos umakyat sa 78%, halos walang pinag-iba sa naunang SWS survey.
Umarangkada ang approval at trust ratings ni PNoy sa nakaraang tatlong (3) buwan, alinsunod sa Pulse Asia survey na isinagawa noong Agosto 31 hanggang Setyembre 7.
Sa Pulse survey, tumaas sa 78% ang approval rating ni PNoy mula sa 67% noong Mayo, maging ang trust rating nito’y umakyat sa 78%, ‘di hamak na malayo sa 65% na naunang naitala.
Take note: bumaba rin ng 4% ang nagbigay ng disapproval rating kay PNoy kumpara sa 10% noong Mayo, as in 6% ang ibinawas habang ang undecided o walang maibigay na opinyon, ito’y naging 18% na lamang mula sa dating 25%.
Ibig sabihin, maraming natuwa sa 1,200 respondents na tinanong ng Pulse Asia kung saan nakasentro ang isyu sa paglaban ng Pangulo sa kriminalidad kung saan binigyan ng 66% approval rating mula sa 66% na naitala noong Mayo. Ang tiyak lamang ng mga kurimaw, hindi matutuwa ang mga kritiko ni PNoy.
Hindi lang ‘yan, aprubado sa 59% ng mga respondent ang sistema ng pagpapatupad ng gobyerno sa batas habang 57% ang kuntento sa pagpapanatili sa kapayapaan at 50% ang sumang-ayon sa pagsisikap ng administrasyon na maibalik ang tiwala ng taumbayan sa pamahalaan ito’y hindi nangyari sa mahabang panahon dahil nabalutan ng anomalya at eskandalo.
Sa larangan ng pagsisikap ng gobyerno na protektahan ang kalikasan, 50% ang nag-apruba habang 48% ang umayon sa pakikipaglaban ng gobyerno sa teritoryo ng bansa partikular na sa usapin ng Spratly Group of Islands at Scarborough Shoal -- isang patotoo na nasa tamang landas ang pagtitimon ni PNoy.
Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)
|
Wednesday, September 19, 2012
‘Di tumitigil
| ‘Di tumitigil | |
| REY MARFIL
Hindi ba’t kapuri-puri ang pasensya at kahanga-hangang diplomatikong pagposturang ipinapakita ng administrasyong Aquino sa pagsusulong ng mapayapang solusyon sa agawan sa teritoryo ng West Philippine Sea bilang pinakamainam na pamamaraan hindi lamang sa pagtiyak ng interes ng bansa kundi ng buong mundo na umaasa sa napakahalagang ruta ng kalakal at pamumuhunan sa karagatan.
Dapat nating suportahan si Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino na nananatiling mataas ang nakikitang pag-asa na matutuloy sa hinaharap ang dayalogo sa China upang pag-usapan ang mga isyu na nag-ugat sa agawan sa teritoryo sa West Philippine Sea.
Tama si PNoy sa pagsasabi na ang “puso sa pusong” usapan na mayroong “katapatan at pagiging bukas” ang susi upang maresolba ang problema.
Bagama’t hindi natuloy ang pulong ni PNoy kay Chinese President Hu Jintao sa nakalipas na Asia Pacific Economic Cooperation Summit sa Vladivostok, Russia noong nakalipas na linggo, nananatiling bukas ang pamahalaan ng China sa ideya na magkaroon ng pag-uusap sa isyu.
***
Napag-uusapan ang mga aksyon ng gobyerno, todo-kayod si PNoy para matiyak na maibibigay ang lahat ng mga benepisyo ng mga guro sa bansa, maging ang karagdagang guro at silid-aralan upang mapalakas at maiangat ang antas ng edukasyon.
Sa katunayan, sinaksihan ng Pangulo ang paglagda sa tripartite Memorandum of Agreement ng Departments of Budget and Management (DBM), Education (DepEd) at Government Service Insurance System (GSIS) sa isang seremonya na isinagawa sa Malacañang nitong nakalipas na Martes.
Sa ilalim ng MOA na pinirmahan nina Budget Secretary Florencio Abad, Education Secretary Armin Luistro at GSIS president and general manager Robert Vergara, layunin nitong resolbahin ang problema sa hindi nababayarang kontribusyon sa pamamagitan ng pagbabalik ng benepisyo ng 800,000 aktibo at hindi aktibong mga kawani ng DepEd sapul noong Hulyo 1997.
Babayaran ng DBM ang P6.92 bilyong premium-in-arrears na kumakatawan sa obligasyon ng pamahalaan sa pamamagitan ng agarang pagpapalabas ng P3.46 bilyon o kalahati ng halagang kailangang maibigay sa GSIS.
Bilang tugon, kakalimutan ng GSIS sa pamamagitan ng Board of Trustees nito ang P14 bilyong naipong interes sa problema at magkakaloob pa ng limang porsiyentong diskuwento sa halagang kailangang bayaran.
Sa naging pahayag ni GSIS president at general manager Vergara sa paglagda ng MOA, makikinabang ang mga kawani ng DepEd sa tamang umento sa pinalaking benepisyo, mas mataas na halaga na maaaring utangin at potensyal na paglaki pa ng mga benepisyo sa pagreretiro.
Nabatid pa sa opisyal na makakatanggap ng mas mataas na pensyon ang mga retirado at aktibong mga kawani ng DepEd dahil magkakaroon ang GSIS ng panibagong kalkulasyon sa kanilang mga benepisyo.
Nakasama ng Pangulo sa seremonya sina GSIS chairman Daniel Lacson Jr., Senator Edgardo Angara, Manila Rep. Rosenda Ocampo at Alliance of Concerned Teachers partylist Rep. Antonio Tinio, at iba pa.
Dumalo rin sa seremonya sina Teachers’ Dignity Coalition chairman Benjo Basas, Philippine Public School Teachers Association (PPSTA) president Mario Ramirez, DepEd-NEU national president Atty. Domingo Alidon at Manila Public School Teachers Association (MPSTA) president Benjamin Valbuena.
Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)
|
Monday, September 17, 2012
Upgrade
| Upgrade | |
| REY MARFIL
Kapuri-puri ang pagsusumikap ni Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino na bawasan ang tinatayang 300,000 nursing graduates sa bansa na walang trabaho.
Gugugol ang pamahalaan ng P2.8 bilyon sa susunod na taon para kunin ang serbisyo ng 22,500 nurses; 4,379 komadrona at 131 doktor sa pamamagitan ng pinalawak na Doctors to the Barrio and Rural Health Practices Program sa ilalim ng 2013 P2.006-trillion General Appropriations Bill (GAB).
Aabot sa P1.114 trilyon ang bagong pondo o 66 porsiyento na mas malaki kumpara sa kasalukuyang P1.686 bilyong alokasyon ngayong taon na sapat lamang para kunin ang serbisyo ng 12,000 nurses; 1,000 komadrona at 200 doktor.
Inaasahang mapapabuti ang serbisyong kalusugan sa mga mahihirap na mga lugar sa bansa sa pamamagitan ng pinalawak na programa na makakatulong din upang magkaroon ng pansamantalang trabaho at karagdagang pagsasanay ang walang trabahong health professionals sa bansa.
Asahan nating makakatulong ang karagdagang kaalaman at karanasan na matututunan ng health professionals sa programa ni PNoy para makakuha ang mga ito ng trabaho sa loob at labas ng bansa sa hinaharap.
Sa pahayag kasi ng Professional Regulation Commission (PRC), kabilang ang nurses at mga komadrona sa malaking grupo ng mga propesyonal na nahaharap sa krisis sa pagkakaroon ng permanenteng trabaho.
Ngayong taon, nagkaloob ang PRC ng lisensya sa 50,583 bagong nurses at 2,149 bagong komadrona na nakapasa sa eksamin. Marami sa mga ito ang talagang walang trabaho o kaya naman naghahanapbuhay ng hindi angkop sa kanilang tinapos at desperadong magkaroon ng permanenteng pagkakakitaan kaya naman todo kayod si PNoy sa paghahanap ng mga paraan para matulungan ang mga ito.
Sa ilalim ng Doctors to the Barrio Program and Rural Health Practices Program, tutulong ang nurses para ipatupad ang P2 bilyong pinalawak na pagbakuna sa 2.7 milyong sanggol na mayroong edad na 0 hanggang 15 buwan kontra sa tuberculosis (TB), diphtheria, pertussis, tetanus, polio, measles, at rotavirus.
Tutulong din sila sa pagbakuna ng senior citizens laban sa flu at pneumonia at umagapay sa pagpapatupad ng P1 bilyong TB Control Program sa pamamagitan ng tinatawag na Directly Observed Treatment Short Course (DOTSC) Strategy.
Katuwang naman ang mga komadrona sa pagkakaloob ng modernong pamamaraan ng pangangalaga sa kalusugan ng mga nanganganak at kanilang mga sanggol sa malalayong mga lugar sa bansa kung saan kadalasang nanganganak ang mga kababaihan sa kanilang mga bahay nang walang kasamang medical professionals.
***
Napag-usapan ang good news, binabati natin ang administrasyong Aquino sa pagpapatupad ng mga reporma sa industriya ng paliparan sa bansa para maibalik ang Pilipinas sa Category One status ng United States Federal Aviation Administration (FAA).
Itinalaga ni outgoing Transportation and Communications Sec. Manuel Roxas si retired Lieutenant General William Hotchkiss III at grupo nito para tiyaking maaalis ang bansa sa tinatawag na Category 2 sa lalong madaling panahon.
Nitong nakalipas na Hulyo, hinirang din ng board of directors ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) si Hotchkiss bilang director-general ng CAAP.
Ginagawa naman ng mga opisyal ng administrasyong Aquino ang lahat ng kailangang mga reporma para maalis ang bansa sa Category 2 status kung saan nasita ang sinasabing mga kakulangan sa kaligtasan ng ating mga paliparan.
Hindi lamang kasi naaapektuhan ang budget airlines kundi tinatamaan din maging ang mga kompanya ng eroplanong nagtutungo sa Europe at Estados Unidos (US).
Dapat tayong magpasalamat sa dobleng pagsusumikap ng pamahalaang Aquino upang makabalik ang Pilipinas sa Category 1 level at agresibong maisulong ang turismo at mapalawak pa ang merkado nito.
Magugunitang ibinaba ng US FAA sa Category 2 mula Category 1 noong Enero 17, 2008 ang kalagayan ng mga paliparan sa bansa dahil sa isyu ng seryosong teknikal na problema sa pangangasiwa ng mga paliparan matapos magsawa ng pagsusuri sa kaligtasan ng mga pasilidad at istruktura.
Kabilang sa naging mga isyu ang kakulangan ng pagsasanay ng safety inspectors, mahinang electronic record-keeping at kabiguan ng CAAP na magkaloob ng safety oversight ng kanilang operasyon para makasunod sa itinatakdang alituntunin ng International Civil Aviation Organization.
Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)
|
Friday, September 14, 2012
“Puno” ng espekulasyon!
| “Puno” ng espekulasyon! | |
| REY MARFIL
Parang matayog na puno na hitik sa bunga ngayon si Department of Interior and Local Government (DILG) Undersecretary Rico Puno dahil sa mga intrigang ipinupukol sa kanya at maging ang pagkakaibigan nila ni Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino ito’y iniintriga pa.
Nag-ugat ang lahat sa pagpunta ni Puno sa condo unit at tanggapan ng namayapang “boss” nito si DILG Secretary Jesse Robredo sa Napolcom. Nanganak na ang kwento sa umano’y pagkakadawit niya sa overpriced arms deals sa Philippine National Police.
Bukod pa diyan, may tsismis pa tungkol sa jueteng collection at pinakamatindi ang pananabotahe diumano sa eroplano ni Robredo na isang napakalaking kalokohan, katulad ng gustong ipinta ng grupong sagad hanggang kaibuturan ng laman-loob ang inggit kay Puno, sampu ng kontratistang na-disqualify sa bidding at ngayo’y kumuha ng PR group upang wasakin ang mabuting imahe nito.
Dahil pinili ni Puno na manahimik sa kabila ng mga naglalabasang alegasyon at tsismis, simula sa kuwentong-barbero hanggang usapang-kanto, tila mas lalo namang nagpiyesta ang mga nais sumakay sa isyu. Maging si PNoy ito’y binato ng mga mokong at nais palabasin na kinakampihan si Puno at kesyo may nilulutong cover-up sa pagkandado ng opisina at condo ni Robredo.
Subalit kung tutuusin, simple lang naman ang kuwento may mga mahahalagang dokumento sa tanggapan ni Robredo na dapat pag-ingatan at posibleng meron din sa condo unit nito. Kaya naman ang Pangulo na mismo ang nag-utos kay Puno na i-secure ang mga dokumento- kahit pa ang mga dokumentong ito’y may kaugnay sa iniimbestigahang arms deal na sinasabing kabahagi si Puno.
Kung may masamang motibo si Puno sa pagpunta sa condo unit at opisina ni Robredo, hindi naman “row four” ang opisyal na siya mismo ang nandoon at nagpalista pa ng pangalan sa guwardiya? Bakit pa siya magsasama ng photographer at videographer na nagdokumento ng isinagawang pag-sealed sa tanggapan ni Robredo? Take note: nagtapos sa state university si Puno at lalong hindi “saling-pusa” sa classroom!
Lalong hindi sisirain ni PNoy ang tiwala sa kanya ng publiko kung poprotektahan niya si Puno kung tunay na may ginagawa itong kalokohan sa DILG. At hindi rin naman siguro sira si Puno na ipapahamak ang kaibigang nagtiwala dito. Tama si Senador Chiz Escudero hindi mahanapan ng butas si PNoy ng mga kritiko kaya’t iniintriga ang mga kaibigan nito.
Si PNoy na mismo ang nagsabi na si Puno ang kanyang “mata at tenga”. Ibig sabihin, si Puno ang nagbibigay ng mga mahahalagang impormasyon tungkol sa DILG, partikular na marahil sa kapulisan.
Tiyak na may mga sensitibong impormasyon si Puno na ibinibigay kay PNoy na hindi natin alam. Mga impormasyon na marahil ay dahilan para marami rin ang hindi masiyahan kay Puno lalo na kung nakakasagabal sa kanilang “raket”.
***
Napag-usapan din lang naman ang mga samu’t saring kuwentong kutsero ng mga intrigador sa laki ng tiwala ng mga tao sa ating Pangulo, malabong babalewalain ni Puno ito. Batay nga sa pinakabagong survey ng Social Weather Stations, 8 sa bawat 10 Pilipino ang kumpiyansa kay PNoy, pinakamataas mula nang mamuno siya sa ating bansa.
At batay na rin sa imbestigasyon sa pagbagsak ng eroplano ni Robredo, mismong ang nag-iimbestiga na ang nagsabi na aksidente at hindi sinabotahe ang eroplano ng kalihim kaya’t tigilan ng mga inarkilang PR group ang paglulubid ng buhangin.
Marahil dahil sa tiyak niya sa sarili na hindi siya “guilty” sa mga paratang, mas pinili ni Puno na manahimik. Kahit naman noon ay hindi matakaw sa media ang opisyal.
Pero isa lang ang tiyak, kung may mga hindi natutuwa sa pananatili ni Puno sa DILG dahil nakakarating kay PNoy ang kanilang ginagawa, malamang na masaya sila ngayon dahil nagbitiw ang kaibigan ng Pangulo, as in wala ng punong sagabal sa kanilang palusot at masamang adhikain
Sadyang mahirap ang pulitiko, magsalita ka sasabihin “mukhang guilty” dahil “defensive”. Kung pipiliin mo naman ang manahimik, sasabihin “bakit hindi magsalita kung wala namang itinatago?”
Sa huli, antayin natin ang imbestigasyon at magtiwala sa pasya at disposisyon ng ating Pangulo. Dahil sa “tuwid na daan”, tiyak na hindi hahayaan ni PNoy na may nakaharang, kahit malaking troso pa ‘yan.
Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com
|
Subscribe to:
Posts (Atom)
.jpg)
.jpg)
.jpg)
.jpg)
.jpg)
.jpg)
.jpg)