Monday, June 15, 2015

Mayaman ang karagatan ng Pilipinas REY MARFIL



Mayaman ang karagatan ng Pilipinas
REY MARFIL



May isa na namang bagay na dapat ipagmalaki ang mga Pilipino -- at dapat ding ikabahala: ang pagkakatuklas ng mga American scientist kung gaano kayaman sa yamang-dagat ang Pilipinas.

Sa isang ulat kasi na inilathala sa website ng California Academy of Sciences, inilabas nila ang mahigit 100 bagong marine species na nadiskubre nila sa ilalim ng karagatan ng ating bansa. Ang mga bagong uri ng marine species o mga nilalang na nabubuhay sa ilalim ng ating karagatan ay bunga daw ng ilang buwan na paghalughog nila sa bahagi ng karagatan ng Pilipinas na tinatawag na Verde Island Passage sa Luzon, partikular ang malapit sa Mindoro at Romblon.

Masaya ang mga siyentista sa kanilang natuklasan sa Pilipinas dahil kasama pala ang bansa natin sa ilan pang bansa -- kabilang ang Indonesia, Malaysia, the Philippines, Papua New Guinea, Timor Leste at So­lomon Islands -- sa tinatawag nilang The Coral Triangle, na pakay ng kanilang pag-aaral. 

Hindi kasama ang China.

Kabilang sa kanilang mga nakita ay mga pambihira at mga bagong species ng makukulay na sea slugs, heart urchins, barnacles, ilang isda, corals at iba pa. May mga nilalang sa ilalim ng dagat na sinasabing nagliliwanag sa dilim gaya ng jelly fish ay kasama sa mga nadiskubre.

At sa kanilang mga nadiskubre sa Pilipinas, labis na namangha ang mga siyentista. Sabi ng principal investigator ng expedition na si Terry Gosliner, senior curator of invertebrate zoology sa California Academy of Sciences: “The Philippines is jam-packed with diverse and threatened species -- it’s one of the most astounding regions of biodiversity on Earth.”

***

Plano rin ng akademiya na magbukas ng tinatawag nilang Twilight Zone aquarium exhibit para makita ng publiko ang mga nilalang sa malalim na bahagi ng dagat. Kung makikita raw ng publiko ang mga nilalang ng dagat na ito, mas mauunawaan daw natin kung bakit kailangan nating pangalagaan ang karagatan. 

Kung tutuusin, marami sa ating mga Pinoy at maging ang pamahalaan ni Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino ay masigasig sa pagsusulong ng mga programa para protektahan ang ating karagatan dahil na rin sa pinagkukunan ito ng kabuhayan at ikabubuhay.

Sabi ni Bart Shepherd, director ng Steinhart Aquarium, “Most of what we observe and collect is so special -- and often new to science.”

Sana ituloy nila ang kanilang planong ipakita sa publiko ang mga magagandang nakita nila sa ilalim ng dagat ng Pilipinas. At unahin nilang ipa-exhibit ito sa China para ipaunawa sa kanila na hindi nila dagat ang winawasak na corals sa West Philippine Sea na hinahakot ng kanilang mga mangingisda at mga nasisira sa ginagawa nilang mga isla.

Ang delikado lang dito, ngayong alam na nila kung saan lugar pa sa Pilipinas na may mayamang yaman ng dagat, baka isama na rin nila ito sa kanilang mapang made China na “nine dash line” kuno.
Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo.” (Twitter: follow@dspyrey)

Friday, June 12, 2015

Pasisiglahin pa lalo ang ekonomiya



Pasisiglahin pa lalo ang ekonomiya
REY MARFIL


Habang pulitika na ang simoy ng hangin sa ilan dahil sa nalalapit na 2016 national elections, pagpapalakas pa lalo ng ekonomiya ang nasa isipan naman ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino para makalikha pa ng mas maraming trabaho sa mga Pilipino sa nalalabing panahon ng kanyang liderato.

Kamakailan lang, kaagad na pinulong ni PNoy ang kanyang gabinete matapos maitala ang mababang 5.2 percent na paglago ng ekonomiya sa unang tatlong buwan ng 2015. Ito na ang itinuturing pinakamababang paglago ng ekonomiya sa bawat bahagi ng taon mula noong 2012.

Kung tutuusin, mataas pa rin naman ang naturang paglago pero nais ni PNoy na mapantayan kung hindi man mahigitan ang karaniwang nasa anim na porsiyentong taunang paglago ng ekonomiya na naitatala sa ilalim ng kanyang halos limang taong liderato.

Ang pagbaba ng growth rate sa unang tatlong buwan ng kasalukuyang taon ay iniuugnay sa mahinang paggastos ng pamahalaan. Kaya naman sa pamamagitan ng nasabing pagpupulong ng gabinete, inatasan ni PNoy ang kanyang mga opisyal na maglatag ng mga programa upang matiyak na makababawi sa mga susunod na buwan para makamit ang target na pito hanggang walong por­siyento ng paglago ng ekonomiya sa pagtatapos ng 2015.

Seryoso at pursigido ang pamahalaan na makamit ang inaasam na paglago ng ekonomiya at maibahagi ito sa mga Pinoy na lubhang nangangailangan. Bukod sa pagtiyak na maibibigay sa mga mamamayan ang mga pangunahing serbisyo at pangangailangan, ang pagkakaloob ng mga trabaho sa mga tao ang nais na mangyari ni PNoy.

Hindi naman bigo ang Pangulo sa hangarin niyang ito, batay na rin sa pinakabagong ulat na inilabas ng Philippine Statistics Authority (PSA) tungkol sa Labor Force Survey para sa unang bahagi ng taon.

Bagaman lumitaw na mas mababa kumpara sa ina­asahan ang paglago ng ekonomiya sa unang bahagi ng 2015, naitala naman ng PSA na nadagdagan ang mga Pinoy na may mga trabaho sa isinagawang LFS nitong Abril.

***

Mula sa seven percent na unemployment rate noong nakaraang taon, napanatili ito sa 6.4 percent. Ang mga tinatawag na underemployed, o iyong mga manggagawa na nagha­hanap ng karagdagang oras ng trabaho para madagdagan ang kita, naibaba sa 17.8 percent mula sa dating 18.2 percent.

Indikasyon ito na ang mga dating underemployed ay posibleng nakahanap na ng mas mahusay na trabaho na makasasapat sa kanilang pangangailangan. Kaya naman hindi na nila kailangang maghanap ng iba pang trabaho o dagdag na oras ng mapagtatrabahuhan para ma­dagdagan din ang kanilang kita.

Ayon kay Socioeconomic Planning Secretary at NEDA Director General Arsenio Balisacan, makakamit at maaaring mahigitan ng pamahalaan ang inaasinta nitong bilang ng trabaho na malilikha at maibibigay sa mga kababayan ngayong taon.

At dahil dumadami rin ang mga kabataan na edad 15 at pataas sa puwersa ng lakas-paggawa sa bansa, napa­panahon talaga ang pagpapatupad ng K to 12 program upang ma­bigyan na kaagad ng sapat na kaalaman at kasanayan ang mga mag-aaral sa senior high school para maihanda sila sa mundo ng paggawa sa darating na mga panahon.

Kung magpapatuloy ang paglago ng ekonomiya na siyang pakay ng ipinatawag na pulong ni PNoy sa mga kasapi ng gabinete, malamang na maging mas maganda talaga para sa mga Pilipino ang pagtatapos ng 2015. Ipagdasal na lang natin na wala sanang matinding kalamidad na dumating sa bansa -- gawa man ng tao o kalikasan.
“Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (Twitter: follow@dspyrey)

Wednesday, June 10, 2015

VFA ng Pilipinas at Japan



VFA ng Pilipinas at Japan
REY MARFIL



Isa sa mga natalakay sa matagumpay na 4-day State Visit ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino sa Japan kamakailan ay ang posibleng pagkakaroon ng sariling bersyon ng Visiting Forces Agreement (VFA) ng dalawang nabanggit na bansa, na natural ay hindi magugustuhan ng China.

Maganda ang ginawang pagbisita ni PNoy sa Japan kamakailan dahil pinalakas nito ang ugnayang pangkalakalan at diplomatiko ng dalawang bansa. Malaking puhunan ang ipinangakong ilalagay ng ilang negosyanteng Hapon sa Pilipinas na tiyak na magdudulot ng dagdag na trabaho sa ating mga kababayan.

Bukod sa negosyo, tiyak na malaki rin ang maitu­tulong ng pagpapatibay ng relasyon ng Japan at Pilipinas sa larangan ng turismo ng dalawang bansa. Katunayan, sa nakalipas na mga taon, kapwa dumami ang turistang Pinoy sa Japan, gayundin ang pagdagsa ng mga Hapon na turista dito naman sa Pilipinas.

Nakatutuwang isipin na ang dating magkalabang bansa noong World War II ay nagtutulungan na ngayon. Hindi maitatanggi na sa nakalipas na mga panahon ay malaki ang naging kontribusyon ng Japan sa maraming proyektong pang-imprastruktura sa Pilipinas na napondohan mula sa pautang ng Japan, na may mababang interes lang.

At kahanga-hanga rin sa Japan ang naging mabilis nilang pagbangon sa sinapit nilang kalamidad dulot ng lindol at tsunami. Ito’y dahil na rin sa kanilang disiplina at tunay na pagkakaisa bilang isang bansa. Kaya kahit dumanas sila ng matinding kalamidad, hindi pa nila nakalimutang tumulong sa ating bansa nang tayo naman ay bayuhin ni Yolanda.

Sa tulong at suportang ibinibigay ng Japan sa Pilipinas, walang kaduda-duda na isa silang bansang kaalyado ng mga Pilipino, na gaya ng Amerika. Kaya naman nang bumisita si PNoy sa Japan, kabilang sa mga natalakay ay ang posibleng pagkakaroon ng Pilipinas at Japan ng pagsasanay militar gaya ng ginagawa ng Pilipinas at Amerika, na tinatawag na Visiting Forces Agreement.

***

Gaya ng PHL-US Balikatan, ang pagsasanay ng militar ng dalawang bansa ay hindi lamang sa posibleng pagsabak sa digmaan. Daan din ito para palakasin pa lalo ang ugna­yan ng dalawang bansa, makapagbahagi ng kani-kanilang kaalaman at paghahanda sa pagtugon sa iba pang posibleng mangyari tulad ng pagtugon sa kalamidad.

Hindi naman maikakaila na malaki at naging mabilis ang pagdating ng ayuda ng US sa Pilipinas nang tumama ang bagyong Yolanda para makapagligtas ng maraming buhay. At kung kagamitan din lang naman ang pag-­uusapan, natural na mas moderno ang mga gamit ng Japan (gaya ng US) na tiyak na makatutulong sa ating puwersa para madagdagan ang kanilang kaalaman.

Pero gaya ng pagbabalikatan ng PHL at US, kaagad na nagpahayag ng pagtutol ang China sa mungkahing PHL-Japan VFA. Hindi raw makatutulong sa luma­lalang tensyon sa West Philippine o South China Sea ang mga pagbuo ng alyansang militar.

Teka, sino ba ang puno’t dulo o ugat ng paglala ng tensyon sa WPS? Hindi ba ang China dahil sa mapa nilang made in China na “nine-dash line” na inaangkin ang halos buong WPS at isama pa diyan ang ginagawa nilang reclamation ng mga isla.

Baka naman naiinggit ang China sa Pilipinas dahil may mga kaibigan tayong bansa na handang makipagtulungan sa atin.

Ang mabuti pa, itigil na ng China ang pagiging “bully” nila sa Asya. Maging magandang ehemplo sila ng kapayapaan at pagkakaisa sa mundo at magsilbing big brother ng mga bansa sa Asian region. Kapag ginawa nila iyan, baka maisipan ng mga lider natin na magkaroon ng VFA version ng PHL at China sa hinaharap. “
Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (Twitter: follow@dspyrey)
http://www.abante-tonite.com/issue/june1015/edit_spy.htm#.VXjvr89Viko

Monday, June 8, 2015

May magpapatuloy!



May magpapatuloy!
REY MARFIL


Hindi ba’t kapuri-puri ang kautusan ni Pangulong Noynoy ‘P-Noy’ Aquino sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) na ipagpatuloy ang pagka­kaloob ng kabuhayan sa 90,078 pamilyang naapektuhan ng super typhoon Yolanda sa Leyte sa ilalim ng Sustainable Livelihood Program (SLP).

Batid ni Pangulong Aquino ang kahalagahan na maibigay pa rin ang ayuda kung saan nakapaglaan na ang DSWD ng P547 milyon para sa implementasyon ng SLP ngayong taon.

Malaki kasi ang magagawa ng patuloy na pagtulong ni Pangulong Aquino para makaahon sa kahirapan ang mga pamilyang nasalanta ng bagyo.

Pinangunahan ni DSWD Assistant Secretary Camilo Gudmalin ang isang seminar sa ilalim ng Accelerated and Sustainable Anti-Poverty Program (ASAPP) ng Human Development and Poverty Reduction (HDPR) Cluster.

Isinagawa ang workshop sa Palo, Leyte na inorganisa ng DSWD bilang pinuno ng HDPRC para matulungan lalo ang mga biktima ng bagyong Yolanda.

Dinaluhan ang seminar ni Leyte Governor Dominic Petilla, 40 alkalde ng lalawigan, 26 na pinuno at kinatawan ng pambansang ahensya.

Sa workshop, tinukoy ng local government units (LGUs) ang pangunahing mga negosyo na mayroong kakayahan na magbigay ng trabaho habang inilatag naman ng mga kinatawan ng pambansang ahensya ang kani-kanilang mga programa kontra kahirapan.

Kabilang sa mga sektor na puwedeng pasukin para sa hanapbuhay ang eco-tourism at agrikultura para sa munisipalidad ng Kananga; produksyon ng chicharon sa Tunga; pag­linang ng pantalan sa San Isidro, Calubian, at Tabango; water-refilling, hot spring development, at pagpapalawak ng elektripikasyon sa Burauen; soft broom at hollow block-making sa Julita; at eco-tourism at peanut production sa Dulag.

Hindi natutulog ang pamahalaan sa pagtiyak ng ka­galingan at interes ng mga nasalanta ng bagyong Yolanda.

***

Hindi madali ang kampanya na burahin ang katiwalian sa pamahalaan. Hindi talaga sapat ang anim na taong termino ng isang matinong lider para bunutin ang malalim na ugat ng korupsyon sa bansa na ilang dekada nang nakabaon.

Gayunman, sabi nga ng mga matatanda -- kung hindi man matapos kaagad ang isang gawain, ang ma­halaga ay nasimulan na.

Si PNoy na rin mismo ang nagsabi na hindi ang ikalawang termino ang solusyon para magpatuloy ang mga reporma na kanyang nasimulan. Hindi katulad ng ibang lider, hindi ganid sa kapangyarihan ang Pangulo.

Tulad ng kanyang namayapang ina na si dating Pa­ngulong Cory Aquino, pinili ni PNoy na mag-iwan na lang ika nga ng legacy at ang kanya ng mga “boss” na ang bahalang magpatuloy.

Kung demokrasya ang iniwan ng legacy ni Tita Cory, masasabi natin na matatag na ekonomiya at paglaban sa katiwalian ang iiwan na marka ng administrasyon ni PNoy kahit may mahigit na isang taon pang natitira sa kanyang termino.

Sa ilalim ng panunungkulan ni PNoy, nasampahan ng kasong pandarambong at katiwalian ang maraming opisyal, kabilang na si dating Pangulong Gloria Arroyo at ilang senador. Kahit ang ilang kaalyado niya sa pulitika na nabahiran ng pagdududa ang kredibilidad dahil sa usapin ng katiwalian at kapabayaan sa pamamahala ay hindi nakaligtas.

Sa usapin ng ekonomiya, bumalik na ang kumpiyansa at tiwala ng mundo para mamuhunan sa Pilipinas. Bu­nga ito ng pagkakaroon ng matatag na pulitika sa bansa, pagiging mapayapa at patas sa paglalagak ng negosyo. Kaliwa’t kanan ang natanggap na “credit upgrade” ng Pilipinas sa mga pandaigdigang financial institution. Pagpapatunay ng kanilang tiwala sa katatagan ng bansa sa ilalim ni PNoy.
Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (Twitter: follow@dspyrey)

Friday, June 5, 2015

Napakalayo na!



Napakalayo na!
REY MARFIL


Nakakabilib ang malinis na pamamahala ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino na nagresulta upang lumago ng 7.3 porsiyento ang ekonomiya ng bansa sa unang quarter ng taon base sa Moody’s Analytics.

Kinumpirma ng Moody’s Analytics ang patuloy na paglago ng ekonomiya ng bansa sa ilalim ng matuwid na daang kampanya ni Pangulong Aquino.

Isang think tank ang Moody’s Analytics na kaalyado ng Moody’s Investors Service, isa sa tatlong panguna­hing credit rating agencies sa buong mundo.

Hindi naman nakakapagtaka na lumago sa unang tatlong buwan ng taon ang gross domestic product (GDP) ng bansa dahil sa sobrang laki ng tiwala ng mga namumuhunan kay PNoy.

Asahan nating gagawing inspirasyon nina National Economic and Development Authority Director General Arsenio Balisacan at Philippine Statistics Autho­rity (PSA) National Statistician Lisa Grace Bersales ang magandang 2015 First Quarter Performance of the Philippine Economy para lalong makinabang ang mga Filipino.

***

Kinilala ng Moody’s Analytics ang pagtutok nang husto ni Pangulong Aquino sa pamumuhunan sa pagtatayo ng mga imprastraktura kaya lalong umangat ang ekonomiya ng bansa.

Nakita rin ng Moody’s ang malakas na pagluluwas ng bansa ng electronics dahil sa lumalakas na pangangaila­ngan sa buong mundo lalung-lalo na sa Estados Unidos.

Maganda rin ang naging pakinabang ng bansa sa mababang presyo ng mga produktong petrolyo kaya malaki ang kanilang natipid sa konsumo.

Dahil sa 7.3 porsiyentong pagsikad sa ekonomiya ng bansa, malaki ang maitutulong nito upang makamit ang target ng administrasyong Aquino na 7 hanggang 8 porsiyentong paglago ng ekonomiya ng bansa.

Sa pagtatapos ng 2014, nakapagtala ang Pilipinas ng 6.1 porsiyentong paglago ng ekonomiya.

Noong 2014 rin, kinilala ang Pilipinas bilang ikatlong bansa na nakapagtala ng pinakamabilis na pag­lago ng GDP kumpara sa mga ekonomiya ng Asia-­Pacific Economic Cooperation (APEC), kasunod ng Papua New Guinea at China.

Hindi nakakapagtaka na lalong bumuti ang lagay ng buhay ng maraming pamilyang Pilipino dahil sa ma­linis na pamamahala ni PNoy.
Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (Twitter: follow@dspyrey)
http://www.abante-tonite.com/issue/june0515/edit_spy.htm#.VXGfTM9Viko

Wednesday, June 3, 2015

Hinog sa karunungan, hinog sa kaalaman REY MARFIL





Hinog sa karunungan, hinog sa kaalaman
REY MARFIL


Sa pagbubukas ng klase para sa 2015-2016 school year, maraming mag-aaral ang tiyak na excited o sabik sa kanilang pagbabalik sa silid-aralan, makita ang mga kaibigan at magkaroon ng mga bagong kaibigan. Ito rin ang pagkakataon para masubukan ang isinusulong na programa ng pamahalaang Aquino na K to 12 Program.

Ang K to 12 ay alinsunod sa Enhanced Basic Education Act of 2013, na ang layunin ay mapahusay pa lalo ang sistemang pang-edukasyon at maging ang kasanayan ng mga kabataan habang maaga para maihanda sila sa tunay na mundo ng lakas-paggawa.

Batay sa anunsyo ng Department of Education, nasa 23 milyong mag-aaral ang papasok sa elementarya at high school ngayong pasukan. Sa Metro Manila, inaasahan na mas mataas ang bilang ng mga mag-aaral ngayong pasukan ng hanggang 250,000.

Ayon mismo kay DepEd Sec. Armin Luistro, kumpara sa nakaraang tatlo o apat na taon, mas maayos na at organisado ang pagbubukas ng klase ngayong taon. Ito’y bunga na rin sa pagtugon ng pamahalaang Aquino sa mga inabutang problema na iniwan ng nakaraang administrasyon gaya ng kakulangan sa mga guro, silid-aralan, libro at upuan.

Pero bukod sa karunungan na matututunan sa loob ng paaralan, nais din ng pamahalaang Aquino na hubugin ang kasanayan ng mga mag-aaral sa ilalim ng K to 12 Program. Pangunahing layunin ng programa na maireporma ang nakagisnang 10-year basic education cycle. 

Sa ilalim ng programang ito, tututukan ang pagsasanay ng kabataan para maihanda ang mga mag-aaral sa elementarya sa pagtapak nila sa high school, at mga magtatapos naman sa high school, maihanda ang sarili sa pag-akyat nila sa kolehiyo, at maging sa pagsabak nila sa pagtatrabaho kung kanilang nanaisin.

***

Sa totoong buhay, may mga pamilya na hindi sapat ang ikinabubuhay ng magulang para mapag-aral sa kolehiyo ang anak. Kaya may mga kabataan na nagtapos sa high school na natitigil sa pag-aaral, hindi nakakaakyat sa kolehiyo at napapasabak sa trabaho para makatulong sa magulang. Ngunit dahil hindi sapat ang kanilang kasanayan sa pagtapak sa mundo ng lakas-paggawa, kung anu-anong trabaho ang kanilang sasadlakan at kung minsan ay naiisahan pa ng kanilang employer.

Sa ilalim ng K to 12 Program, ang dalawang taon na madadagdag sa pag-aaral ng mga estudyante ay kapapalooban ng mga kasanayan ng elective subjects na maaaring mahasa kaagad ang kanilang husay tulad sa electronics, dress-making, agricultural at iba pa. Kung tutuusin, noon pa naman ay mayroon nang mga ganitong asignatura sa public school pero dahil sa kakula­ngan ng panahon sa pagtuturo at sapat na pondo ay natigil.

Sa isang talumpati ni Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino, malinaw at simpleng paliwanag niya kung bakit nararapat na ipagpatuloy ang programa -- makatutulong ito para natural na mahinog ang kasanayan ng mga kabataan at hindi gaya ng mga prutas na kung tawagin ay hinog sa pilit o kinalburo.

Kaya ang isang nagtapos sa high school sa ilalim ng K to 12 Program, maaari na siyang magtrabaho kung nanaisin niya para matustusan ang p ag-aaral sa kolehiyo o kung nais niyang lubos na matulungan ang kanyang pamilya. 

Hindi natin maaalis na may mga tututol sa K to 12 dahil sa iniisip nilang dagdag na dalawang taon na gastos sa pag-aaral ng mga kabataan. Pero sa halip na isi­pin ang gastos, isipin natin na dagdag na puhunan ito ng ating kabataan para sa mas maganda nilang kinabukasan.
Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo.” (Twitter: follow@dspyrey)
http://www.abante-tonite.com/issue/june0315/edit_spy.htm#.VW8DXM9Viko

Monday, June 1, 2015

Iba ngayon! REY MARFIL



Iba ngayon!
REY MARFIL

Hindi ba’t kapuri-puri ang matuwid na daan ni Pa­ngulong Noynoy “PNoy” Aquino na nagresulta upang magkaroon ng P36.857 bilyong kita para sa kaban ng bayan o remittances ang tinatawag nating government-owned and controlled corporations (GOCCs).

Sa nakalipas na administrasyon, kadalasang ginagawang gatasan ng ilang ganid na mga opisyal ang GOCCs para magkaroon sila ng malaking suweldo at mga benepis­yo kaya naman halos wala nang napupunta para sa mga serbisyo sa bayan.

Kaya matapos ibuking ng Pangulo sa kanyang kauna-unahang State of the Nation Address (SONA) noong 2010 ang “panggagatas” sa GOCCs, agarang binuo nito ang Governance Commission for GOCCs (GCG) upang siguruhing bayan ang makikinabang at hindi iilang mga opisyal ng pamahalaan.

Matinding reporma talaga ang ipinakita ng Pangulo matapos umabot ang kita ng GOCCs sa P131.28 bilyon mula 2010 hanggang sa kasalukuyan kumpara sa nakolektang P84.18 bilyon mula 2001 hanggang 2009 o siyam na taong panunungkulan ng administrasyong Arroyo.

Lalong hinimok ng Pangulo ang GOCCs na magsumikap upang maging P160 bilyon ang kita nito at doblehin ang P84.18 bilyong naitala ng nakalipas na pamahalaan. Kapuri-puri ang magandang ginawa ng Government Service Insurance System (GSIS) na naitaas sa P131 bilyon ang kita nito noong nakalipas na taon kumpara sa P64 bilyon noong 2010.

Kaya naman napabilib ni GSIS president at general manager Robert Vergara at ng kanyang grupo si Pangulong Aquino.

Lumaki rin ang ari-arian ng GSIS sa P506 bilyon noong 2010 hanggang P910 bilyon nitong 2014 habang naitala sa P84 bilyon ang “claims at benefits” noong 2014 mula sa P46 bilyon noong 2010. Sa matuwid na daan ng Pangulo, talagang bayan ang nakikinabang nang husto at hindi lamang iilang mga opisyal ng pamahalaan.

***

Hindi naman nakakapagtakang bumaba ang insidente ng kagutuman sa bansa dahil laging tinitiyak ni PNoy na parte ng mga prayoridad ng pamahalaan ang pagsugpo sa kahirapan.

Tama ang resulta ng Social Weather Stations (SWS) survey na bumaba sa 13.5 porsiyento nitong Marso 2015 ang mga Filipino na nakaranas ng kagutuman mula sa 17.2 porsiyento noong Disyembre 2014. Nakakabilib ang resulta ng pananaliksik ng SWS dahil ito ang pinaka­mababang antas na naitala sa nakalipas na 10 taon.

Sa pagtataya ng SWS, umaabot sa 800,000 na pamilya ang hindi na nakaranas ng kagutuman base sa 3.7 porsi­yentong pagbaba ng nasabing problema.

Namamayagpag kasi sa “Tuwid na Daan” ng Pangulo ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program na labis na nakakatulong sa mga mahihirap.

Pakay ng Pangulo sa programa na itaas ang kalidad ng buhay ng mga mahihirap upang magkaroon sila ng positibong pananaw at panibagong oportunidad sa buhay sa pamamagitan ng social services.

Bagama’t isang taon na lamang ang nalalabi sa termino ni Pangulong Aquino, asahan nating lalong pagbubutihin nito ang paglilingkod para sa kapakinabangan ng mas nakakaraming sektor. Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (Twitter: follow@dspyrey)
http://www.abante-tonite.com/issue/june0115/edit_spy.htm#.VWxaUM9Viko