Wednesday, April 16, 2014
Rule of law!
Rule of law!
Kung puwersa at pambabarako ang ipinamalas ng China sa agawan ng teritoryo sa West Philippine Sea o South China Sea, kababaang-loob naman ang ipinakita ng Japan sa paghingi nila ng paumanhin sa mga Filipino dahil sa mga nagawa nilang kalupitan nang sakupin nila ang Pilipinas sa madalim na kabanata ng mundo noong World War II.
Halos tatlong (3) taon na sinakop ng Japan ang Pilipinas mula 1942 hanggang 1945. Sa taong ito ay nakalasap ng matinding pinsala ang bansa at paghihirap ang maraming Filipino.
At ang nagawang kalupitan noon ng mga sundalong Hapon ay batid ng mga Hapon ngayong henerasyon kaya naman ganoon na lang ang paghingi nila ng paumanhin nang gunitain ng bansa ang Araw ng Kagitingan.
Ayon mismo sa embahador ng Japan sa Pilipinas, sila man ay nasasaktan kapag naaalala ang mga nagawa nilang pagkakamali noong panahon ng digmaan.
Pero hindi naman nasayang ang lahat ng nakaraan; dahil ang nangyari noon ay naging leksyon sa Japan kaya daw hindi na sila ngayon basta-basta gagamit ng puwersa at papasok sa panibagong digmaan.
Kung tutuusin, nang panahon ng WWII, ang Japan ang naghaharing puwersa sa Asya. Gamit ang propaganda at kampanya na “Asia for Asians”, binalak nilang pamunuan o pag-isahin ang mga bansa sa Asya; kahit pa sa paraan ng paggamit ng puwersa. At hindi lang ang Pilipinas ang nakatikim ng kalupitan noon ng mga Hapon, kundi maging mga Tsino.
Pero ang nakaraan ay naging leksyon sa Pilipinas at Japan ewan lang sa China? Sa ipinakikitang postura kasi ngayon ng Tsino sa usapin ng West Philippine Sea o South China Sea, parang handa silang gumamit ng dahas at pumasok sa giyera masunod lang ang kanilang gusto ang maangkin ang mga bahagi ng karagatan na hindi naman kanila.
***
Hanggang ngayon, ang ipinagpipilitan ng China ay kasaysayan kuno ng kanilang bansa na bahagi nila ang mga parte ng karagatan na pasok sa Exclusive Economic Zone (EZZ) ng Pilipinas. Ang pagsukat sa distansya kung hanggang saan ang sakop ng isang bansa ay hindi inimbento ng bawat bansa kundi ng United Nations (UN), na kapwa miyembro ang Pilipinas at China.
Ang ipinipilit na katwiran ng China ay batay sa sinaunang panahon na ang umiiral ay tapang ng mga naghaharing uri; na handang sakupin ang isang mahinang teritoryo para maging bahagi ng kanilang teritoryo. ‘Ika nga ni Mang Kanor: Hindi pa yata nila matanggap na tapos na ang era ng paghahari-harian at ang umiiral na ngayon ay batas na nilikha ng mga makatriwang nilalang at hindi mga barbaro.
Kaya naman si Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino, hindi tinatapatan ng dahas ang ipinakikitang dahas ng China gaya ng ginagawa nilang pagtaboy sa ating mga kababayang mangingisda sa karagatan na sakop pa ng Pilipinas.
Sa halip, ang usapin sa pag-angkin ng teritoryo ay idinulog ni PNoy sa UN upang sumailalim tayo sa proseso ng batas, na siyang nararapat sa isang nasyon na nagbibigay-halaga sa kayapaan at katwiran.
Pero ang pagdulog ng Pilipinas sa UN ay hindi dapat isipin ng China na kahinaan. Kahit na malaki ang kalamangan nila sa puwersang militar, tiyak na hindi naman patatalo sa katapangan at pagmamahal sa bayan ang mga Pilipino at ito ay naipakita na ng ating mga ninuno na ilang ulit na lumaban sa mga nanakop sa ating bansa.
Sa nakaraang pakikipagpulong ng bagong embahador ng China kay PNoy, nakiusap silang iurong natin ang isinampang reklamo sa UN at pag-usapan na lamang nang bansa sa bansa ang sigalot sa pinag-aagawang teritoryo.
Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment