Monday, April 14, 2014
Parang eleksyon!
Parang eleksyon!
Humingi ng paumanhin at pang-unawa ang Palasyo sa mga pasahero ng Metro Rail Transit (MRT) system dahil sa mga aberyang nagaganap dito at mahabang pila bunga ng kakulangan ng mga bagon.
Gayunpaman, tiniyak ng pamahalaan na ginagawa nito ang mga kinakailangang paraan para matugunan ang mga problema.
Isa mga solusyon sa problema ng MRT ay pagkuha ng mga bagong bagon para madagdagan ang maisasakay na pasahero upang maging mas mabilis ang ikot ng ruta nito.
Kung tutuusin, ang kakulangan ng bagon ay kabilang sa mga problemang minana ng pamahalaang Aquino na hinahanapan ng solusyon.
Ang sistema ng MRT ay masasabing serbisyo na may kaakibat na negosyo. Ibig sabihin, serbisyo para maging mas mabilis ang biyahe ng mga tao, pero kailangan din namang kumita para matustusan ang maintenance ng buong sistema nito. Take note: Hindi biro ang maintenance ng MRT dahil pinapatakbo ito ng enerhiya at teknolohiya.
Araw-araw ay sinusuri ang track o riles nito para matiyak ang kaligtasan sa biyahe, ganundin ang mga bagon na bugbog na bugbog na sa pagsakay ng mga overloaded na pasahero, at idagdag pa ang maintenance ng cable system at iba pang makina na de-pindot.
Kasama sa maintenance ng mga buong sistema ng MRT ang pagpapasahod sa mga manggagawa na sumusuri sa mga gamit at pasilidad nito. Pero kahit anong pagsisikap na gawin nila, nababalewala ito kapag nangyayari na ang aberya sa MRT.
Kung tutuusin, hindi lang naman ang mga bagon ang problema ng MRT, usapin din ito ng pondo dahil batid naman ang malaking pinapasan ng pamahalaan sa pamasahe ng mga pasahero sa paraan ng subsidiya.
Isang taktika ito na ginawa ng nakaraang rehimen para maibsan ang bumubulusok noon na popularidad at hindi alintana ang pangmatagalang epekto ng kapabayaan.
***
Sa ngayon, halos kalahati ng aktuwal na dapat sanang singil sa pamasahe ng bawat pasahero ay binabayaran ng gobyerno.
Ang kaso, nasanay ang iba sa mababang singil sa pamasahe kaya kahit karampot na kinakailangang dagdag na singil ay inaangalan maliban pa siyempre sa ginagawang pagsakay ng ilang grupo sa isyu ng fare hike.
At dahil lugi ang negosyo at hindi makalilikom ng pondo para sa maintenance, ang gobyerno rin ang papasan nito.
Upang mapabilis ang rotation ng mga tren at makapagsakay ng mas maraming pasahero, kailangan ang mga bagong bagon.
Pero kailangang dumaan sa proseso at magkaroon ng bidding kung saan makakakuha ng pinakamababang alok mula sa kumpanyang magsusuplay ng mga bagong bagon na matagal nang hinihintay.
Ang problema, ang bidding sa atin ay parang eleksyon walang natatalo, kundi nadadaya. Ang natatalong kumpanya sa bidding, mag-aakusa ng dayaan at ang iba ay umaabot pa sa korte.
Ang resulta, nagkakaroon ng legal na problema na nagpapatagal sa pagpapatupad ng proyekto... gaya ng nangyari sa pagkuha ng mga bagong bagon.
Isang grupo ang nag-aakusa na nagkaroon umano ng kikilan sa pagsubasta sa kontrata ng pagkuha ng mga bagong bagon.
ng nakapagtataka lang, ginagawa ang alegasyon pagkatapos mangyari ang bidding at matalo ang kumpanya ng nag-akusa.
Ang matindi pa nito, bumilang pa ng buwan pagkatapos ng bidding para umangal ang nagrereklamo na nagkaroon daw ng kikilan.
Papaano kung sila kaya ang nanalo sa bidding? Mag-akusa pa kaya sila na nagkaroon ng kikilan? Siyempre hindi na kasi happy sila. Pero baka ang natalo naman nila ang mag-akusa.
Sa madaling salita, ang pangmatagalang solusyon sa problema ng MRT ay hindi lang nakasalalay sa gobyerno. Dapat may bahagi rin ang mga taong nakikinabang dito.
Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment