Wednesday, March 14, 2012
Sila lang magaling!
REY MARFIL
Patuloy ang paghahanap ng administrasyong Aquino ng solusyon sa suliraning hatid ng patuloy na pagtaas sa presyo ng mga produktong petrolyo at liquefied petroleum gas (LPG) upang mabawasan ang epekto nito sa sektor ng transportasyon at ordinaryong mga konsyumer.
Hindi natutulog sa pansitan ang pamahalaan, ito’y nagbabantay at nakikipag-usap para masuring mabuti ang paggalaw sa presyo ng mga produktong petrolyo bilang tugon sa hinaing ng publiko.
Pero dapat din nating unawaing lahat na hindi lamang problema ng bansa kundi ng buong mundo ang patuloy na pagtaas sa presyo ng mga produktong petrolyo dahil sa lumalalang tensyon kaugnay sa ambisyong nukleyar ng Iran.
Dahil deregulated ang industriya ng mga produktong petrolyo, dapat tanggapin din ng publiko ang katotohanan na nakabase ang presyo ng mga ito sa iba’t ibang mga puwersa sa merkado.
Isa sa konkretong programa ng pamahalaan ang paglalagay nitong nakalipas na linggo ng Department of Energy (DOE) ng cards para sa mga tsuper at transport operators sa ilalim ng Pantawid Pasada Program ng pamahalaan.
Patuloy din naman ang ginagawang pakikipag-usap ng Department of Energy at ng Department of Transportation and Communications (DOTC) sa sektor ng transportasyon upang hanapan ng solusyon ang problema lalo’t may mga nagbabanta ng kilos-protesta.
Sa suliranin naman ng tumataas na presyo ng LPG na nakakaapekto sa pangkaraniwang pamilya, nakikipagkonsulta ang pamahalaan sa iba pang ahensya ng pamahalaan para makahanap ng solusyon sa problema.
Hindi lang ‘yan, dapat ayunan ng publiko ang panawagan ni Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino na suportahan ang mga programa ng pamahalaan para sa mga mga mahihirap katulad ng pagkakaroon ng kuryente sa buong bansa.
Madaling makakamit ang malaking responsibilidad na mabiyayaan ng “liwanag” ang libu-libo pang mga tahanan sa mga barangay ng bansa sa tulong ng kooperasyon ng publiko at pribadong mga sektor.
Nakaraang linggo, pinangunahan ni PNoy ang “Ceremonial Switch-On ng 2.1 Megawatt Linao Cawayan Mini-Hydro Power Plant (LCMHPP)-Lower Cascade Facility at 45 Sitios sa ilalim ng Sitio Electrification Program” sa Calapan City, Mindoro Oriental. Ang good news ibinahagi ni PNoy -- darating ang panahong sekondaryo na lamang ang paggamit ng diesel para sa pagkakaroon ng kuryente dahil sa lumalawak na paggamit ng natural sources.
***
Napag-usapan ang good news, hindi naman na talaga isang sorpresa kung sabihin man ng Asian Development Bank (ADB) na lalago ang ekonomiya ng Pilipinas ng 5% dahil sa balanseng ekonomiya, malakas na sektor ng serbisyo at malusog na pagpapadala ng pera ng overseas Filipino workers (OFWs).
Sinabi ni ADB President Haruhiko Kuroda na lumago lamang ang ekonomiya ng bansa ng 4% ng nakaraang taon bilang resulta ng ilang pandaigdigang pangyayari na nakaapekto sa ekonomiya.
Kabilang dito ang delubyong hatid ng lindol at tsunami sa Japan, malawakang pagbaha sa Thailand at krisis pinansiyal sa Europe at United States.
Dahil na rin sa mga repormang isinulong ng pamahalaan, kumbinsido si Kuroda na lalago pa ang ekonomiya ng bansa ng 6% hanggang 7%. At dahil sa pagkakaroon ng balanseng ekonomiya, asahan na natin na maganda ang hinaharap ng ekonomiya ng bansa.
Bagama’t mahalaga ang pagluluwas ng mga produkto sa ekonomiya, hindi naman dito lamang nakasandig ang bansa lalo na sa larangan ng electronic products na dinadala sa US at Europe.
Malakas din ang sektor ng serbisyo, outsourcing at pinansiyal na sektor, kabilang ang sektor ng real-state at merong 10% ang gross domestic product (GDP) ng bansa mula sa remittances ng OFW.
Ang tanong ng mga kurimaw, ito ba’y pinuri ng mga kritiko ni PNoy o sadyang utak-talangka at ipinanganak na paniwala’y sila ang pinakamahusay at magaling?
Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment