Monday, March 5, 2012


Haharap ba?
REY MARFIL
Nagpahinga na ng kanilang presentasyon ng ebidensya sa impeachment trial laban kay Chief Justice Renato Corona ang panig ng prosekusyon. Ito’y dahil na rin sa kanilang paniwala na naipakita na nila sa tatlong Articles of Impeachment ang pagkakasala ng Punong Mahistrado.

Kung tutuusin, hindi naman paramihan ng akusasyon ang impeachment trial. Sa isang article lamang, kung makakakuha ng 16 na boto ng senator-judges ang prosekusyon, ito’y sapat para mapatalsik at tanggalan ng korona si Corona.

Kaya naman hindi na maituturing na isyu pa ang pag­laglag ng prosekusyon sa limang articles, lalo pa’t mabi­bigat din naman daw kung tutuusin ang nailatag na tatlong articles lalo na ang article 2 at article 7.

Ang article 2 ay tungkol sa usapin ng Statement of ­Assets, Liabilities and Networth (SALN), kung saan nakapaloob din ang kontrobersyal na umano’y dollar bank accounts ni ­Corona. Hindi nabusisi ng Impeachment Court ang natu­rang accounts dahil na rin sa temporary restraining order na ipinalabas ng SC.

Habang ang article 7, ito’y nakasentro sa umano’y pagkiling ni Corona kay dating Pangulong Gloria Arroyo kaya pinaboran nito ang pagpapataw ng SC ng TRO sa tra­vel ban na ipinalabas ng Department of Justice laban sa ­dating ­pangulo.

Pinaka-kritikal sa article 7 ang testimonya ni DOJ Sec. Leila de Lima na may mga kondisyon na inilatag ang SC sa pagpapataw ng TRO sa travel ban, na kahit hindi nasunod ay pinanatili pa rin ng mga mahistrado.

Sino nga ba ang makapagsasabi kung nasaan na kaya ngayon si Arroyo kung nakalabas siya ng bansa?

Pangunahing basehan ni De Lima sa kanyang testimonya ang dissenting opinion o hindi pagpabor ni Associate ­Justice Ma. Lourdes Sereno sa pagpapataw ng TRO sa ­travel ban

. Nais sana ng prosekusyon na mapaharap si Sereno sa ­Impeachment Court upang masuportahan ang testimonya ni De Lima pero hindi ito nangyari.

***

Napag-usapan ang depensa ng mahistradong “pinu­tongan” ng korona ni Mrs. Arroyo bilang puno ng Korte ­Suprema, marami ang umaasang mismong ang nasasakdal ang haharap sa witness stand para linawin ang mga alegasyon laban sa kanya, partikular sa articles 2 at 7.

Mismong sina Senate President Juan Ponce Enrile at House Minority floor leader Danilo Suarez, naniniwala na walang ibang pinakamahusay na testigo ang depensa para kontrahin ang mga akusasyon ng prosekusyon kundi mismong si Corona.

Ang problema, may pag-aalinlangan ang depensa na isalang bilang testigo si Corona dahil sa pangamba nilang mailagay sa “open firing line” ang kanilang kliyente. Baka hindi nito mapaghandaan ang ibang itatanong ng prose­kusyon at maging ng mga senador na maaaring magdiin sa Punong Mahistrado.

Ngunit dapat nating tandaan, at ipaalala kay Corona na siya mismo ang nagsabi na ipaliliwanag niya ang mga akusasyon sa kanya -- gaya ng dollar accounts. At wala nang pinakamagandang panahon para tuparin niya ang pangako kundi sa araw na sila na mismo sa depensa ang magpa­pakita ng ebidensya.

Sabi ni Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino sa isang interview sa Calapan City, Mindoro -- kung walang itinatago si Corona, bakit matatakot na humarap sa katotohanan?

‘Ika nga ng mga kurimaw, tatanggapin na lamang ba ni Corona ang naglabasang ebidensya sa multi-milyong peso at dollar accounts, maliban kung meron pinanghahawakang numero sa Upper House kaya’t nagmamatigas?

Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)

No comments: