Monday, March 12, 2012


Nagkasakit sa good news?
REY MARFIL
Hindi ba’t kapuri-puri ang ibinigay na oportunidad ni Noynoy “PNoy” Aquino na magkaroon ng disente at murang pabahay ang mga kawani ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) -- ito’y hindi natanggap ng kasundaluhan at kapulisan sa nagdaang panahon. Kung meron man, napakataas ng monthly amortization.

Ipinapakita ng programang pabahay ni PNoy ang maigting nitong malasakit sa mga sundalo at pulis na maitaas ang antas ng kanilang pamumuhay, pinaka-latest sa programa ng pamahalaan ang “symbolic turnover” ng 1,500 na bahay para sa mga kawani ng AFP at PNP sa Ciudad Adelina 2, Barangay Luciano, sa Trece Martires, Cavite.

Tama si Staff Sergeant Edwin Gumela, nasa kanyang ika-27 taong serbisyo sa Philippine Army, sa pagsasabing hindi lamang nakakataas ng morale ang programang pabahay kundi nakakapagbigay ng malaking suporta lalung-lalo na sa kanya na naninirahan pa sa Mindanao.

Ipinapatupad ang programang pabahay sa ilalim ng Administrative Order (AO) No. 9 o “Directing the National Housing Authority to Formulate, Implement and Manage a Housing Program for the Military and Police Personnel”, na ipinalabas noong Abril 11, 2011.

Sa unang limang (5) taon, magbabayad lamang ang bawat benepisyunaryo ng P200 kada buwan para sa standard row house na tataas sa P809.53 sa ika-26th hanggang ika-30th taon para magamit pa ang kanilang kita sa ibang panga­ngailangan ng pamilya katulad ng edukasyon, kalusugan, at mga katulad na bagay.

***

Napag-usapan ang pagtatalaga ng mga tao sa gobyerno, ito’y kabaliktaran lahat sa mga pang-iintriga ng oposisyon at kritiko. Kung hindi pa nababasa ng mga “Intrigador” ang ilan lamang sa good news -- kinilala ang pagkakahalal kay Commission on Audit chairman Grace Tan bilang kasapi ng Board of the Asian Organization of Supreme Audit Institutions -- ito’y dahil sa seryosong kampanya ni PNoy laban sa katiwalian.

Nangangahulugang nagbabalik ang tiwala ng international community sa Pilipinas dahil sa mga repormang ipinapatupad ng pamahalaan, sa pamamagitan ng “daang matuwid” ni PNoy.

Take note: matagal nang panahong hindi naikukonsidera ang Pilipinas sa board at isang kapani-paniwala at mapagkakatiwalaang institusyon ang Asian Organization of Supreme Audit Institutions kaya’t hindi maaaring ismolin ng mga mokong.

Kaya’t asahan natin na magpapakita ng positibong kontribusyon si Tan sa organisasyon kung saan makakasama nito ang iba pang kasapi ng board mula sa mga bansang China, Saudi Arabia, Russia, Thailand at Bangladesh hanggang matapos ang kanilang termino sa 2015.

Hindi lang ‘yan, asahan natin ang pagsulong ng ekonomiya ng bansa matapos makapagtala ang local stocks ng bagong pinakamataas nitong record nang magtapos ng mas mataas sa psychological 5,000-point level ng nakaraang Biyernes -- ito ba’y nangyari sa nagdaang siyam (9) na taon? Sa malamang, alam n’yo na ang sagot lalo pa’t kaliwa’t kanan ang naim­bestigahang corruption at eskandalo ng Kongreso.

Pinakamalinaw na indikasyon ng pagpapakita ng mataas na kumpiyansa ng mga mamumuhunan sa ekonomiya ng bansa ang magandang lagay ng stock market. Umangat ang pa­ngunahing Philippine Stock Exchange index (PSEi) ng 1.57 porsyento o 77.69 points nang magsara ito sa all-time high na 5,016.30.

Ang tanong ng mga kurimaw, bakit tameme at walang kibo ang mga nag-aakusa ng “KKK” kay PNoy, maliban kung nagkasakit ang lahat dahil araw-araw nakakabasa at nakaka­rinig ng good news?

Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)

No comments: