Monday, March 12, 2012
Bakit ‘di tumestigo?
REY MARFIL
Marami ang nagulat sa ginawang pag-iikot ni Supreme Court Chief Justice Renato Corona sa ilang media organization at nagsalita tungkol sa kinakaharap nitong kaso na dinidinig sa Senate Impeachment Court.
Bagama’t hindi ito ang unang pagkakataon na nagsalita si Corona sa harap ng media tungkol sa kaso -- ito ang unang pagkakataon na siya mismo ang nagpunta sa mga tanggapan ng media para magpa-interview.
Kaya naman tanong ng mga kurimaw: desperado na ba ang mahistradong pinutongan ng korona ni Mrs. Gloria Arroyo bilang puno ng Korte Suprema? Nakatulong ba ito sa kanya o lalo lang nakasama?
Kung ang prosekusyon ang tatanungin, mukhang lalong nadiin si Corona sa usapin ng bank accounts nito nang idahilan na kawalan ng tiwala sa PSBank ang dahilan kaya niya isinara ang tatlong bank account isang araw matapos na makalusot ang Articles of Impeachment.
Mukha raw iba ang ibinigay na dahilan noon ng kampo ni Corona kung bakit biglang isinara ang tatlong (3) bank accounts. Kasama sa idinahilan noo’y hindi sa kanila, kundi sa kumpanya ang pera at isinara nila ito para hindi madamay sa kaso.
Bukod dito, tila hindi rin malinaw kung saan inilipat ang pera sa isinarang accounts dahil may mga impormasyon na doon din naman sa naturang bangko inilagay ito.
Ilan pa nga ba ang bank accounts ni Corona, malinaw ang testimonya ni PSBank President Pascual Garcia, ito’y idineposito sa kanilang bangko makaraang i-withdraw, kabaliktaran sa media interview ni Corona na wala siyang tiwala sa PSBank kaya’t kinubra ang pera.
At ang pinakamalaking tanong na hindi pa nasasagot -- bakit hindi hayaan ng Punong Mahistrado na masilip ang umano’y dollar accounts.
Tila lumikha rin ng kalituhan ang alegasyon ni Corona na kaya siya pinag-iinitan ay dahil nais ng mga Cojuangco na makakubra ng P10 bilyon sa lupain ng Hacienda Luisita na pinayagan ng SC na ipamigay sa mga magsasaka bilang pagtalima sa agrarian reform program.
Kung totoo na pinag-iinitan siya para maibigay sa mga Cojuangco ang P10 bilyon, nasaan na ngayon ang lohika na hindi siya dapat pag-initan dahil isang boto lamang siya sa lupon ng mga mahistrado. Ibig ba niyang sabihin, makokontrol ang boto ng iba pang mahistrado kapag nawala siya?
Hindi ba’t sinabi noon na kaya pinag-iinitan si Corona dahil naghihiganti umano si Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino dahil sa boto ng mga mahistrado na maipamahagi ang naturang bahagi ng lupaing sakahin?
***
Napag-usapan ang alegasyon ni Corona, kung pag-aaralan ang naturang boto sa Hacienda Luisita, maging ang mga mahistradong itinalaga ni PNoy, ito’y bumoto pabor sa mga magsasaka.
Bukod dito, tila nadiin din si Corona sa mismong pag-amin niya na nagkausap sila ni PNoy noong July 2010 kung saan kinunsulta umano siya tungkol sa itatatag na Truth Commission.
Ang naturang komisyon ang dapat sanang mag-iimbestiga sa mga anomalyang naganap sa nakaraang administrasyong Arroyo pero tinabla ng SC na pinamumunuan ni Corona.
Bagama’t inamin ng Malacañang na nagkausap sina PNoy at Corona, itinanggi naman ng Palasyo na pinag-usapan doon ang Truth Commission.
Sa naturang pag-uusap, inilatag lang umano ng Pangulo ang programa nito para sa malinis na pamamahala at mabigyan ng pagkakataon si Corona na patunayan na siya’y Punong Mahistrado ng mga Filipino at hindi lang ni Mrs. Arroyo na siyang nagtalaga sa kanya.
Kung tutuusin, mismong si PNoy na rin ang nagsabi sa ilan niyang panayam na binigyan niya ng pagkakataon si Corona na patunayan na patas siya sa paghuhusga pero hindi raw ito ginawa ng Punong Mahistrado.
‘Ika nga ng paboritong linya sa pelikula ng namayapang si Fernando Poe Jr. -- napuno na ang salop para kay PNoy nang bumoto ang SC, sa pangunguna ni Corona na payagan si Mrs. Arroyo na makabiyahe at muntik nang maging dahilan para makalabas ng bansa -- ito ang pinaniniwalaang diskarte o paraan upang makatakas si Mrs. Arroyo sa mga kasong kakaharapin, kagaya ang paglulustay sa pondo ng bayan.
Take note: Biglaan ang pag-uwi ni Corona mula Amerika para dinggin ang petisyon ng kampo ni Gloria, katulad ng naglabasang report sa media.
Kung sadyang matatag si Corona sa kanyang mga alegasyon laban kay Aquino at pagbabago, reporma o pagpapatatag sa hudikatura ang nasa isipan, pinakamabuting gawin niya’y magpasalang sa witness stand ng Senate Impeachment Court o kaya’y tumestigo sa nalalamang katiwalian laban kay Gloria.
Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment