Wednesday, March 7, 2012


Sobrang tiwala!
REY MARFIL

Kung susuriin ang sitwasyon, mapalad ang Pilipinas sa pagkakaroon ng isang pamahalaan na determinadong solusyunan ang matagal nang problema kaugnay sa kakapusan ng silid-aralan sa buong bansa sa susunod na taon.

Ginagawang posible ni Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino sa pamamagitan ng mga reporma na ipatutupad sa iba’t ibang programa, kabilang ang Public Private Partnership (PPP), as in simula nang manungkulan noong 2010, iniulat ng Department of Education (DepEd) ang 66,800 kakapusan sa silid-aralan.

Lingid sa kaalaman ng nakakarami, dahan-dahang naibaba ng DepEd ang estadistika ng kakapusan nang bumuo ng 15,000 silid-aralan noong 2011 at gagawa ng panibagong 35,000 ngayong taon.

Maganda ang hangarin ng Pangulo na tuluyang mabura ang problema sa pamamagitan ng patuloy na konstruksyon sa susunod na taon ng karagdagang 15,000 silid-­aralan sa tulong ng PPP at iba pang donasyon. Ipinapakita lamang ni PNoy ang kanyang malaking pagpapahalaga sa edukasyon sa pagbuo ng isang maunlad na bansa.

Hindi lang ‘yan, isang panibagong tagumpay ni PNoy sa pagsusulong ng reporma sa edukasyon ang paglagda nito sa Republic Act (RA) No. 10157 o Kindergarten E­ducation Law na naglalayong magkaroon ng compulsory kindergarten bilang paghahanda sa Grade 1.

Ipagkakaloob ng pamahalaan sa ilalim ng Republic Act 10157 o “An Act Institutionalizing the Kindergarten Education into the Basic Education System and Appropriating Funds Therefore” ang libreng compulsory kindergarten education simula sa darating na school year na 2012-2013.

Binibigyang importansya ng batas ang malaking kontribusyon ng kindergarten upang mas maging handa at matalino ang mga batang papasok sa grade school.

Magkakaroon ang mga bata ng mas malakas na laban upang iangat ang kanilang mga buhay. Sa ilalim ng batas, obligado ang mga bata na kumuha ng kindergarten bago pumasok ang mga ito sa Grade 1.

Tama ang posisyon at paniniwala ng Department of Education (DepEd) na mapapataas nito ang kakayahan ng mga bata na unawain ang kanilang mga aralin at mabawasan ang insidente ng dropout.

***

Napag-usapan ng good news, nakakatuwang marinig na pangunahing pinaglalagakan ng pamumuhunan sa rehiyon ang Pilipinas base sa P1.995-trilyong kinita ng Philippine Economic Zone Authority (PEZA) at pagkakaroon ng bansa ng paborableng pananaw mula sa Japan External Trade Organization (JETRO).

Mismong si PNoy ang natuwa sa inihandang ulat ni PEZA Director General Lilia De Lima at mga opisyal ng JETRO tungkol sa magandang balita.

Nangangahulugang malaking kita ng PEZA na tama ang matuwid na landas na tinatahak para isulong ang interes ng publiko. Ang maganda pa rito, nakuha ng pamahalaan sa nakalipas lamang na 18 buwan o sa panahon ng administrasyong Aquino ang 22%, katumbas ng P413-bilyon ng kabuuang kinita ng PEZA sapul noong 1995.

Ang tanong ng mga kurimaw: ito ba’y nakikita ng mga kritiko ni PNoy, maliban kung sadyang mutain at bulag sa katotohanan?

Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)

No comments: