Monday, June 29, 2015

Pagpalawak sa benepisyo! REY MARFIL





Pagpalawak sa benepisyo!
REY MARFIL



Hindi ba’t kapuri-puri ang kautusan ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino sa pamunuan ng Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) na ipagkaloob ang mas mahusay na serbisyong pangkalusugan para sa mga Filipino?

Nadagdagan nang husto ang benefit package ng mga pasyenteng may sakit sa bato kung saan sasakupin nito ngayon ang 90 dialysis sessions bawat taon mula sa kasalukuyang 45 dialysis sessions.

Inihayag ni PhilHealth president at chief executive officer Alexander Padilla na inaprubahan na ng board of directors ang pagpapalawak sa benepisyo dahil na rin sa lumalalang problema ng bansa sa sakit sa bato.

Ibinaba naman ng PhilHealth sa P2,500 kada sesyon ang kasalukuyang P4,000 hemodialysis session dahil sobra-sobra ang halaga para sagutin ang gastusin.

Batid ng Pangulo na malaki ang maitutulong ng pinalawak na benepisyo upang matugunan ang pangangailangan sa pagpapagamot ng mahi­hirap nating mga kababayan.

Nakakatuwa rin sa naging desisyon ng PhilHealth na hindi maaapektuhan ang kalidad ng gamutang maibibigay sa bawat benepisyunaryo sa kabila ng pinalawak na benepisyo.

***

Sa datos ng PhilHealth noong 2014, naitala ang pinakamataas na bilang na 691,489 na kaso ng hemodialysis sa lahat ng procedures na nagkaka­halaga ng P4,666,806,642.

Nag-ugat ang paglaki ng kaso sa dumadaming bilang ng mayroong diabetes at hypertension.

Nakakatuwa rin na maaaring pakinabangan ang libreng benepisyo sa lahat ng PhilHealth accredited na dialysis centers at ospital sa buong bansa.

Maganda rin ang ginagawang pagbabantay ng PhilHealth sa programa ng pamahalaan upang maiwasang abusuhin ang reimbursement sa mga sumailalim sa programa.

Noong nakaraang buwan, inihayag ng PhilHealth ang pag-imbestiga nito sa Pacific Eye Insti­tute sa Makati City at Quezon City Eye Center sa Quezon City dahil sa umano’y maanomalyang transaksyon na nagkakahalaga ng P402 milyon noong 2013 at 2014.

Karamihan sa isinagawang medical procedures sa dalawang eye centers ang mga pasyenteng may katarata.
Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (Twitter: follow@dspyrey)

Friday, June 26, 2015

Ang basbas at ang survey REY MARFIL




Ang basbas at ang survey
REY MARFIL



Tulad ng inaasahan, nakabawi ang trust at satisfaction ratings ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino sa bagong survey ngayong June mula sa “pinakamababang” marka na nakuha niya noong Marso. Ngunit kung marami ang natuwa, tiyak na mayroon ding ilan na nabahala habang papalapit ang pampanguluhang halalan sa 2016.

Pero dahil sadyang napakataas ng tiwala ng publiko kay PNoy mula nang inihalal siyang Pangulo noong 2010, kahit ang mataas na 36 percent ay naging “mukhang” mababa.

Sa hiwalay na survey naman ng Social Weather Station na ginawa noong June 5-8, 2015, nakabawi rin ang satisfaction rating ni PNoy (o bilang ng mga taong nasisiyahan sa kanyang trabaho) sa net rating na positive 30, mula sa “record low” din niya na positive 11 noong Marso.

Sa datos ng SWS, lumitaw na muling dumami ang nagsabing nasisiyahan sila sa trabaho ni PNoy sa June survey na 57 percent satisfied at nabawasan ang dis­satisfied sa 27 percent. Noong Marso, 47 percent lang ang nagsabing satisfied sila sa trabaho ng Pangulo at mataas naman ang dissatisfied nasa 36 percent.

Muli, kung ikukumpara sa mga dating lider na papatapos na ang termino, mataas pa rin ang mga markang ito ni PNoy. Kaya naman hindi katataka-taka na makabawi kaagad siya dahil patuloy lang naman sa pagta­trabaho ang Pangulo.

***

Bukod dito, sa paglipas ng mga araw ay nalilinawan ang publiko sa mga isyung ibinabato sa administrasyon. May ilan kasing isyu noong panahon na gawin ang resulta ng March survey na hindi pa lubos na nalilinawan. Kabilang na nga rito ang naganap na trahedya sa Mamasapano, Maguindanao kung saan nasawi ang 44 na ka­sapi ng Special Action Force ng Philippine National Police.

Idagdag pa ang isyu ng Bangsamoro Basic Law na itinataguyod ni PNoy dahil naniniwala siya na makatutulong ito para sa kapayapaan sa Mindanao.

Iyon nga lang, sa pag-angat muli ng ratings ni PNoy, tiyak na may ilan na hindi matutuwa -- kabilang na ang mga kritiko na umaasang tuluy-tuloy na ang pagsadsad ng marka ng Pangulo hanggang sa sumapit ang halalan sa 2016. Karaniwan nga kasing bumababa ang ratings ng Presidente kapag patapos na ang termino nito -- bagay na tila hindi mangyayari kay PNoy.

Bakit nga ba ipinagdadasal ng iba na bumaba nang husto ang tiwala ng publiko kay PNoy at dumami ang hindi na masiyahan sa kanyang trabaho? In short, bakit gusto nilang maging “lame duck” o “walang silbing” Presidente si PNoy habang papalapit ang araw na aalis na siya sa MalacaƱang?
Ang sagot, dahil sa May 2016 elections.

Hindi maaalis na may mga grupo o kandidato na ma­ngamba na iboboto ng mga tao ang sinumang mga kandidato na iendorso niya sa halalan sa iba’t ibang posisyon sa gobyerno. Kung mataas pa rin ang tiwala ng tao kay PNoy at patuloy silang nasisiyahan sa pamamahala niya, natural na pagtitiwalaan din ng mga mamamayan ang sinumang kandidato na babasbasan niya dahil inaasahan na sila ang magpapatuloy ng “daang matuwid”.

Pero sa halip na mangamba, dapat ikatuwa at suportahan ang pagtaas pa ng marka ni PNoy dahil indikasyon ito na patuloy siyang nagsisikap at nagtatrabaho para mag-iwan ng isang maayos na pamahalaan at ekonomiya para sa mga susunod na opisyal na mamumuno sa ating bansa.
Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (Twitter: follow@dspyrey)
http://www.abante-tonite.com/issue/june2615/edit_spy.htm#.VY4LzvlViko

Wednesday, June 24, 2015

Simbolo ng sining sa entablado REY MARFIL



Simbolo ng sining sa entablado
REY MARFIL


Nitong nagdaang mga taon, unti-unting umaariba ang isang uri ng sining na halos muntikan nang makalimutan ng mga Pilipino -- ang teatro. Marahil, kung hindi naging bida si Lea Salonga sa stage play na Miss Saigon sa abroad noong 1989, baka tuluyan nang nalaos sa Pilipinas ang buhay na pag-arte na may kasamang pag-awit at sayaw sa ibabaw ng entablado.

Walang duda na malaki ang naitulong ni Lea upang mapanatili sa kamalayan ng mga Pilipino ang stage o musical play. Bakit ba naman hindi, bukod sa pagiging “Kim” sa Miss Saigon, nagbida rin si Lea sa isa pang sikat na stage play na Les Miserables at nanalo siya ng best acting award sa prestihiyosong Tony Awards, ang Oscars sa teatro.

Ngunit bago pa man sa panahon ni Lea at hindi nauuso ang mga sinehan, ang stage play ang pangunahing libangan ng mga ninuno nating Pinoy. Marami sa mga batikan at beteranong artista natin ay nagmula sa pag-arte at pagsasayaw sa entablado o teatro. Katunayan, isa sa mga buhay na makapagpapatunay sa mayamang si­ning ng teatro noon ay si Kuya Germs o German Moreno.

Kaya nga lang, sa paglipas ng panahon, ang mga lugar na pinagdarausan noon ng mga teatro -- na karamihan ay nasa Recto o Avenida Avenue sa Maynila ay ginawang sinehan nang mauso na ang paggawa ng mga pelikula. At sa paglipas pa muli ng mga panahon, ang mga sinehan na ito na dating tahanan ng mga artista ng teatro ay giniba at tinayuan ng ibang gusali, kung hindi man ay nabubulok na at napabayaan.

At marahil kung hindi kumilos ang pamahalaan ni Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino, baka ganito rin ang sapitin ng itinuturing na sentro ng sining ng teatro -- ang Manila Metropolitan Theater o MeT, na hindi kalayuan sa Manila City Hall.

***

Dahil sa kasaysayan sa likod ng MeT, idineklara itong national treasure ng National Commission on Culture and the Arts noong 2009. Ngunit gaya ng sining ng teatro, naghingalo rin ang MeT mula nang mapinsala ito noong World War II. Ilang ulit na itong inayos, isinara, inayos at hanggang tuluyang nagsara noong 2012.

Ang dating tahanan ng mga mahuhusay na alagad ng sining, naging tahanan ng mga insekto. Ang dating teatro na dinadayo ng mga manonood, mga istambay at palaboy na lang ang makikita sa labas.
Ang mga maningning na disenyo, unti-unting kumupas at nawalan ng halina.

Pero ngayon, mabibigyan ng bagong pag-asa ang MeT matapos na aprubahan ng pamahalaan ni PNoy ang pagpapalabas ng pondo para mabili ng NCCA ang gusali sa Government Service Insurance System (GSIS), na siyang nagmamay-ari na sa teatro.

Ang pondo na umaabot P270 milyon ay ibinigay ng Department of Budget and Management sa NCCA.
Ang naturang pondo ay mula naman sa National Endowment Fund for Culture and the Arts.

Kung hindi sinuportahan ni PNoy ang NCCA para mabili ang MeT, posibleng napunta ang makasaysayang teatro sa lokal na pamahalaan ng Maynila na interesado rin sa gusali. Pero sino ang nakakaalam sa kung ano ang maaaring gawin sa MeT ng mga susunod na liderato ng city hall?
Pero sa ilalim ng pangangalaga ng MeT, tiyak na mapapangalagaan ang mayamang kasaysayan nito.

Pero gaya ng stage o musical play na muling na­kabalik sa interes ng mga Pilipino, tiyak na makababalik din ang MeT at tiyak na dito na muling mapapanood ang mga palabas sa ibabaw ng entablado.
 Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (Twitter: follow@dspyrey)
http://www.abante-tonite.com/issue/june2415/edit_spy.htm

Monday, June 22, 2015

Kaliwa’t kanang pagkilala!



Kaliwa’t kanang pagkilala!
REY MARFIL



Produkto na naman ng matuwid na daan ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino ang malaking pagbaba sa bilang ng mga batang hindi nag-aaral noon.

Mula kasi sa 11.7 porsiyentong out-of-school youth noong 2008, naging 5.2 porsiyento na lamang ito nitong 2012.

Tinutukan kasi ni PNoy ang mga reporma sa edukasyon kaya naman nagkaroon ng magandang bunga upang lalong makapag-aral ang mga bata.

Base sa pananaliksik ng Philippine Institute for Develop­ment Studies (PIDS) at United Nations Children’s Fund (UNICEF), lumabas na nabawasan ang bilang ng mga batang may edad lima hanggang 15 na hindi nakakapag-aral.

Naiulat ang resulta ng pag-aaral sa Global Initiative on Out-of-School Children Philippine Country Study na inilabas ng UNICEF at iprinisinta mismo ng PIDS at UNICEF sa isang seminar kamakailan.

Nag-ugat ang magandang resulta sa pagkakapasa at implementasyon ng mandatory kindergarten at K to 12 Law; pagtaas sa badyet ng Department of Education; at pagpapalawak ng conditional cash transfer (CCT) program o Pantawid Pamilyang Pilipino Program kung saan hinihimok ang mga pamilya na panatilihin ang kanilang mga anak sa eskwelahan.

Sapul nang maupo si PNoy, tumaas na ng mahigit sa 15 porsiyento ang pondo ng sektor ng edukasyon alinsunod sa direktiba ng Pangulo.

Malinaw na nagbunga ng maganda ang matuwid na daan ni PNoy sa larangan ng edukasyon kaya naman maraming bata ngayon ang mga nasa eskwelahan.

Maganda talaga ang pananaw ng Punong Ehekutibo na walang maiiwan, mahirap man o mayaman sa pagkakaroon ng de-kalidad na edukasyon para sa magandang kinabukasan ng mga kabataan.

***

Inaasahan talaga ang malaking positibong pagba­bago ng Pilipinas sa estado ng Rule of Law Index 2015 o ang pagpapatupad ng umiiral na mga batas.

Sa nailabas na 2015 Rule of Law Index ng World Justice Project, nasa ika-51 na ranggo ngayon ang Pilipinas mula sa kabuuang 102 nasyon.

Naka-base sa Washington D.C. ang World Justice Project na isang independent multidisciplinary organization na tumitiyak na naipatutupad ang umiiral na mga batas sa buong mundo at itinatag noong 2006 sa tulong ng inisyatiba ng American Bar Association.

Umangat ngayon ng siyam na puwesto ang bansa na nasa ika-60 posisyon noong 2014. Kinilala ang Pilipinas bilang “most improved” na nasyon sa mga bansang kasapi ng South East Asian Nations (ASEAN) kung saan nasa ika-siyam na puwesto sa hanay ng 15 bansa sa Silangang Asya at Pasipiko ngayong 2015.

Sa ilalim ng matuwid na daan at malinis na pamamahala ni PNoy, sinabi ni American Bar Association Rule of Law Initiative Director Elizabeth Andersen na kabilang ang Pilipinas sa tatlong bansa na mayroong matagumpay na mga kuwento ng pagpapatupad ng mga batas.

Kabilang sa tinukoy ni Ms. Andersen ang mga pagba­bago sa ‘judicial at policy reforms’ ng bansa, kabilang dito ang court automation ng pamahalaang Aquino para sa Department of Justice (DOJ) at alisin ang bansa sa Intellectual Property Watch List.

Dahil sa malaking tagumpay na ito, asahan nating lalong magsusumikap si PNoy na lalo pang maisulong ang mga reporma sa pamahalaan na siguradong pakikinabangan muli ng maraming Filipino.
Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (Twitter: follow@dspyrey)

Friday, June 19, 2015

Lalo pang sumigla!




Lalo pang sumigla!
REY MARFIL



Magandang balita na naman ang posibilidad na maaaring mabura sa kasulukuyang henerasyon ang kahirapan kung maipagpapatuloy ang paglago ng ekonomiya na itinataguyod ng malinis na pamamahala ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino.

Sinabi mismo ni World Bank (WB) lead economist Rogier van den Brink na umaarangkada ang ekonomiya ng bansa kahit maging lima, anim at pitong por­siyento ang paglago sa gross domestic product (GDP) ng bansa.

Ipinagmalaki ni Van den Brink na nangunguna sa mundo ang Pilipinas sa larangan ng pagsulong ng ekonomiya kung saan naitala lamang ng kanyang bansang Holland sa limang porsiyento ang pag-angat ng ekonomiya nito.

Inamin ng opisyal na nahirapan silang makita bago sumapit ang 2013 kung papaano mababawasan ang kahirapan ng bansa sa pamamagitan ng paglago ng ekonomiya ng Pilipinas.

Ngunit sapul nang sumapit ang 2013, sinabi nitong mayroong matitibay at maaasahang mga datos katulad ng surveys na nagpapakita na talagang nababawasan ang kahirapan dahil sa pagsulong ng ekonomiya.

Nabatid na bumaba ang underemployment at kahirapan at lumalaki ang kita ng mga mahihirap ng 20 porsiyento o 30 porsiyento na mas mabilis kumpara sa ibang mga bansa.

Kung magpapatuloy ang lima hanggang anim na porsiyentong paglago ng ekonomiya, nanindigan ang opisyal na mabubura ang kahirapan sa kasalukuyang henerasyon.

Posibleng-posible ang ganitong pagtataya ng opisyal lalo’t kitang-kita sa matuwid na daan ni Pangulong Aquino ang kahalagahan na mapagsilbihan ang publiko at sugpuin ang katiwalian.

***

Isa pang nakakatuwang balita ang ulat ng Philippine Statistics Authority (PSA) nitong Abril 2015 kaugnay sa malaking ibinaba ng unemployment at underemployment rates sa bansa dahil sa malinis na pamamahala ni PNoy.

Base sa ulat, bumaba sa 6.4 porsiyento nitong Abril 2015 ang unemployment rate mula sa pitong porsiyento kumpara sa parehong buwan ng 2014. Sa under­employment rate naman, bumaba ito sa 17.8 porsiyento mula sa 18.2 porsiyento sa katulad ring mga panahon.

Sa nasabing datos, nabawasan ng 243,000 Filipinos ang walang trabaho habang natapyasan ng 44,000 ang mga taong ikinukonsidera ang kanilang mga sarili bilang underemployed.

Nakakalat sa 13 mula sa kabuuang 17 rehiyon ang mga manggagawang nakinabang sa masiglang ekonomiya ng bansa kaya naman nagkaroon sila ng mas mabuting oportunidad sa hanapbuhay.
Nakatulong nang husto ang aktibong mga sektor ng serbisyo at industriya sa kabuhayan ng mga Filipino.

Nakatulong ang pagbuti ng lagay ng hanapbuhay sa bansa dahil sa matuwid na pamamahala ni Pangulong Aquino. Hindi talaga tinatantanan ng Punong Ehekutibo ang paghahabol sa tiwaling mga opisyal na nagsamantala sa kaban ng bansa.

Nandiyan rin ang patuloy na mga repormang ginagawa ng Pangulo upang lalong mapagsilbihan ang publiko, lalung-lalo na ang mahihirap na mga sektor.
Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (Twitter: follow@dspyrey)
http://www.abante-tonite.com/issue/june1915/edit_spy.htm#.VYS2u_lViko

Wednesday, June 17, 2015

Bagong rebolusyon REY MARFIL



Bagong rebolusyon
REY MARFIL

Sa kauna-unahang pagkakataon, idinaos ng pamahalaan ang selebrasyon ng Araw ng Kasarinlan ng Pilipinas sa Visayas nitong nagdaang June 12 -- partikular sa Sta. Barbara, Iloilo. Pero pagkaraan ng 117 taon mula nang makalaya tayo sa pananakop ng mga Kastila, isang celebrity ang nagtanong sa pamamagitan ng social media:
“Ano raw ba ang ipinagdiriwang nating kalayaan gayong ‘di pa raw naman malaya ang bansa natin sa utang, kahirapan, krimen at katiwalian?”

Kahanga-hanga nga ang ginagawa ni Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino na gawin din sa labas ng Maynila ang paggunita at pagdiwang ng Araw ng Kalayaan. Mula nang maupo siyang lider ng bansa noong July 1, 2010, idinaos na ang selebrasyon ng kalayaan ng bansa sa Kawit, Cavite (2011); sa Simbahan ng Barasoain sa Malolos, Bulacan (2012); sa Liwasang Bonifacio sa Maynila (2013), at sa Naga, Camarines Sur (2014).

Pero hindi lang naman basta pinili ang mga lugar na nabanggit na pagdausan ng Araw ng Kalayaan ng bansa. Kung susuriin, ang mga nabanggit na lugar ay may mahalagang bahagi sa kasaysayan ng ginawang pakiki­paglaban ng ating mga ninuno laban sa mga mananakop. 

Gaya na lang sa Sta. Barbara, Iloilo, dito unang iwinagayway ang ating bandila sa labas ng Luzon na nangyari noong Nobyembre 17, 1898. Hudyat ito ng paghihimagsik ng mga nasa Visayas laban sa mga Kastila. At nang manaig ang rebolusyon at maitatag ang Unang Republika ng Pilipinas, kaagad ding nakiisa ang mga kasama sa kilusan.

Kaya naman marapat ang ginagawang ito ni PNoy na iikot sa iba’t ibang bahagi ng bansa ang pagdiriwang ng Araw ng Kasarinlan. Batid kasi ng Pangulo at kinikilala niya na hindi lang naman ang mga mamamayan sa Maynila o Luzon ang nag-aklas laban sa mga Kastila para mawakasan ang 300 taong pananakop nila sa ating bansa. Kasama rin sa mga nagbuwis ng kanilang buhay ang mga kababayan natin sa Visayas at Mindanao.

Katunayan sa kanyang talumpati sa selebrasyon ng Araw ng Kasarinlan sa Sta. Barbara, Iloilo, inihayag ni PNoy ang mithiin na ipagdiriwang ang 118th year ng kalayaan ng bansa sa Mindanao. Magandang plano ito kung matutuloy para sa huling mga araw ng kanyang termino bilang Pangulo ng bansa na magtatapos sa katapusan ng Hunyo 2016.

Pero sa gitna ng selebrasyon ng mga kababayan natin sa tinamasa nating kalayaan mula sa pananakop ng mga Kastila at paggunita rin sa ginawang pag-aalay ng buhay ng ating mga bayani, isang celebrity ang nag-tweet at nagtanong kung ano raw ba ang ipinagdiriwang ng bansa, “gayong hindi pa raw tayo malaya sa utang, kahirapan, krimen at katiwalian.”

***

Dahil sa post na iyon ng celebrity, hindi maiwasan na ma-bash siya o mabatikos ng mga netizen na nakakaunawa sa ibig sabihin ng kalayaan na ipinagdiriwang natin. Marami ang nagpaalala sa celebrity na ang pag-post pa lang niya ng natu­rang tanong ay isa nang dahilan para ipagdiwang ang Araw ng Kalayaan -- dahil may kala­yaan siyang magpahayag.

Kung may bumatikos sa celebrity, mayroon din namang nagdepensa. Tama lang naman daw na punahin ang pagkakatali ng bansa sa utang, kahirapan, katiwalian at krimen. May iba naman na nagsabing ang ipinagdiriwang natin ng June 12 ay paglaya natin sa dayuhang mananakop -- na paalala upang magkaisa ang mga Pilipino upang hindi na muling maulit pang masakop tayo ng mga dayuhan.

Sa huli, magandang nagkakaroon ng diskusyon tungkol sa usapin ng ating kasarinlan. Pagpapakita ito ng sadyang may kalayaan tayo na magbigay ng ating sa­riling pananaw nang walang kinatatakutan -- hindi gaya noong panahon din ng diktaduryang rehimen na bawal ang magsalita nang laban sa gobyerno.

Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (Twitter: follow@dspyrey) 
http://www.abante-tonite.com/issue/june1715/edit_spy.htm#.VYIZCflViko

Monday, June 15, 2015

Mayaman ang karagatan ng Pilipinas REY MARFIL



Mayaman ang karagatan ng Pilipinas
REY MARFIL



May isa na namang bagay na dapat ipagmalaki ang mga Pilipino -- at dapat ding ikabahala: ang pagkakatuklas ng mga American scientist kung gaano kayaman sa yamang-dagat ang Pilipinas.

Sa isang ulat kasi na inilathala sa website ng California Academy of Sciences, inilabas nila ang mahigit 100 bagong marine species na nadiskubre nila sa ilalim ng karagatan ng ating bansa. Ang mga bagong uri ng marine species o mga nilalang na nabubuhay sa ilalim ng ating karagatan ay bunga daw ng ilang buwan na paghalughog nila sa bahagi ng karagatan ng Pilipinas na tinatawag na Verde Island Passage sa Luzon, partikular ang malapit sa Mindoro at Romblon.

Masaya ang mga siyentista sa kanilang natuklasan sa Pilipinas dahil kasama pala ang bansa natin sa ilan pang bansa -- kabilang ang Indonesia, Malaysia, the Philippines, Papua New Guinea, Timor Leste at So­lomon Islands -- sa tinatawag nilang The Coral Triangle, na pakay ng kanilang pag-aaral. 

Hindi kasama ang China.

Kabilang sa kanilang mga nakita ay mga pambihira at mga bagong species ng makukulay na sea slugs, heart urchins, barnacles, ilang isda, corals at iba pa. May mga nilalang sa ilalim ng dagat na sinasabing nagliliwanag sa dilim gaya ng jelly fish ay kasama sa mga nadiskubre.

At sa kanilang mga nadiskubre sa Pilipinas, labis na namangha ang mga siyentista. Sabi ng principal investigator ng expedition na si Terry Gosliner, senior curator of invertebrate zoology sa California Academy of Sciences: “The Philippines is jam-packed with diverse and threatened species -- it’s one of the most astounding regions of biodiversity on Earth.”

***

Plano rin ng akademiya na magbukas ng tinatawag nilang Twilight Zone aquarium exhibit para makita ng publiko ang mga nilalang sa malalim na bahagi ng dagat. Kung makikita raw ng publiko ang mga nilalang ng dagat na ito, mas mauunawaan daw natin kung bakit kailangan nating pangalagaan ang karagatan. 

Kung tutuusin, marami sa ating mga Pinoy at maging ang pamahalaan ni Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino ay masigasig sa pagsusulong ng mga programa para protektahan ang ating karagatan dahil na rin sa pinagkukunan ito ng kabuhayan at ikabubuhay.

Sabi ni Bart Shepherd, director ng Steinhart Aquarium, “Most of what we observe and collect is so special -- and often new to science.”

Sana ituloy nila ang kanilang planong ipakita sa publiko ang mga magagandang nakita nila sa ilalim ng dagat ng Pilipinas. At unahin nilang ipa-exhibit ito sa China para ipaunawa sa kanila na hindi nila dagat ang winawasak na corals sa West Philippine Sea na hinahakot ng kanilang mga mangingisda at mga nasisira sa ginagawa nilang mga isla.

Ang delikado lang dito, ngayong alam na nila kung saan lugar pa sa Pilipinas na may mayamang yaman ng dagat, baka isama na rin nila ito sa kanilang mapang made China na “nine dash line” kuno.
Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo.” (Twitter: follow@dspyrey)