Wednesday, December 10, 2014

Handa na nga ba tayo sa kalamidad?




                                    -Handa na nga ba tayo sa kalamidad?
                                                             REY MARFIL/Spy on the Job


Matapos ang ilang araw na pagbabantay sa makupad kumilos na bagyong si “Ruby”, sa wakas ay tumama na siya sa kalupaan at hindi masyadong nagdulot ng matinding pinsala kung ikukumpara sa ginawa noon ng kanyang kumareng si “Yolanda”.

Tila nga yata aasahan na nating mga Pinoy ang pagdating ng malakas na bagyo bago magpalit ang taon. Pero hindi gaya noong 2013 na binulaga tayo ng super typhoon na si “Yolanda”, ngayong taon ay mukhang naawa si “Ruby” at binawasan niya ang kanyang dalang “powers”.

Sa mga inisyal na ulat na naglabasan ilang araw matapos mag-landfall si “Ruby” sa Eastern Samar, Romblon, Masbate, at Mindoro, hindi naging kasing tindi ng hagupit ni “Yolanda” ang pinsala niya sa bansa, lalo na sa bilang ng mga nasawi.

Mabuti na lamang at humina nga ang lakas ni “Ruby” habang papalapit siya sa kalupaan at hindi tuluyang na­ging super typhoon gaya ni “Yolanda”. Kung naging kasing lakas ni “Yolanda” si “Ruby”, maaaring mas matindi ang pinsalang iniwan niya dahil sa mabagal niyang pagkilos.

Nang tumama si “Ruby” sa kalupaan, naglalaro lang sa bilis na 10 hanggang 15 kilometer per hour (kph) ang kilos o andar nito, habang nasa 170kph ang kanyang hangin na malapit sa gitna. At kahit ilang oras siyang nagbuhos ng ulan sa mga dinaanang lugar, hindi pa rin naging kasing tindi ng ulan ni “Yolanda” at daluyong ang kanyang iniwan.

***

Mantakin natin kung nagtuloy si “Ruby” bilang super typhoon na may lakas ng hangin na mahigit 200kph, at kasing dami ng ulan ni “Yolanda”, mahirap at nakakatakot isipin ang pinsalang idudulot niya sa pag-usad lang na 10kph dahil magmimistulang bugbog-sarado ang lugar na tatamaan ng kanyang sentro.

Marahil ipagpasalamat natin na nabuo si “Ruby” sa panahon ng Disyembre na malakas na ang lamig ng Amihan na sinasabi ng mga dalubhasa na nagpahina sa bagyo. Paliwanag kasi nila, hindi raw gusto ng bagyo ang malamig na panahon at ang nais nito ang mainit habang nabubuo sa ibabaw ng Karagatang Pasipiko.  

Matatandaan na papasok pa lang noon ang Nobyembre nang mabuo at subaybayan ng PAGASA ang galaw ni “Yolanda”. Hindi pa kalamigan ang panahon noon hanggang sa manalasa na nga siya sa Visayas region sa gabi ng Nobyembre 8. 

At kahit hindi naging malinaw kaagad sa simula ang direksiyon na tatahakin ni “Ruby” dahil nga pabagu-bago ang galaw at lakas nito, dapat pa ring purihin ang mga nasa PAGASA sa matiyaga nilang pagbabantay at regular na paglalabas ng impormasyon sa media at publiko. 

Maliban sa paghina ng bagyo, malaking bagay din ang ginawang pagkilos ng pamahalaan sa pangunguna ni Pa­ngulong Noynoy “PNoy” Aquino na nagbigay ng malinaw at kongkretong utos na gawing ligtas ang mga tao at ihanda ang mga kakailanganing ayuda pagkatapos ng pagtama ng bagyo.

At para matutukan pa nang husto ang pinsala ng bagyo at pagtulong sa mga “boss” niyang mamamayan na kailangan ng tulong, nagpasya si PNoy na hindi na ituloy ang pagpunta sa South Korea para dumalo sana sa taunang ASEAN-Republic of Korea (ROK) Commemorative Summit sa December 11-12.

Maganda rin ang ginawang pakikiisa ng mga tao na hindi naging pasaway sa paglikas para mailayo sila sa kapahamakan. Sana lang nga na ang maaga na paghahanda natin sa hagupit ni “Ruby” ay bunga ng leksiyon at aral na natutu­nan natin kay “Yolanda” at hindi dahil sa “trauma” o “takot”.

Kasi kung “trauma” ang dahilan kung bakit naging handa tayo, ibig sabihin nito ay may posibilidad pa na sa susunod ay magiging pabaya ulit tayo kapag nawala na ang takot. Pero kung nagawa natin ang pagkilos dahil sa natuto tayo ng leksiyon kay “Yolanda”, ibig sabihin, magiging matalino na tayo sa pagharap sa kalamidad sa lahat ng pagkakataon.
Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo.” (Twitter: follow@dspyrey)

Friday, December 5, 2014

Bawal ang ‘epal’ sa Santo


                                                          Bawal ang ‘epal’ sa Santo 
                                                             Papa REY MARFIL


Malinaw ang bilin ng kabunyiang si Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle na huwag “umepal” ang mga politiko sa gagawing pagbisita ni Pope Francis sa Enero 2015. Pero siyempre, may ibang politiko ang hindi makatiis, lalo na iyong nag-aambisyong kumandidatong senador sa darating na halalan.

Tumpak at swak sa banga ang bilin ni Cardinal Tagle sa mga “epalistang” politiko na mahilig magpakalat ng kanilang mukha sa mga banner o streamer na may pagbati sa lahat ng okasyon -- kahit pa ­yata sa lamay.

Kahiya-hiya nga naman kung maglalagay ng “welcome” streamer sa pagdating ni Pope Francis sa Pi­lipinas pero ang nakalagay naman ay mukha ng politiko na malaki pa sa picture ng Santo Papa. At dahil hi-tech na ngayon ang photoshop, aba’y baka maisipan pa ng politiko na magpagawa ng picture na parang chummy-chummy o best friend sila ni Pope Francis.

Tandaan sana ng mga politiko na kahit kilalang low profile ang Santo Papa, siya ang bida sa pagdating niya sa bansa, at ang magiging mensahe niya para sa mga Filipino. Kaya naman huwag na sanang gumawa ng eksena ang mga nagbabalak na kasangkapanin ang Santo Papa para sa kanilang personal na interes pulitikal. Kayo rin, baka makarma lang kayo o tamaan ng kidlat habang nagse-selfie.

Pero kahit sa isang buwan pa ang dating ng Santo Papa, may ilang politiko na ang gumagawa ng paraan para makasali sa usapan ng Pope visit. Ngunit sa halip na magbigay ng positibong pahayag sa pagda­ting ni Pope Francis, intriga ang hatid ng ilang politiko gaya ng mga balitang nagbabalak tumakbong senador.

Sabi ng mga politikong ito na huwag na nating banggitin ang pangalan para hindi na sumikat, nakikialam daw ang administrasyong Aquino para maalis sa listahan ng mga bibisitahin ni Pope Francis ang Tacloban City, at sa halip ay sa Cebu City na lang magtungo.

Isang palatandaan daw ng ginagawang pagharang ng Malacañang sa pagpunta ni Pope Francis sa Tacloban ay ang hindi pagsasaayos sa Tacloban airport kung saan lalapag ang eroplano ng Santo Papa at magsasagawa rin ng misa.

Aba’y nang malaman na all systems go at inaapura ng gobyerno ang pagkumpuni sa airport na winasak ng bagyong Yolanda, may kambiyong hirit ang mga epal na politiko at sinasabing nabigo raw ang Malacañang na kumbinsihin ang taga-organisa ng mga lakad ng Santo Papa kaya daw ipinaayos na ang airport.

***

Pero kung tutuusin, mismong ang mga organizer at tagapamahala ng schedule ng Santo Papa ang nagsabi na hindi nakikialam ang Malacañang sa mga pupuntahan ni Pope Francis sa bansa.

Bukod diyan, talaga namang kinukumpuni ang airport noon pang Setyembre at patuloy itong ginagawa.

Hindi rin ang Malacañang ang nagsusulong na makasama sana ang Cebu City sa mga lugar na mapuntahan sana ng Santo Papa, kundi ang mismong lokal na pamahalaan ng lungsod.

Noon pang Nobyembre nananawagan si Mayor Michael Rama sa Vatican na pumasyal din sana sa kanilang lugar si Pope Francis dahil bukod sa ikinukonsiderang sentro ng Kristiyanismo ang lalawigan, naging biktima rin ng lindol at ni Yolanda ang kanilang lugar.

Maliban diyan, ipagdiriwang din ang ika-450th taon ng anibersaryo ng pagkakadiskubre ng imahe ng Sto. Niño sa Cebu at ika-50 anibersaryo ng Basilica Minore del Santo Niño. At kahit hindi nga kasama ang Cebu sa inilabas na mga lugar na papasyahan ng Santo Papa sa Enero, umaasa pa rin ang mga lokal na opis­yal na sana ay maikonsidera pa rin ang kanilang lugar.

Kaya naman ang payo natin sa ating mga kababa­yan, maging alerto sa mga epal na politika na maghahasik ng intriga at maling impormasyon para makasama lang sa balita tungkol kay Pope Francis.

Laging tandaan:
“Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (Twitter: follow@dspyrey)http://www.abante-tonite.com/issue/dec0514/edit_spy.htm#.VIDeImfdW58

Wednesday, December 3, 2014

No ‘left’ turn


                                                                  No ‘left’ turn 
                                                                REY MARFIL


Ano kayang mayroon sa “kaliwa” at naging kontrobersiyal ito nitong mga nagdaang araw. Una,  isang motorista ang napa-trouble sa isang traffic enforcer dahil sa planong pagkaliwa sa kalye; at sumunod naman ang isang advertisement na naghihikayat sa mga may-asawa na mangaliwa ang lumabas sa internet at nakatawag ng pansin ng Department of Justice.

Tungkol sa traffic constable at motorista, mukhang init ng ulo ang umiral sa kanila kaya nangyari ang kanilang engkuwentro at basagan ng ilong sa panulukan ng Quezon Avenue at Araneta Avenue.

Sabi ng constable, nag-dirty finger sa kanya ang motoristang sinita niya at hindi niya pinayagang “kumaliwa” sa isang kalye. Ang resulta, dumiretso ang motorista at nagbiyahe ng ilang metro para maka-U-turn para matumbok niya ang daan na gusto niyang tahakin.

Kung tutuusin, mas mabilis sana ang biyahe niya kung pinayagan siya ng constable na “kumaliwa” pero bawal nga kaya dapat lang niyang sundin kahit mamahalin pa ang kanyang kotse. Nang muling madaan ang motorista kay constable sa kanyang pag-ikot, muli silang nagkita at doon na nangyari ang insidente na naiwasan sana kung sa unang pagkakataon pa lamang ay hindi na nagtangkang “kumaliwa” si motorista.

Siyempre, iba ang bersiyon ni motorista sa bersiyon ni constable kaya hayaan na lang natin sa kinauu­kulan ang magpasya kung sino sa dalawa ang may pagkakasala at dapat parusahan.

***

Samantala, lumikha naman ng ingay ang advertisement ng isang website na nag-eengganyo sa mga may-asawa na mangaliwa. Sa aspeto ng advertising, tila tagumpay ang pakana ng isang adult website na lumikha ng ingay dahil napag-usapan ito sa media.

Kahit nga tayo ay pinag-uusapan natin ito ngayon pero hindi na natin sasabihin ang pangalan ng nabanggit na dating website para hindi na sila makakuha ng dagdag na libreng publisidad.

Iyon nga lang, tila desidido si Justice Secretary Leila de Lima na mapatanggal o ma-block sa Pilipinas ang nabanggit na website na nag-eengganyo sa mga may asawa na magtaksil. Aba’y dapat lang naman dahil may batas tayong nagbabawal sa pangangalunya.

Bukod sa may batas tayo laban sa pagtataksil,  Katoliko tayong bansa na naniniwala ang mayorya ng populasyon sa kasagraduhan ng kasal; kung saan ang mga nag-iisang dibdib ay nangangakong magsasama habambuhay -- till death do us part, ‘ika nga.

Bagaman tama ang sabi sa ads ng website na “buhay ay maigsi”, hindi naman tama ang karugtong nitong nakalagay na -- “mangaliwa”. Hindi ba’t mas maganda kung, “buhay ay maigsi, mamuhay nang tuwid”.

Hintayin natin kung anong hakbang ang gagawin ng DOJ laban sa website dahil tila may “bungi” ang pangil ng cybercrime law. Bunga daw iyon ng desis­yon ng Korte Suprema sa mga petisyon noon laban sa batas kaya inalis at idineklarang labag sa batas ang probisyon na nagbibigay kapangyarihan sa pamahalaan na “i-block” o alisin sa internet ang isang website na sangkot sa krimen o inirereklamo.

Sa kabila ng lahat, tandaan na lang lagi na huwag tayong lilihis ng daan; ang mali ay mali, at wala nang magpalusot kung mali. At para ‘di masangkot sa gulo, makabubuting tahakin ang “tuwid na daan” gaya ng laging payo ni Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino.
Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo”. (Twitter: follow@dspyrey)
http://www.abante-tonite.com/issue/dec0314/edit_spy.htm#.VH484WdavFw

Monday, December 1, 2014

Katas ng niyog



                                                                   Katas ng niyog  
                                                                  REY MARFIL

Nagbunga at hindi nasayang ang pagod ng mga magsasaka ng niyog na naglakad patungong Malacañang mula sa Davao City upang hilingin sa pamahalaan na mapakinabangan na nila ang naipong pondo mula sa kanilang sektor na kung tawagin ay coconut levy fund.

Nitong nakaraang Setyembre, 71 magniniyog na kumatawan sa iba’t ibang organisasyon ng kanilang sektor ang nagtipun-tipon sa Davao City para sa gagawin nilang martsa patungong Malacañang na tinatayang tatagal ng 71-araw.

At nitong Miyerkules, nagkaroon na ito ng kaganapan. Kasama sa kahilingan ng grupo ay magpa­labas ng kautusan ang pamahalaan upang mapakinabangan na ng kanilang sektor ang tinatayang P71 bilyon na naipon mula sa kinaltas sa kanilang levy fund noong panahon ng rehimeng Marcos.

Masuwerte ang mga nagmartsang magsasaka ng niyog dahil nakikinig ang kasalukuyang pamahalaan sa kanilang karaingan. Kaya naman hindi sila binigo ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino at malugod silang tinanggap sa Malacañang.

Sa pakikipagpulong ni PNoy sa mga magsasaka, isinama pa niya ang ilang kalihim ng kagawaran na may kaugnayan sa ipinaglalaban ng mga magniniyog.

Si PNoy na rin mismo ang nagsabi sa mga magsasaka ng niyog na matagal na niyang pinag-aaralan at nagbigay ng direktiba sa mga kinauukulang ahensiya na maghanda ng mga hakbang kung papaano magagamit ng tama ang coco levy fund para sa mga magniniyog.

***

Pero kahit mayroon nang plano, hindi pa rin ito kaagad maipatutupad dahil na rin sa hindi pa pinal na nareresolba ang usapin sa Korte Suprema.

Hindi pa kasi nakapaglalabas ng desisyon ang mga mahistrado tungkol sa motion for partial reconsideration at sa motion for partial entry of judgment na kapwa may kinalaman sa coco fund. Pero kahit hinihintay pa ang aksyon ng korte tungkol dito, may mga nakahanda nang planong gagawin ang pamahalaan.

Kabilang na rito ang pagpapasa ng isang batas na magbibigay garantiya na mapapangalagaan ang pondo ng niyog kahit magpalit-palit pa ang administrasyon, at nang matiyak na mapapakinabangan ng salinlahi ng mga magsasaka ng niyog ang pondo.

Isang paraan nito ay panatilihin at hindi galawin ang kapital na pondo, at tanging interest o tubo mula sa kapital ang ipalalabas at gagamitin sa mga proyekto at programa para sa kanilang sektor. Mainam ito dahil baka magkaroon ng buraot na liderato sa Palas­yo at biglang pag-interesan ang coco levy fund at gamitin kung saan-saan patungo sa kanilang bulsa.

Bukas din si PNoy sa mungkahi ng kanyang mga “boss” na magniniyog na gumawa siya ng isang exe­cutive order na lilikha ng trust fund para sa kanilang hanay. Iba pa ito sa nais niyang panukalang batas na malikha na handa niyang sertipikahan bilang “urgent bill” para maipasa kaagad.

Batid ni PNoy na sa sektor ng agrikultura, malaki ang potensiyal ng niyugan na mapagkukunan ng malaking kita sa bansa at makapagbibigay ng kabuhayan sa ating mga kababayan. Wala kasing masasayang sa tinaguriang “tree of life” dahil magagamit ang halos buong parte nito -- mula sa puno, dahon hanggang bunga -- maging buko man o matigas na niyog.

At sa harap ng mga kalamidad, gaya ng bagyo at mga peste tulad ng cocolisap, na nakapipinsala sa mga niyugan sa bansa, malaki ang maitutulong ng coco levy fund upang matulungan ang mga magsasaka at mapaunlad ang sektor ng niyugan.
Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo”. (Twitter: follow@dspyrey)
http://www.abante-tonite.com/issue/dec0114/edit_spy.htm#.VHuTBGdavFw

Friday, November 28, 2014

Pagpapalakas sa AFP!



                                                               Pagpapalakas sa AFP!
                                                                    REY MARFIL


Magandang balita ang napipintong pagbili ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ng mahigit sa P23 bil­yong halaga ng bagong boats, helicopters, rifles, combat at communication equipment na magagamit sa pagpapalakas ng panloob at panlabas na seguridad ng bansa.

Nabatid natin ito sa talumpati kamakailan ni Defense Sec. Voltaire Gazmin kaugnay sa ika-75th founding anniversary ng Department of National Defense (DND) sa Camp Aguinaldo sa Quezon City.

Dahil sa matuwid na daang kampanya ni Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino, patuloy na lumalaki ang halaga ng pondong nailalaan sa modernisasyon ng AFP.

Aabot sa 36 na mga proyekto ang mga transaksyon para sa P23.39 bilyon na pawang naghihintay na lamang ng delivery.

Kabilang sa mga bibilhin ang dalawang strategic sea-lift vessels, dalawang naval helicopters, walong attack helicopters, tatlong medium-lift aircrafts, dalawang light-lift aircrafts, ilang assault rifles, ilang force protection and communication equipment.

Bahagi ang proyekto ng AFP Modernization Program sa ilalim ng Republic Act (RA) No. 7898 na inamyendahan ng RA No. 10349.

Bukod sa 36 na mga proyekto, alinsunod sa implementasyon ng RA No. 10349 o ang Revised AFP Mo­dernization Program, nakalinya rin ang karagdagang 33 na mga proyekto na ipinapatupad sa loob ng limang taon o mula 2013 hanggang 2017 na umaabot sa P90.86 bilyon.

Inaprubahan ni PNoy ang dalawang proyekto sa ilalim ng Revised AFP Modernization Program na kinabibila­ngan ng pagbili ng 12 surface attack lead-in fighter aircrafts at walong combat-utility helicopters na may kabuuang kontrata na P23.6 bilyon.

Kabilang rin sa bibilhing mga gamit sa ilalim ng Revised AFP Modernization Program ang air defense surveillance radar system, long-range patrol aircraft, close-air support aircraft, C-130 Tango aircraft, anti-submarine warfare helicopters, frigates, amphibious assault vehicles, at iba’t ibang communication equipment at night-fighting systems.

Ipinagmalaki rin ni Gazmin ang Philippine Defense Transformation (PDT) Roadmap na nagawa ng DND kamakailan upang magsilbing gabay sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan sa pagtugon sa mga sakuna at iba’t iba pang emergency situations.

Kitang-kita naman ang pagsusumikap at pagmamalasakit ni PNoy para protektahan ang bansa at mga Pilipino sa pamamagitan ng pagpapalakas sa AFP.

Ngunit kung naging tiwali ang administrasyong Aquino, matutulad lamang sa nakalipas na mga pamahalaan ang modernisasyon ng AFP kung saan hindi umasenso at walang nangyaring pagbabago.

***

Naiuwi ng administrasyong Aquino pabalik ng bansa ang 4,333 overseas Filipino workers (OFWs) mula sa magulong bansa ng Libya at nakapagpalabas ng P42.78 milyong pinansyal na ayuda sa mga ito.

Nalaman natin ang magandang balita sa Department of Labor and Employment (DOLE) kung saan umabot na sa nasabing bilang ang OFWS na nakabalik sa Pilipinas sapul noong Oktubre 31 kung saan sumailalim ang karamihan sa tinatawag na mandatory repatriation ng pamahalaan.

Ibinalita ni National Reintegration Center for ­OFWs Director Chona Mantilla na aktibong mga miyembro ng Overseas Workers’ Welfare Administration (OWWA) ang 2,977 o 65 porsiyento ng mga nakauwi habang 1,197 o 28 porsiyento ang hindi mga kasapi.

Nalaman naman kay DOLE Sec. Rosalinda Baldoz na apat na porsiyento o 159 ng 4,333 ng mga nakauwi ang walang records. Pinakamagandang balita rin na nakatanggap ang mga ito ng tulong sa pamahalaan sa pamamagitan ng Assist WELL program.

Kabilang sa mga ahensyang tumulong ang Philippine Overseas Employment Administration (POEA), Technical Education and Skills Development Authority (TESDA), Bureau of Local Employment (BLE), at DOLE regional offices.

Narito ang uri ng mga tulong at bilang ng mga nakinabang: Assistance for overseas employment (2,529), transportation assistance to their home provinces (2,435), livelihood assistance (1,973), training and/or scholarship (1,973), at assistance for local employment (1,429).

Kitang-kita naman ang pagmamalasakit ni PNoy sa pamamagitan ng agarang pagtugon sa pangangailangan ng OFWs na naiipit sa ibang bansa.

Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (Twitter: follow@dspyrey)
http://www.abante-tonite.com/issue/nov2814/edit_spy.htm#.VHedkWdavFw

Wednesday, November 26, 2014

Magkaibang rekord!



                                                               Magkaibang rekord!  
                                                                  REY MARFIL


Sa mga laban ng Pinoy boxing pride na si Manny Pacquiao sa nakalipas na limang taon, isang boksingero na hindi naman niya kalaban sa ring ang laging ekstra bago at pagkatapos ng kanyang pakikipagbakbakan -- ang Amerikanong boxer na si Floyd ‘Money’ Mayweather Jr.

Sabagay, hindi lang naman si Pacquiao ang may ganitong sitwasyon. Kung si Mayweather naman kasi ang may laban, ekstra rin lagi ang pangalan ng “Pambasang Kamao”, bago at matapos ang laban ng binansagang “Money Man”.

May limang taon na ang lumipas mula nang magsi­mulang umingay ang kagustuhan ng boxing fans na magbasagan ng mukha sina Pacquiao at Mayweather sa iba­baw ng ring at nang makita kung sino sa kanilang dalawa ang pinakamagaling na boksingero.

Nang panahong iyon, 30-anyos pa lang si Pacquiao at 32-anyos naman si Mayweather. Pero dahil malabo nang mangyari ngayong taon ang bakbakan ng dalawa, posibleng sa susunod na taon o baka naman sa 2016 pa magkaroon ng katuparan ang hiling ng boxing fans kung magaganap ang dapat maganap. May bangis pa kaya ang kamao nila kapag 37 na si Pacman at 40 si Money Man?

Hindi naman natin masisisi si Mayweather kung atubili siyang labanan si Pacquiao. Mas malaki kasi ang mawawala sa kanya kapag natalo kumpara sa ating Pinoy boxing icon. Si Pacquiao ay may fight record na 57-5-2, 38 KOs, habang si Mayweather, malinis ang fight record na 47-0-26KOs.

Kung lalaban pa si Mayweather sa susunod na dalawang taon bago magretiro sa edad na 40, maaaring apat na laban na lang ang kanyang gawin na tig-2 laban bawat taon sa 2015 at 2016.

Si Pacquiao naman, kung tatakbong senador sa May 2016 at manalo, posibleng apat na laban na rin lang ang gawin na tig-2 laban din bago magretiro sa edad na 37.

Subalit hindi gaya ni Pacquiao na walang rekord sa laban na inaasinta, si Mayweather, puwedeng gumawa ng kasaysayan sa larangan ng boxing kung mapapanatiling malinis ang kanyang rekord na walang talo sa susunod na dalawang laban.

***

Sa ngayon kasi, hawak ng Amerikanong boxer na si Rocco Francis Marchegiano o Rocky Marciano, ang malinaw na fight record na 49-wins. Kung maipapanalo ni Mayweather ang dalawang laban nito sa 2015, mapapantayan na niya ang record ni Marciano, at posibleng mahigitan pa niya kung maipanalo niya ang ika-50 laban.

Ngunit namimiligrong hindi ito magawa ni Mayweather ang nagawa ni Marciano kung haharapin na niya agad si Pacquiao, na katulad niya ay itinuturing na pinakamagaling na boksingero ngayon.

Pero kung patuloy naman niyang iiwasan si Pacman, maaaring mahigitan nga ni Mayweather ang record ni Mariano subalit maitatala rin sa boxing history ang ginawa niyang pag-atras sa hamon ng ating kababayan at ginawa niyang pagbigo sa boxing fans na nagpayaman sa kanya.

Maaari pa rin naman siguro natin mapanood ang mega-fight bago matapos ang termino ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino sa June 2016 kung matatalo si Mayweathe­r sa susunod niyang laban dahil masisira na ang kamada niyang gumawa ng bagong boxing record sa panalo.

Pero kung pursigido si Mayweather na makapagtala ng 49 o 50 wins at no loss record, baka ang piliin niyang kalaban ay pipitsugin para matiyak ang kanyang panalo. Ano naman ang dapat gawin ng boxing fans kapag ginawa niya ito, i-boykot at ‘wag pakitain ang laban ni Mayweather para mapilitan siyang pagbigyan ang gusto ng boxing fans sa isang mega-fight vs Pacquiao?
Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo”. (Twitter: follow@dspyrey)
http://www.abante-tonite.com/issue/nov2614/edit_spy.htm#.VHT_tmdavFw

Monday, November 24, 2014

Iba si Mujiv!







                                                                    Iba si Mujiv!                                                                  
                                                                  REY MARFIL


Binabati natin ang masipag at maaasahang si Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) Gov. Mujiv Hataman dahil sa pangunguna nito na ­ayusin ang matagal nang problema kaugnay sa ­hindi nababayarang premiums at arrears sa Government Service and Insurance System (GSIS) ng 26,000 mga kawani ng Department of Education (DepEd) na halos umabot sa isang bilyong piso.

Sa tulong ng Department of Budget and Management (DBM), nabayaran na ng Office of the Regional Governor sa GSIS sa pamamagitan ng Memorandum of Agreement (MoA) ang inisyal na P890 milyon ng kabuuang P990 milyong pagkakautang simula noong 1997.

Seryoso si Hataman na ayusin ang problema kaya mababayaran ang natitira pang P100 milyon bago matapos ang taon.

Alinsunod sa kautusan ni Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino, tinutukan ni Hataman ang problema upang makinabang naman ang mga guro at kawani ng DepEd sa mga benepisyo, kabilang ang paghiram ng salapi.

Ikinatuwa naman ni GSIS president and general manager Robert Vergara ang ginagawang reporma ni Hataman sa ARMM dahil bahagi rin ito ng mga pagbabago na kanyang gustong ipatupad sa ahensya.

Sa pagsunod ni Vergara sa tuwid na daang kampanya ni Pangulong Aquino, pinapalawak nito ang oportunidad para makinabang ang mga pam­publikong kawani sa GSIS.

Kasama nga ni Vergara ang matataas na ­opisyal ng GSIS sa pag-iikot sa mga lalawigan sa bansa para personal na mabisita ang 48 na mga sangay at makadaupang-palad ang mga miyembro upang makuha ang kanilang opinyon at suhestyon kung paaano pa mapapabuti ang pagkakaloob ng pautang at pensiyon.

Sa pagbibigay ng regular na pensiyon at iba pang mga benepisyo sa mga miyembro, nagdesisyon ang GSIS na gawing kasangkapan ang Land Bank of the Philippines sa mga lugar na wala itong sangay.

Tinutukan ng GSIS sa kanilang pag-iikot ang kalagayan ng mga miyembrong binaha sa Mindanao kung saan inalok ang mga ito ng “calamity loans” hanggang P40,000 na may mababang interes na anim na por­siyento bawat taon na babayaran sa loob ng 36 na buwan.

Tinatayang aabot sa 4,162 kuwalipikadong mga kasapi ng GSIS sa Mindanao ang maaaring makinabang sa emergency loan program.

Inihayag rin ng GSIS ang magandang balita kaugnay sa pagkakaloob ng P144.2-milyong halaga ng tseke sa Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) na magagamit sa rehabilitasyon ng Tacloban City airport na sinira ng Super Typhoon “Yolanda” (Haiyan) noong 2013.

Sa tulong ng matuwid na pamamahala ni Pangulong Aquino, asahan na nating lalong matutuwa at makikinabang ang patuloy pang dumaraming bilang ng mga nagtitiwalang mga tao sa maayos na pamamalakad ng pamahalaan.

***

Inaasahan na nating mas maraming mga ­Filipino ang nasisiyahan at kuntento sa matuwid na pama­malakad ni Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III sa kanyang pamahalaan base sa pinakabagong ­resulta ng Social Weather Stations (SWS) survey.

Kitang-kita naman kasi sa tuwid na daan ng Pangulo na pagbibigay ng serbisyo sa publiko ang pangunahing ginagawa ng pamahalaan.

Lumabas sa SWS survey na mahigit sa kalahati o 59 porsiyento ng 1,200 respondents ang kuntento at nasisiyahan sa pamamalakad ng administrasyong Aquino habang maliit na 24 porsiyento ang hindi.

Kaya, asahan pa nating lalong bubuti ang mga pigura kaugnay sa patuloy na lumalaking bilang ng mga Filipinong bumibilib at kuntento sa maayos na pamamahala ni Pangulong Aquino sa bansa.

Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” ­(Twitter: follow@dspyrey)
http://www.abante-tonite.com/issue/nov2414/edit_spy.htm#.VHJaqGdavFw