Wednesday, January 21, 2015

-Kahanga-hanga






                                                  -Kahanga-hanga
                                                      REY MARFIL/Spy on the Job
                                                                   Jan. 21, 2015

Kahanga-hanga ang ipinakitang pananampatalaya ng mga Pinoy sa pagbisita sa bansa ni Pope Francis. Umulan man o umaraw, umaga man o gabi, nagtiyaga ang ating mga kababayan na maglakad ng malayo at tiniis ang gutom makita lang at mapakinggan ang mensahe ng lider ng Simbahang Katoliko.


Bukod sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan na nangasiwa sa seguridad at mga aktibidad ng Santo Papa sa bansa, dapat talagang papurihan din ang mga kababayan natin na nag­pakita ng kanilang pakikiisa para maging maayos at ligtas na maidaos ni Pope Francis ang kanyang mga aktibidad.


Sa totoo lang, dahil sa matagumpay na pagbisita ni Pope Francis sa Pilipinas, hindi lang naman ang pamahalaang Aquino ang nakatanggap ng kredito kung hindi ang buong mamamayang Pilipino. Kabi-kabila nga ang napaulat na papuri ng Vatican at pati ng mga dayuhang mamamahayag sa nasaksihan nilang debosyon ng mga Pinoy.


Bakit nga naman hindi, mula sa pagdating ni Pope Francis kahit gabi na, hanggang sa umulan at bumagyo, kahit na mainit nang umalis siya ng umaga sa Pilipinas, nakita nila ang napakaraming tao na nais masilayan at mabasbasan ng Santo Papa.


Dahil sa pag-ulan dulot ng bagyong Amang, may mga pangamba na baka kakaunti lang ang sumipot na tao sa misang pangungunahan ni Pope Francis sa Tacloban City, gayundin sa Luneta. Pero ipinakita ng mga Pinoy na water­proof ang kanilang pananampalataya.


***


Sa Tacloban City, hindi tubig ang bumaha kung hindi mga tao at kanilang mga luha na naantig sa mensahe ng Santo Papa para sa mga kababayan nating naulila dahil sa mga kalamidad gaya ng lindol at bagyong Yolanda.


Pagdating sa Luneta, umapaw din ang mga tao at nagawa pang higitan ang limang milyong katao na dumalo sa misang isinagawa noon ng yumaong Pope John Paul II, na isa ng Santo ngayon.


Nakalulungkot nga lang dahil may buhay na nawala sa Tacloban City nang mabagsakan siya ng scaffolding matapos ang misa dahil sa malakas na ulan. Dahil din sa bagyo ay kinailangang putulin ang takdang panahon na dapat na ilalagi ni Pope Francis sa Leyte dahil sa bagyong Amang. Madali naman itong naunawaan ng mga tao dahil batid nila higit na kailangan na unahing isipin ang kaligtasan ng Santo Papa.


Mabuti at ligtas din at hindi napahamak ang mga sakay ng eroplanong sumadsad sa Tacloban airport kung saan sakay din ang ilang opisyal ng pamahalaan na sumu­subaybay sa biyahe ng Santo Papa.

Patunay ang insidenteng iyon na hindi biro ang pagbabantay na ginawa ng pamahalaang Aquino sa lider ng Vatican.


Hindi na rin dapat na intrigahin pa ang ginawang pag­puna ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino sa ilang kasapi ng Simbahang Katolika sa Pilipinas sa harap ni Pope Francis dahil sa pananahimik nila noong panahon na umano’y umaabuso ang nakaraang administrasyon. Kung tutuusin, maging si Pope Francis naman ay may puna at paalala sa mga lider ng bansa na bukas sa kalooban na tinanggap ni PNoy.


Gayunman, sinabi ng Pangulo na bago pa man ang pagbisita ni Pope Francis sa bansa ay tinutugunan na ng kanyang pamahalaan ang usapin tungkol sa kahirapan at katiwalian. Isang patunay nito ang mga opisyal na kinasuhan, pagganda ng ranking ng bansa sa anti-corruption index, at ang conditional cash transfer program naman sa aspeto ng kahirapan at pagpapahalaga sa mga bata.


Napakaraming paalala at pangaral na ibinigay ni Pope Francis sa mga Pilipino; mula sa kabataan, buong pamilya, mga lider ng bansa, sa mga nahaharap sa pagsubok, at iba pa. Ang malaking pagsubok ngayon sa mga Pinoy sa pag-alis ng Santo Papa ay ipakitang hindi lang matibay ang pananampalataya ng mga Pinoy, kung hindi mahusay din tayong isabuhay ang mga pangaral na ating nakuha sa kanya.

Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo”. (Twitter: follow@dspyrey)

Monday, January 19, 2015

-May malasakit









                                                       -May malasakit
                                                                         REY MARFIL

Kitang-kita ang malaking puso at malasakit ni Pa­ngulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino sa pagtugon sa mga suliranin ng overseas Filipino workers (OFWs).


Sa pamamagitan ng Department of Budget and Management (DBM), iniutos ni Pangulong Aquino ang pagpapalabas ng karagdagang P50 milyon sa Department of Foreign Affairs (DFA) para dagdagan ang P100-milyong emergency fund na makakatulong sa patuloy na pagpapabalik sa bansa ng mga kababayan nating naaapektuhan ng lumalalang kaguluhan sa Libya, Syria, Iraq, at Gaza.


Nagdeklara na ang DFA Crisis Alert Level 4 sa apat­ na bansa, nagpalabas ng total deployment ban at pagpapatupad ng mandatory repatriation para sa mga Pilipinong naninirahan doon.


Labis ang ipinapakitang pagpapahalaga ni PNoy sa ating mga kababayan na nahaharap sa problema sa seguridad sa ibang bansa kaya naman prayoridad nito ang pagpapabalik sa kanila sa Pilipinas.


Kaya sinasagot ng administrasyong Aquino ang kanilang pamasahe pagbalik sa bansa at naghahanda ng mga programa para sa kanilang hanapbuhay. Nauna nang natanggap ng DFA noong Agosto ang P100-milyong emergency fund na ginamit sa mga Pilipinong naipit sa Libya.


Magagamit ang nasabing mga pondo na kinuha sa 2013 Contingent Fund para ayudahan ang Assistance-To-Nationals (ATN) Fund ng DFA.


Bibilisan din ng Department of Labor and Employment (DOLE) at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) ang kailangang mga proseso para sa pagkakaloob ng P50-milyon at P800-milyong pondo, ayon sa pagkakasunud-sunod para tulungan ang repatriation program ng pamahalaan.


Alam ng Pangulo na mahalaga ang repatriation program sa kaligtasan ng mga Pilipinong naiipit sa problema sa seguridad sa iba’t ibang mga bansa.


Kaya naman laging inihahanda ng administrasyong Aquino ang mabilis na pagtugon sa kanilang pagpapabalik sa Pilipinas sa panahon ng krisis.


***


Patuloy na makikinabang sa matuwid na daan ni PNoy ang sektor ng agrikultura sa bansa. Bunsod ito ng ipinalabas na P2.1-bilyong pondo ng Department of Agrarian Reform (DAR) para sa konstruksiyon ng mga tulay sa iba’t ibang mga lugar sa Pilipinas.


Ipatutupad ng DAR ang programa sa ilalim ng Tulay ng Pangulo para sa Kaunlarang Pang-Agraryo (TPKP) project. Nagmula ang pondo sa 2014 pambansang bad­yet ng Department of Public Works Highways (DPWH) kung saan babayaran ang Matiere SAS, isang kumpanyang French na nagkakaloob ng materyales sa departamento para sa konstruksiyon, paglalagay at pagtatayo ng girder-type universal bridges (unibridges).


Layunin ng TPKP unibridges na idugtong ang tinatawag na agrarian reform communities at mga lugar na sakop ng Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP) sa mga kalsada patungo sa pangunahing merkado sa tulong ng Program Beneficiaries Development (PBD) ng DAR.


Malaking bahagi rin ng proyekto ang Program Beneficiaries Development ng DAP para masiguradong makakamit ang layunin ng programa. Siguradong matutulungan ng mga imprastrakturang gagawin sa ilalim ng TPKP ang mga benepisyunaryo ng repormang agraryo sa bansa upang lalong mapabilis ang pagdadala ng kanilang mga ani sa merkado.


Nagkasundo na rin ang DAR at DPWH na palitan ang nasirang Desamparados at Tultugan bridges sa Bohol circumferential road sa kondisyong madedetermina na makikinabang dito ang mga benepisyunaryo ng progra­mang agraryo at mga lugar na sakop ng CARP sa rehiyon.


Mahalaga kasing maikonekta ang mga magsasaka sa pangunahing mga kalsada gamit ang itatayong mga tulay para matiyak ang kaunlaran sa kanayunan.

Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo”. (Twitter: follow@dspyrey)

Friday, January 16, 2015

Bawal ang epal





                                                        Bawal ang epal
                                                                   Rey Marfil/Spy on the Job
                                                                           Jan. 16, 2015

Napapanahon at dapat talagang ipagpasalamat ng mga Pinoy ang pagbisita sa bansa ni Pope Francis.

Bukod kasi sa mapapaangat niya ang ating kamalayang espiritwal bilang Kristiyano, aakayin din niya ang ating kamalayang bilang tao na maging mapagkalinga sa mga nangangailangan at maging mapagpakumbaba.


Batay sa isang pag-aaral, kahit maliit lang tayong bansa, lumilitaw na pangatlo ang Pilipinas sa mga bansa sa mundo na may pinakamaraming Katoliko-kasunod ng Brazil at Mexico. Sa kabuuan ng ating populasyon, mahigit 80 porsiyento ng mga Pinoy ay Katoliko.


Kaya naman hindi kataka-taka kung maging mai­ngay at parang kapistahan ang pagdating ni Pope Francis sa bansa.

Aba’y may katagalan na rin naman nang huling may bumisitang Santo Papa sa Pilipinas sa katauhan ng ngayong Santo na si Pope John Paul II noong 1995 pa.


At kasabay ng pananabik ng marami sa pagdating ni Pope Francis, may ilang politiko at negosyante na nais samantalahin ang pagkakataon at makaeksena sa moment ng Santo Papa. Kanya-kanya sila ng kabit ng mga tarpaulin at streamer sa pagbati at pag-welcome sa lider ng Vatican.


The nerve ika nga na inilalagay pa sa pagbati ang pangalan nila (pati yata ng buong pamilya) at negos­yo, na para bang mababasa ni Pope Francis. Pero kung tutuusin, ang talagang pakay lang naman ng mga “epa­list” na ito ay makapagpapogi sa kanilang nasasakupan.

Umaasa silang maaalala ng mga tao ang kanilang pangalan kapag may tarpaulin at streamer na may nakalagay ng “iboto” ang kanilang ipakakalat sa 2016 elections.


***


Huwag naman sanang ganu’n. Pag-asa sa mga kababayan nating nahihirapan at dumadaan sa mga pagsubok (lalo na sa mga biktima ni Yolanda) ang hatid ng pagbisita ng Santo Papa.

Bukod sa pagi­ging maawain at may malasakit sa mga kapus-palad, kilala rin si Pope Francis sa kanyang adbokasiya laban sa pagwasak sa kalikasan at pakikibaka sa climate change.


Ang Leyte na kasama sa kanyang mga bibisitahin ay malubhang napinsala ng napakalakas na bagyong Yolanda, na sinasabi ng mga environmentalist na epek­to ng pagbabago ng panahon.


At sa harap ng mga panawagan ng iba’t ibang bansa kabilang ang Pilipinas na bumuo ang pandaigdigang kasunduan upang obligahin ang mayayaman at industriyalisadong bansa na gumawa ng paraan para mabawasan ang nililikhang kemikal na nagpapalala sa climate change, malaking tulong sa krusadang ito ang magiging tinig ng Santo Papa kapag natalakay niya sa kanyang mga gagawing aktibidad habang nasa bansa.


Kaya sana naman, pakinggan, tulungan at sundin natin ang panawagan ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino na tiyakin ang kaligtasan ni Pope Francis habang nasa Pilipinas. Magkaisa tayo para maging matagumpay ang kanyang paglalaan ng oras sa mga Pilipino na sinasabing sadyang malapit sa puso ng Santo Papa.


Sa iba pang nagbabalak na ipagpatuloy ang kanilang pag-epal, mabuti pa na ang gagastusin ninyo sa mga tarpaulin at streamer ay ibili na lang ng pagkain at ipamahagi sa mga nagugutom at nanganga­ilangan baka matuwa pa sa inyo ang Santo Papa kapag kanyang nalaman.

Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo”. (Twitter: follow@dspyrey)

Wednesday, January 14, 2015

-Ibahagi ang biyaya





                                                   -Ibahagi ang biyaya
                                                              REY MARFIL/Spy on the Job
                                                                        Jan. 14, 2015

Kapag tumaas ang presyo ng mga produktong petrolyo, nagkakaroon ng domino effect na nagta­taasan din ang presyo ng ibang serbisyo at produkto. Pero bakit ngayong bumaba ang presyo ng langis, dedma ang mga negosyante at parang mga zombie na walang nararamdaman?


Ngayong buwan pa lamang ng Enero, dalawang beses na uling natapyasan ang presyo ng mga produktong petrolyo ng mahigit P2 bawat litro. Bukod pa ito sa sunud-sunod na malalaking oil price rollback na naganap sa nakaraang mga buwan mula noong Oktubre.


Pero bago ang mga rollback, bugbog muna tayo sa sunud-sunod na price increase ng langis sa nakalipas na maraming buwan na naging dahilan para magsipag­taasan ang singil sa pamasahe sa mga pampublikong transportasyon.


At dahil tumaas daw ang gastusin sa transportasyon ng mga nagbibiyahe ng produkto, itinaas din nila ang presyo ng kanilang mga produkto o bilihin. Siyempre, hindi rin nagpahuli ang mga kumpanya na gumagamit ng produktong petrolyo sa kanilang serbisyo kaya nagtaas din sila ng singil sa kanilang serbisyo gaya ng kuryente.


Hindi ba’t ilang beses pang nag-rally at kilos-­protesta ang mga transport group dahil sa mga oil price hike at sa pamahalaang Aquino pa isinisisi ang usapin kahit batid naman nila na ang presyo ng mga produktong petrolyo ay dikta ng international market.


Pinuntirya rin ng mga protesta ang umano’y cartel o sabwatan ng mga oil companies sa pagdidikta ng presyo ng mga produktong petrolyo at damay uli ang pamahalaan dahil nais nilang kumilos ang gobyerno para mapawalang-bisa na ang Oil Deregulation Law.


Subalit ngayon, nakita natin na sadyang dikta ng world market ang presyo ng mga produktong petrolyo at walang kontrol dito ang pamahalaan. Ang pag­bagsak ng presyo ng langis sa world market ay sina­sabing pinakamababa na sa loob ng lima at kala­hating taon bunga ng sobrang suplay.


Iyon nga lang, kung anong init sa price increase ng mga naaapektuhan kapag may oil price hike, sila namang lamig na magpatupad ng price rollback nga­yong bumaba ang presyo ng mga produktong petrolyo.


***


Sa panahon ngayon na maganda ang lagay ng ekonomiya, mas marami ang may trabaho, mas magiging kaiga-igaya sa bansa na mararamdaman natin ang pagbuti ng pamumuhay ng mga Pinoy kung magkakaroon din ng pagbaba sa gastusin sa mga bilihin at serbisyo.


Hindi natin batid kung hanggang kailan magpa­patuloy ang pagbaba ng mga oil products sa world market, na ang nakikinabang ay ang maliliit at mga bansa na sumasandal sa mga inaangkat na langis tulad ng Pilipinas.


Pero sana habang nagaganap ang pambihirang pagkakataong ito, hayaan ng mga negosyante na maramdaman nating mga karaniwang mamamayan ang bahagyang ginhawa kahit maging pansamantala lang.


Malamang na marami ang matutuwa kung maba­bawasan ang singil ng pamasahe sa mga jeepney, taxi, bus at shuttle service; kung bababa ang presyo ng mga pangunahing produkto gaya ng gatas, bigas, asukal, at iba pa; kapag mas mura na rin ang lapis at papel; kung bababa ang singil sa kuryente; at kapag mag­mura ang bawat order ng kanin at isang ulam na may libreng sabaw sa karinderya.

Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (Twitter: follow@dspyrey)