Monday, January 12, 2015

Pangulong Aquino buhos ang suporta sa industriya ng niyog





                                             Pangulong Aquino buhos ang
                                            suporta sa industriya ng niyog
                                                             REY MARFIL/Spy on the Job
                                                                         Jan. 12, 2014


Hindi ba’t kapuri-puri ang desisyon ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino na ipalabas ang P155.8 milyon para sa rehabilitasyon ng bahagyang nasirang mga puno ng niyog sa mga lalawigan ng Compostela Valley at Davao Oriental.

Sa pamamagitan ng Department of Budget and Management (DBM), ipinalabas ng Pangulo ang pondo sa Philippine Coconut Authority (PCA) para simulan ang rehabilitasyon ng taniman ng mga niyog na naapektuhan ng bagyong Pablo.

Kinuha ang pondo sa 2013 Supplemental Appropriations o republic Act (RA) No. 10634 na gagamitin ng Department of Agriculture (DA) para tulungan sa kanilang hanapbuhay ang mga magsasaka ng niyog.

Sa ipinalabas na P155.8 milyon, gagamitin ang P115.2 milyon sa pagtatanim ng mga niyog habang P40.6 milyon naman sa tinatawag na coconut fertili­zation.

Nakita kasi ng Pangulo ang kahalagahan na magpatuloy ang tinatawag na post-Typhoon Pablo rehabilitation sa ibang mga lalawigan katulad ng Davao Oriental kung saan nagmumula ang 90% ng trabaho mula sa taniman ng niyog.

Hindi lamang maibabalik sa mga magsasaka ng niyog ang kanilang hanapbuhay kundi lalo pang lalakas ang aktibidad ng kalakal doon. Kabilang sa programa ang pagbili at pamamahagi ng mga buto kasama ang probisyon para sa suportang teknikal sa nursery at pagtatanim.

Kasama naman sa coconut fertilization ang delivery at distribusyon ng abono at probisyon para sa tinatawag na suportang teknikal sa aplikasyon nito. Sa pamamagitan ng koordinasyon ng iba’t ibang mga ahensiya, sisiguruhin ng PCA na makakakuha ng kailangang mga suporta ang mga magsasaka ng niyog katulad ng materyales at teknolohiyang kanilang kailangan.

Higit na mahalaga rito ang isinusulong na ‘Build Back Better’ ng pamahalaan na kinabibilangan ng malawakang paglikha ng kultura kaugnay sa katatagan na kayanin ang mga peste at kalamidad na mahalaga sa mga komunidad na umaasa sa agrikultura.

Sapul noong Oktubre 2014, umabot na sa P10.42 bilyon ang naipalabas sa iba’t ibang ahensiya sa ilalim ng Task Force Pablo Rehabilitation Plan para tugunan ang pangangailangan sa kabuhayan, serbisyong sosyal, imprastraktura at resettlement programs sa Compostela Valley at Davao Oriental.

Nakatanggap na rin ang Department of Agriculture at attached agencies ng kabuuang P302.9 milyon kung saan napunta ang P115.8 milyon sa PCA para sa tinatawag na crop production.

Aasahan pa natin ang mas marami at malaking tulong kay PNoy sa ilalim ng kanyang good governance campaign.

***

Suportahan natin ang panawagan ni PNoy sa nakalipas na Pasko kaugnay sa lalo pang pagsulong ng daang-matuwid na kinatampukan ng mahahalagang mga reporma ng kanyang administrasyon. Tama ang Pangulo sa paghimok sa mga Pilipino na manatili sa tuwid na daan lalo’t tinututukan ng kanyang pamahalaan ang mga aral ni Messiah na may kinalaman sa hindi makasariling paglilingkod sa mga tao at bansa.
Sa mahigit apat na taon ng kanyang administra­syon, nagawa ng Pangulo na papanagutin ang hini­hinalang tiwaling mga opisyal, ayusin ang mga problema ng bansa, tulungan ang mga biktima ng kalamidad at makapag­bukas ng bagong oportu­nidad sa mga Pilipino.

Mas magiging makahulugan ang holiday season sa mga Filipino kung gagamitin natin itong oportunidad para mas palakasin pa ang ating samahan sa pamilya.

Higit sa lahat, dapat ta­yong sumuporta kay PNoy sa pagsusulong ng matuwid na daan at ma­linis na pamamahala at mag­dasal na mabigyan ang bawat isa ng lakas ng loob na isulong ang iba pang mga reporma sa bansa. 
Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo”. (Twitter: follow­@dspyrey)

Friday, January 9, 2015

Ang debosyon ng mga Pinoy





                                               Ang debosyon ng mga Pinoy
                                                                 REY MARFIL/Spy on the Job
                                                                                Jan. 9, 2015

Minsan pa, masasaksihan muli ng mundo ang matibay na pananampalataya ng mga Pilipino sa dala­wang malaking pagtitipon ng mga Katoliko -- ang Pista ng Itim na Nazareno at ang pagbisita ni Pope Francis.

Dahil inaasahan ng mga awtoridad na dadagsain ng napakaraming tao ang dalawang okasyon, todong paghahanda ang ginagawa ng mga awtoridad upang matiyak ang kaligtasan ng lahat, lalo na siyempre ang bumibisitang Santo Papa.

Kung tutuusin, mas magiging mahirap daw ang gagawing pagbabantay sa seguridad ng Santo Papa kung ikukumpara sa seguridad na ibinigay noon nang bumisita sa bansa si US President Barack Obama.

Hindi naman ito kataka-taka dahil si Obama, madalas na nasa isang secured na lugar lang habang nasa bansa kapag dumalo sa mga pagtitipon, habang si Pope Francis, magsasagawa ng misa sa open area at magtutungo sa mga mataong lugar.

Bukod diyan, sadya raw hindi alintana ng Santo Papa ang sariling kaligtasan basta ninais niyang pumunta o lumapit sa mga tao. Katwiran kasi niya, sa edad na niya ngayon ay wala na siyang dapat na ikatakot pa at ipinauubaya na niya sa nasa Itaas ang lahat. 

***

Kaya nga pati paggamit ng bullet proof na sasak­yan ay tinanggihan din daw ni Pope Francis. Kaya kung may taong may masamang balak sa Santo Papa at humalo sa sangkaterbang tao, aba’y Lord, ikaw na po ang bahala sa kanya at pati na sa a­ming Inangbayan.

Sa dami ng international press na susubaybay sa mga lakad ni Pope Francis habang nasa bansa, parang mahirap isipin kung ano ang maitatala sa kasaysayan­ sakaling madisgrasya ang popular at itinuturing “Rock Star” na Santo Papa sa Pilipinas...na tanging bansa sa Asya na Katoliko at ang mayorya ng populasyon ay Kristiyano.

Bagaman wala naman daw natatanggap na impormasyon ang mga awtoridad na banta sa buhay ng Santo Papa habang nasa bansa, hindi nais ng pamahalaan na magbakasakali. Kaya si Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino iniutos na kung ano ang seguridad na ibinibigay sa kanya, doblehin ang seguridad na ibibigay kay Pope Francis.

Ngunit kahit kilala si Pope Francis na sadyang mahilig lumapit sa mga tao para magbasbas, sana ay may magbigay sa kanya ng impormasyon tungkol sa kakaiba at matinding debosyon ng mga Pinoy. Baka kasi maisipan niyang pumunta sa laksa ng mga tao at magbasbas e bigla siyang dumugin ng mga ito gaya ng ginagawa sa imahen ng Itim na Nazareno na dina­damba kapag nagprusisyon.

Sa ganitong sitwasyon, hindi lang ang seguridad at kaligtasan ng Santo Papa ang posibleng malagay sa ala­nganin kung hindi pati na rin ang mga tao na maaa­ring magtulakan at pagmulan ng stampede; insidente na tiyak hindi nais mangyari ng kahit sinuman at dapat maiwasan.
Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo”. (Twitter: follow@dspyrey)

Wednesday, January 7, 2015

-Maging masaya!










                                                    -Maging masaya!
                                                            REY MARFIL/Spy on the Job
                                                                        Jan. 7, 2015

Isa sa mga dahilan ng pagkakasakit ay ang pagiging stress. Sa bilis ng takbo ng pamumuhay ngayon, hindi maiwasan na magkaroon tayo ng problema sa ating personal na buhay at sa trabaho. Pero kung karaniwang manggagawa ka na nakararanas ng stress dulot ng pagod at labis na pag-iisip, papaano pa kaya kung ikaw ang Presidente na sasalo sa napakaraming problema ng bansa?

Madalas nga ay nakikita ng publiko si Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino sa mga balita na seryosong hinaharap ang mga problema tulad ng pagdalo sa mga pulong gaya ng paghahanda o pagtugon sa mga kalamidad. Seryosong Presidente rin ang nakikita natin sa mga balita kapag nagtatalumpati at nag-iinspeksyon ng mga proyekto.

Subalit kung minsan, nakikita rin naman natin si PNoy na nagpapasok ng mga biro o joke sa kanyang mga talumpati o talakayan sa mga pagkakataon na hindi naman kailangang dibdibin ang usapan. Gaya na lang nang may magtanong sa estado ng kanyang love life at sinagot niya na “zero” na tulad ng isang softdrink. Indikasyon ito na may sense of humor ang Pangulo na kahit papaano ay makabubuti sa kanyang kalusugan.

Aba’y bakit hindi, “laughter is the best medicine” ika nga. At sa dami ng mga problema ng bansa na kailangang tugunan at lutasin, at sa dami ng mga gawain na kaila­ngang asikasuhin, hindi nakapagtataka na kung minsan ay sumama ang kanyang pakiramdam at magkasakit. Natural iyon dahil tao rin naman ang Pangulo.

Marahil ay marami rin ang natuwa nang mapanood nila si PNoy sa taped interview ni Vice Ganda para sa programa nitong Gandang Gabi Vice. Dito ay maki­kitang game at relax ang Pangulo sa pagsagot sa mga pabirong tanong ng host-comedian -- pati na sa tungkol sa kanyang numinipis na buhok, na marahil ay bunga ng stress ng pagiging Presidente maliban pa na nasa lahi na rin ng kanyang pamilya.

***

Pero kung may nasiyahan, gaya ng inaasahan, hindi rin mawawala ang mga pumuna sa naturang pana­yam. Masyado raw mababaw na pinatulan ng Palasyo si Vice Ganda. Ngunit dapat din naman nating isipin na ang pa­nayam ay ginawa sa panahon ng holiday season na ang karamihan sa ating mga kababayan ay nagre-relax at masaya ang mood. Parang “kill joy” yata kung ma­saya ang mga tao ay papasukan mo ng usapang problema?

Gaya nga ng sabi natin, sa tindi ng takbo ng pamumuhay ngayon, marami ang naii-stress at kailangan na paminsan-­minsan ay mag-relax sa problema kahit man lang ilang saglit -- kabilang na siguro dapat diyan ang Pangulo.

At dahil kilala si Vice bilang isang komedyante at ang tema ng nabanggit niyang programa ay magbigay ng kasiyahan, natural din lang na maging “light” at hindi sobrang seryosong tanong tungkol sa problema ng bansa na ibinato kay PNoy.

Sa halip, kahit papaano siguro ay naipakita sa programa ang tinatawag na “lighter side” ng Presidente.
Gaya nga uli ng sabi natin, kung tutuusin ay mayroong “sense of humor” ang Presidente base sa ilang talumpati na napapanood natin sa balita.

Marahil ay hindi nararapat na pagdebatehan kung dapat o hindi dapat pumayag ang Malacañang na makapanayam ni Vice si PNoy. Siguro ang dapat na lang isi­pin ay kung napanood mo ba ang panayam at kung napasaya ka ba nito o napatawa.

Kung oo, mabuti. Dahil kahit papaano ay may mabuting dulot iyon sa iyong kalusugan. Pero kung hindi mo naman napanood o kung napanood mo man at hindi ka nasiyahan, makabubuting huwag mo nang dibdibin ang programa para hindi na madagdagan ang iyong stress.
Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo.” (Twitter: follow@dspyrey)

Monday, January 5, 2015

-Diretso lang sa hinaharap





                                             -Diretso lang sa hinaharap
                                                             REY MARFIL/Spy on the Job
                                                                  Jan. 5, 2014 Mon.


Parang kailan lang nang magbilang tayo ng mga buwan, linggo, hanggang maging araw sa pagsapit ng Pasko... at sa isang iglap, isang buong taon na naman ang lumipas. 

Sa mga mayroong pinagdaanan nitong 2014, tiyak na move-on ang magiging payo sa kanila nga­yong 2015.  Sabagay, mahirap nga naman na mabuhay sa nakaraan. Higit na madaling makakausad ang isang tao kung sa hinaharap na ang atensiyon at hindi na palingun-lingon pa’t baka mapatid sa paglalakbay.

Ngunit hindi sa lahat ng pagkakataon ay dapat kalimutan ang nakalipas. May mga sandali na kaila­ngang lingunin ang nakaraan upang magsilbing paalal­a o gabay sa ating paglalakbay sa hinaharap. Kung may nagawang mali noon, bakit gagawin pa nating muli sa hinaharap.

Gaya na lang ng naging mensahe at paalala ni Pa­ngulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino sa kanyang mga ‘boss’ sa pagsalubong sa 2015. Aniya, dapat pakatandaan na sa kabila ng mga tagumpay na nakamit ng bansa sa 2014 at mula nang igiya niya ang bansa sa “tuwid na daan”, mayroon pa rin ang iilan na nagmamanman at nag-aabang sa pagkakataon na maibalik ang luma at bulok na kalakaraan sa pamahalaan.

Walang tinukoy na pangalan si PNoy pero ang tila ipinapahiwatig niya ang mga nagnanais na maibalik sa dating gawi na tila normal lang na abusuhin ang kaban ng bayan at magmalabis sa kapangyarihan.

Hindi kataka-takang magpaalala sa bagay na ito si PNoy dahil ang 2015 ay maituturing taon na magpaparamdam na ang mga pulitikong nais na kumandidato sa May 2016 elections.  

At kung mga tiwaling opisyal ang maiboboto ng mga tao, malamang na masayang lang ang mga inilatag na reporma ni PNoy tungo sa pagbabago ng pamamahala.

Mahirap nga naman kung masasayang lang ang pinagsikapan ng pamahalaang Aquino na pasiglahin ang ekonomiya ng bansa at magpundar ng pundasyon sa edukasyon ng mga kabataan kung babalik lang tayo sa baluktot na sistema ng pamahalaan. Kumbaga ay ngayon na nagsisimulang mamunga ang itinanim na puno sa “daang matuwid”.

***

Aba’y noong nakaraang taon pala ay nakamit ng bansa sa unang pagkakataon ang investment grade status mula sa tatlong pinakasikat na credit rating agencies sa mundo. At noong nakaraang Disyembre ay nabigyan ng mga panibagong upgrade ang Pilipinas na umabot sa kabuuang 21 positive credit rating actions mula nang tahakin ng bansa ang daang matuwid.

Dahil sa mga upgrade na ito, sabi ni PNoy, mas murang makahihiram ang gobyerno ng pondong gagamitin sa mga programa’t proyekto; makahihikayat ng mas maraming mamumuhunan, mas mabilis na maihahatid ang mga benepisyo sa ating mga kababayan. 

Pero ang usapin sa gumagandang ekonomiya ay isa lamang sa mga positibong idinulot ng daang matuwid. Higit na mahalaga ay ang pagkakatanim sa isipan ng mga tao na hindi totoong walang pag-asa ang bansa. Noon, ang nasa isip ng maraming Pinoy, “kahit sinong maupo, walang mangyayari sa bansa”.  

Naipakita ni PNoy na may pag-asa pa ang Pilipinas kung magsasama-sama ang mga ‘boss’ sa pagpili ng matinong lider na magdidiretso sa pagbiyahe ng bansa sa tuwid na taon.

Mahigpit na paalala ni PNoy, alamin at kilala­ning mabuti “ang mga tunay na kakampi ng taumbayan, at kung sino ang nagpapanggap lang”. Na sa muling pagharap ng kanyang mga ‘boss’ sa sangandaan, dapat na piliing muli “ang landas ng malasakit at katuwiran, pumanig sa tama, at umiwas sa mga mapagsamantala”.
Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo”. (Twitter: follow@dspyrey)