Tuloy ang laban sa katiwalian | |
REY MARFIL |
Sa nalalabing limang buwan ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino sa Palasyo, dalawang pangunahing usapin ang tiyak na sinusubaybayan ng kanyang mga kritiko at mga tagasuporta -- ang kampanya laban sa katiwalian at kahirapan.
Hindi naman ito kataka-taka dahil bahagi ng kanyang plataporma nang tumakbo siyang pangulo noong 2010 ang islogan na “kung walang kurap, walang mahirap”. At dahil hindi naman maitatanggi na mayroon pa ring mga mahirap, natural na mayroon pa ring mga kurap.
Pero ang magandang balita sa usaping ito ay ang katotohanan na malayo na ang narating ng bansa sa paglaban sa katiwalian at kahirapan sa loob ng nakaraang lima at kalahating taon lamang sa pamamahala ni PNoy.
Sa paglabas kasi ng pinakabagong ulat mula sa international corruption watch dog na Transparency International, lumitaw na bahagyang bumaba ang marka ng Pilipinas sa listahan ng mga bansa sa paglaban sa katiwalian. Mula sa markang 38 noong nakaraang 2014, bumaba ito sa 35, at dumausdos tayo sa ranggo na pang-95.
Ang Denmark ang lumabas sa ulat ng Transparency International na pinakamalinis na bansa (number 1) pagdating sa katiwalian na may markang 91, at sumunod naman ang Finland (2) at Sweden (3).
***
Kung pagbabatayan ang ranggo at marka ng Denmark, talagang malayo pa at marami pang kailangang gawin ang Pilipinas para maabot ang kinalalagyan nila sa paglaban sa katiwalian. Imposible ba iyon? Ang sagot, hindi.
Dahil kung pagbabatayan kasi ang ranggo at marka ng Pilipinas bago maupo at mahalal na pangulo si PNoy, aba’y malayo na ang narating ng bansa sa paglaban sa katiwalian. Batay na rin mismo sa listahan ng Transparency International, ang ranggo ng Pilipinas noong 2007 ay pang-131; lumala pa noong 2008 nang mapunta ang Pilipinas sa ranggong 141; at bumaba nang bahagya sa 139 noong 2009.
Pero sa unang anim na buwan ni PNoy noong mahalal na lider ng bansa noong 2010, bumuti ang ranggo ng Pilipinas sa 134; umangat tayo sa 129 noong 2011; at nagsimulang mawala tayo sa top 100 na kurap na bansa noong 2013 nang makuha natin ang pang-94 na ranggo; at pang-85 noong 2014.
Aminado naman ang pamahalaang Aquino na hindi madaling burahin ang katiwalian sa pamahalaan na ilang dekadang namayani at pinabayaan ng nagdaang liderato. Kung baka sa halaman, parang damo ang katiwalian na hindi basta mawawala kung tatabasin lang ang mga dahon; sa halip, kailangang bunutin ang mga ugat nito para mapakinabangan ang lupa at mataniman ng kapaki-pakinabang na halaman.
Sa isang talumpati ni PNoy sa kumperensiya tungkol sa paglaban sa katiwalian, inihayag niya na sa kabila ng mga reporma at tagumpay na naisagawa ng kanilang platapormang “daang matuwid”, marami pa ang kailangang gawin. Ngunit ang mahalaga, naipakita ni PNoy na mahirap man, kayang labanan ang katiwalian kung gugustuhin.
Sinimulan niya ito sa pagiging mabuting halimbawa ng isang lider na hindi abusado nang alisin niya ang “wang-wang” mentality sa unang araw ng kanyang pamamahala.
Ngayong papatapos na ang kanyang liderato, patuloy nating suportahan ang kampanyang sinimulan niya kontra sa katiwalian at malaki ang maitutulong ng mga mamamayan sa labang ito sa pamamagitan ng pagpili ng mga matitinong lider at isumbong ang mga tiwaling opisyal at mga kahina-hinalang proyekto sa inyong lugar na pinondohan ng pera ng bayan.
Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo”. (Twitter: follow@dspyrey)
http://www.abante-tonite.com/issue/feb0516/edit_spy.htm#.VrSb8LIrLIU
No comments:
Post a Comment