Pinadugo pang sugat! | |
REY MARFIL |
Mistulang naghihilom na sugat na muling dumugo ang trahedyang nangyari sa Mamasapano, Maguindanao bunga ng muling pagdinig ng Senado sa naturang insidente na kumitil sa buhay ng mahigit 60 katao, kabilang na ang 44 na magigiting na Special Action Force (SAF).
Mismong si Senadora Grace Poe, chairperson ng komite na namuno sa pagdinig, ang nagsabi na walang bagong impormasyon na lumabas sa imbestigasyon. Kaya naman wala raw silang babaguhin sa inilabas nilang committee report noong nakaraang taon. Gayunman, napagbigyan naman nila si Senate Minority Leader Juan Ponce Enrile na makapagtanong dahil hindi siya nakadalo noon sa mga pagdinig.
Pero ang mahalagang nangyari marahil sa muling pagdinig sa trahedya sa Mamasapano ay naging malinaw na walang ibinigay na direktiba at walang natanggap na direktiba ang tropa ng militar na “stand down” o hindi pagkilos habang napapasabak sa bakbakan ang SAF troopers.
Taliwas ito sa mga intriga na kaya raw hindi kaagad kumilos ang militar para sagipin ang naipit na SAF troopers ay bunga ng direktiba mula sa kung saan na “stand down” dahil makokompromiso umano ang usapang pangkapayapaan ng pamahalaang Aquino sa Moro Islamic Liberation Front (MILF).
Pero sa ginanap na pagdinig sa Senado, naging malinaw na walang nasabing utos sa militar na “stand down” maging kay Pangulong Noynoy Aquino III. Lumalabas pa nga na kulang-kulang o hindi “tama” ang mga impormasyon na natatanggap ng Pangulo sa pamamagitan ng text habang napapasabak na ang SAF troopers.
At sa kabila ng pagsisi pa rin ni dating SAF leader Getulio Napeñas sa militar kaya nalagasan ng 44 ang kanyang tropa, lumitaw naman batay sa mga testimonya ng militar at maging ng kanyang dating lider sa PNP, na siya ang nagkaroon ng kapabayaan.
***
Sa PowerPoint presentation na ginawa pa ng militar kaugnay sa kanilang naging pagsaklolo sa SAF troopers, ipinakita ang isang larawan ni Napeñas na nakasuot sibilyan na tila nakatawa pa ilang oras matapos mapasabak na sa bakbakan ang kanyang mga tauhan.
Patunay daw ang larawan na tila hindi nababahala si Napeñas sa nangyayari sa kanyang mga tauhan. Pero itinanggi niya na nakatawa siya sa litrato at sa halip ay nagpapalitan daw sila ng paliwanagan ng mga kasama niya sa naturang larawan na kuha sa tanggapan ng 1st Mechanized Brigade.
Kahit ang nakaupong PNP chief ngayon na si Director-General Ricardo Marquez, naniniwala na palpak ang pagkakaplano sa Oplan Exodus sa simula pa lang nang gawin ito. Dahil sa sobrang isinikreto ang misyon, hindi nakapagbigay ng kanilang mungkahi ang mga kinauukulang opisyal ng pulisya.
Sabi nga ni Communications Secretary Herminio Coloma, Jr., dahil sa muling pagbuhay ng Senado sa Mamasapano, muling nakita ang pagiging iresponsableng pinuno ng SAF ni Napeñas dahil sa hindi pakikipag-ugnayan sa militar at paglagay nito sa kapahamakan sa mga bayaning pulis.
Gaya ng dati, nasa huli ang pagsisisi. Hindi na maibabalik ang buhay ng mga nasawing SAF pero sana’y mabigyan pa rin sila ng hustisya at hindi mapabayaan ang naiwan nilang pamilya. Makagawa rin sana ng kinakailangang reporma para hindi na maulit ang nangyari sa Mamasapano. Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (Twitter: follow@dspyrey)
http://www.abante-tonite.com/issue/feb0116/edit_spy.htm#.Vq9UXLIrLIU
No comments:
Post a Comment