Wednesday, February 10, 2016

Kailangan pa rin si PNoy! REY MARFIL





Kailangan pa rin si PNoy!
REY MARFIL


Apat na buwan na lang at magiging citizen PNoy na si Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino sa sandaling ma­tapos na ang kanyang termino sa katapusan ng pa­parating na Hunyo.
Pero kahit wala na siya sa Palasyo, tiyak na kakailanganin pa rin ang kanyang payo at tulong sa dalawang mahalagang usapin ng ating bansa -- ang ekonomiya at usapang pangkapayapaan.
Given na ika nga ang magiging papel ni PNoy sa usapin ng matapat na pamamahala bunga ng kanyang platapormang “daang matuwid” na sumentro sa pag­laban sa katiwalian.
Sino man ang manalo at susunod na pa­ngulo ng bansa pagkatapos ng halalan sa Mayo, tiyak na hindi maiiwasan na magiging sukatan ng publiko ang sistema ng pamamahala ni PNoy.
Isang halimbawa na lang dito ang hindi paggamit ni PNoy ng “wang-wang” sa kanyang convoy at pagtigil niya sa “red light” ng traffic signal.
Kapag hindi ito ginawa ng susunod na lider, maaaring magdulot ito ng ma­ling mensahe sa publiko at ilang motorista na “okey na, balik na sa dati” ang pang-aabuso dahil wala na si PNoy.
Tandaan na bago maging pangulo si PNoy, karaniwan nang eksena sa kalsada ang mga pasaway at abusadong mga motorista na nagkakabit ng mga sirena at blinking lights na dapat ang mga police mobile at ambulansya lang ang mayroon.
Pero maliban sa magiging barometro si PNoy ng publiko sa magiging pamamahala ng susunod na pangulo, dapat ding bantayan ang magiging direksyon ng susunod na gobyerno sa usapin ng ekonomiya at usapang pangkapayapaan sa Moro Islamic Liberation Front (MILF), na krusyal sa katahimikan at kaunlaran ng Mindanao.
Ang ilang opisyal ng European Union (EU), katulad ng bansang Germany, interesadong magpatuloy ang usapang pangkapayapaan sa MILF kahit nabigo ang Kongreso na maipasa sa ilalim ng administrasyong Aquino ang Bangsamoro Basic Law (BBL).
Ang maganda nito, sa kabila ng pagsasayang ng mga mambabatas ng oportunidad at milyun-milyong pondo na ginugol sa mga pagdinig ng mga senador at kongresista, nanatili ang tiwala ng MILF sa pamahalaang Aquino sa hangarin nitong makamit ang kapayapaan sa Mindanao.
***
Hangad ng pamahalaang Aquino na ipagpatuloy sana ng MILF at huwag bibitiw sa peace talks kahit magkakaroon na ng bagong gobyerno sa pagkatapos ng halalan sa Mayo.
Kahit nagkaroon ng hindi inaasahang engkuwentro sa Mamasapano, Maguindanao ng MILF at mga pulis, sa pangkalahatan ay naging matahimik ang rehiyon at na­bigyan ng daan ang kaunlaran sa ilang bahagi ng Mindanao.
Gaya na lang halimbawa sa Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM), kung dati ay sadsad ang ekonomiya sa lugar na ito dahil sa mga kaguluhan, aba’y noong 2015 ay umabot sa mahigit P6 bilyon ang halaga ng pamumuhunan sa lugar sa ilalim ng pamamahala ni Go­vernor Mujiv Hataman.
Bagay na ngayon lang nangyari.
Hindi man lubos, nagkaroon ng kapanatagan ng loob ang mga namumuhunan na subukan at bigyan ng pagkakataon ang ARMM na makabangon sa ilalim ng pamahalaang Aquino.
Kasabay ng pagtigil ng putok ng baril mula sa MILF at tiwala ng mga namumuhunan sa daang matuwid nina Aquino at Hataman, nagkaroon ng puwang ang kaunlaran para kahit papaano ay makaahon ang mga mamamayan sa rehiyon.
Pero hindi lang sa Mindanao, nagkaroon ng paglago ng ekonomiya kung hindi maging sa buong bansa.
At sa pinakahuling survey ng Social Weather Station, bumaba sa pinakamababang antas sa nakalipas na 11 taon ang bilang ng mga walang trabaho, na ibig sabihin, dumami ang mga nakahanap ng mapagkakakitaan dahil sa masiglang ekonomiya.
Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.”
(Twitter: follow@dspyrey) 
http://www.abante-tonite.com/issue/feb1016/edit_spy.htm#.VrsxbPkrLIU

No comments: