Monday, February 8, 2016

Happy birthday, Mr. President! REY MARFIL



Happy birthday, Mr. President!
REY MARFIL

Hindi ba’t magandang balita rin ang pinakabagong resulta ng Social Weather Stations (SWS) na nagpapakita na patuloy na bumababa ang bilang ng mga pamilyang Pilipino na nagsasabing nagugutom sila.
Bumagsak kasi ng apat na porsiyento o katumbas ng 900,000 pamilya ang resulta ng fourth quarter survey ng SWS noong 2015.
Mula sa 15.7 porsiyentong nagsabing nakaranas sila ng kahirapan noong nakaraang Setyembre 2015, bumaba ang datos sa 11.7 porsiyento sa nakalipas na Disyembre.
Dahil dito, naitala ang tinatawag na hunger rate sa bansa noong 2015 sa average na 13.4% o 4.9% mababa kumpara sa average hunger rate na 18.3% noong 2014 at pinakamababang taunang rate sa nakalipas na 11 taon.
Patunay na nakikinabang ang mga mahihirap sa magandang takbo ng ekonomiya ng bansa kung saan patuloy ang pamumuhunan ni Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino sa paglikha ng karagdagang trabaho, mas maayos na serbisyong pang-kalusugan, serbisyong sosyal, edukasyon at iba pang proyektong nakakatulong sa pag-angat sa buhay ng maraming Pilipino.
Kitang-kita rin ang tagumpay ng pinalawak na Conditional Cash Transfer (CCT) program ng pamahalaan kung saan mas maraming mahihirap nating mga kababayan ang nakikinabang.
Sa datos ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), tinaya nitong umabot na sa 1.5 milyong pamilya o 7.5 milyong Filipino ang nakikinabang sa programa kontra kahirapan ni PNoy.
Sigurado tayong titiyakin ni PNoy na magpapatuloy ang pakinabang ng mas maraming Filipino sa programang CCT.
***
Talagang mahusay ang pamumuno ni PNoy base sa tumataas na trust at approval ratings nito sa isinagawang pinakabagong Pulse Asia 2015 Ulat ng Bayan Survey.
Sa ilalim ng survey na isinagawa noong nakaraang Disyembre 4 hanggang 11, nakakuha ng 53% trust at 55% approval ratings si PNoy sa nakalipas na huling quarter ng 2015.
Nanggaling pa ang karagdagang porsiyento sa umangat na trust at approval ratings ng Pangulo sa socio-economic class E na mayroong +10 at +8 na resulta, ayon sa pagkakasunud-sunod.
Ibig sabihin, naramdaman ng mga mahihirap at nagpapasalamat ang mga ito sa mahusay na diskarte ni PNoy upang maibsan ang kanilang nararamdamang kahirapan.
Mas mataas rin ang naitalang 53% at 55% porsiyentong trust at approval ratings kumpara sa nakuha nitong 49% at 54% sa nakalipas na ikatlong quarter ng 2015.
Sa nasabing Pulse Asia survey, tanging si PNoy lamang ang pangunahing opisyal sa bansa na nakakuha ng mataas at magandang trust at performance ratings.
Dahil sa magandang mga numero, nakatitiyak tayong magpapatuloy ang magandang serbisyo at programa ni PNoy upang mapaglingkuran ang mara­ming mga Pilipino.
Sa dami ng sakripisyo ng Pangulo, hindi naman siguro kalabisan sa kanyang kaarawan kung ipanalangin ng sambayanang Pilipino ang isang presidential wedding bago mag-June 30.
Happy birthday, Mr. President! Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.”
(Twitter: follow@dspyrey)
http://www.abante-tonite.com/issue/feb0816/edit_spy.htm#.VriQpvkrLIU

No comments: