Monday, January 17, 2011

january 17, 2011

Share
Alangang magkariton si PNoy!
Rey Marfil


Tanging ‘row four’ at ‘malapit sa basurahan’ ang hindi makaintindi sa biniling sports car ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino, aba’y napakalinaw ang detalye kung paano na-acquire ang Porsche -- isang second hand at third party ang Pangulo -- ito’y nakadetalye sa report ni Gil Cabacungan ng Philippine Daily Inquirer. Take note: swap lamang sa BMW ang Porsche dahil naibenta (P4.5 mil­yon) sa kaparehong halaga ito.
Hindi lang iyan, sariling pera ang ipinambili ni PNoy ng Porsche -- ito’y nagmula sa pinagbentahan ng lumang BMW (2006 model) at kahit singkong duling o bengkong -- walang hinugot sa kaban ng gobyerno. Kaya’t isang malaking kalokohan na pag-initan at kuwestyunin ang P4.5 milyong ipinambayad sa Porsche lalo pa’t P50 mil­yon ang nakalista sa 2009 Statement of Assets and Liabilities (SALN) ng Pangulo. Ibig sabihin, milyonaryo si PNoy bago pa man pumasok sa gobyerno.
Bakit sa panahong nakaupong Congressman ng Tarlac at tumakbong senador si PNoy, walang sumita sa biniling Toyota Land Cruiser nito? Maging sa panahong nakaupo itong senador, hindi rin pinansin ng mga kritiko ang biniling P4.8 milyong BMW (second hand) noong 2008. At ngayong ibinenta ang BMW at legal naman ang pagkaka­bili sa Porsche, ito’y pinag-iinitan gayong lumalabas pang nalugi ng P300 libo dahil naisalya lamang sa P4.5 milyon ang lumang sasakyan nito.
Kung tutuusin, maituturing pa ring lumang modelo ang biniling Porsche ni PNoy -- ito’y 2007 model, ‘di hamak mas matitikas ang mga sasakyang nakaparada GSIS-Senate compound at Batasan Complex. Take note: Kailan n’yo nabalitaang bumili ng mamahaling damit, relo o kaya’y mansion si PNoy, hindi ba’t pinagtatawanan pa nga ng mga kritiko ang pantalon nito?
Noong nakaraang kampanya, pangunahing isyung ipinukol kay PNoy ang pagiging ‘haciendero’, kabilang ang pagkalkal sa kayamanan ng mga ninuno -- ito’y ‘kina­pital’ ng mga kalabang presidentiables, mapa-advertisement o entablado kaya’t nakakapagtakang ginagawang isyu nga­yon ang pagbili ng Porsche gayong sa simula -- nalalamang ‘can afford’ ang pamilya ni PNoy.
***
Napag-usapan ang Porsche, mismong si Senate Pre­sident Juan Ponce Enrile -- kilalang kritiko ni dating Pa­ngulong Corazon Aquino ang unang nagtanggol kay PNoy sa pagbili ng Porsche. Ang sabi ni Manong Johnny “Why should we deny the highest leader of the land to have a Porsche? You want him to have a bicycle?” Kundi pa maintindihan ng mga kumag -- “alangang magbisekleta si PNoy” pagpunta ng Tarlac nito?
Kundi pa rin ‘ma-gets’ ang tinuran ni Manong Johnny, alangang kariton ang gawing service ni PNoy kung pala­ging gagamiting pakulo ng militanteng grupo ang usapin ng kahirapan gayong sila mismo nakasakay sa magarang service vehicle papasok ng Batasan compound. Kung nakabili man ng P4.5 milyong Porsche si PNoy -- ito’y makatwiran lamang lalo pa’t walang pamilyang tinutus­tusan at walang pinag-aaral na anak. Abangan ang karugtong. Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)

Friday, January 14, 2011

December 14, 2011

Share
Bagong hirang!
Rey Marfil


Sa bisa ng Executive Order No. 20, pinalawig ng a­nim na buwan ni Pangulong Benigno ‘PNoy’ Aquino III ang termino ng Presidential Middle East Preparedness Committee (PMEPC) -- isang hakbang upang patuloy na pangalagaan ang kapakanan ng mga Pinoy workers sa Middle East at Africa.
Nilagdaan ni PNoy noong Enero 6 ang EO No. 20 -- nangangahulugang mapapaso ang termino ng PMEPC sa Hunyo 30 ngayong taon. Ang orihinal na termino -- ito’y nagtapos noong nakaraang Disyembre 31, 2010, alinsunod sa Executive Order No. 6 ni Mrs. Arroyo na inilabas noong Setyembre 2, 2010.
Mahalaga ang palugit o extension na ipinagkaloob ni PNoy sa PMEPC lalo pa’t mabuway ang kalagayang pampulitika at banggaan ng ilang bansa sa Middle East at Africa -- isang malaking panganib sa kalagayan ng libu-libong Pinoy workers sakaling sumiklab ang digmaan at lumawak ang tensyon.
Malinaw ang direktiba ni PNoy -- ipagpatuloy ang pagbabantay at subaybayan ang mga pangyayari sa Gitnang Silangan at ugaliing handa sa bawat pangyayari para matiyak ang kaligtasan ng mga Filipino, kalakip ang paalala sa lahat ng opisyal ng mga konsulada at embahada na magsagawa ng kakailanganing hakbang.
Pinatutukan ni PNoy ang pagtulong ng PMEPC sa mga Pinoy workers o marinong dinudukot ng mga pirata sa Somalia, ilan dito’y hindi pa napapalaya o nanatiling bihag. Ang PMEPC ang katuwang ng Department of Foreign Affairs (DFA) sa paglikha ng mga patakaran at pamamaraaan upang mapalakas ang ugnayan sa mga overseas Filipino workers (OFWs).
***
Napag-usapan ang OFWs, ilang bagong embahador ang itinalaga ni PNoy at pinalitan ang mga ga­lamay ng nakaraang administrasyon, pinaka-latest sina Maria Consuelo Puyat-Reyes (Chile), ex-Commodore Noe Wong (Cambodia) at Carlos Salinas (Spain), kapwa nanumpa noong nakaraang Martes, kasama ang ilan pang flag officers at heneral.
Labing-tatlong (13) flag officers at heneral ang nabigyan ng promosyon -- Lt. General Juancho Sabban (Wescom); Major General Francisco Cruz (Deputy chief of staff for Intelligence); Rear Admiral Nestor Losbanes; Major General Carlos Luces; Major General Roberto Morales; Major General Renato David; Brig. General Rolando Tenefrancia; Brig. General Nicanor Dolojan; Brig. General Roland Amarille; Commodore Roberto Santos; Commodore Joseph Rostum Pena; Brig. General Wildredo Ona at Brig. General Jeffrey Delgado.
Sa 13 heneral at flag officers, pinakamalakas ang pa­lakpakan kay Brig. General Delgado, mas kilalang “Jeff” -- ang senior military aide ni PNoy. Mantakin n’yo, pati si Defense Secretary Gazmin Voltaire, sampu ng Pre­sidential Security Group (PSG), hindi maipinta ang tuwa sa mukha. Take note: meron pang kasamang kantiyaw habang nagpapa-photo op ang pamilya ni General Delgado kay PNoy. Anyway, congratulations kay Ge­neral Delgado -- ito’y nararapat lamang lagyan ng estrelya ang balikat lalo pa’t hindi matatawaran ang serbis­yo sa pamahalaan.
Maliban kay General Delgado, ilang ‘familiar faces’ at kilalang ‘trusted man’ ni PNoy ang naitalaga -- isa si Bureau of Immigration and Deportation (BID) de­puty executive director Eric Dimaculangan. Kaya’t mag-ingat ang mga abusadong immigration officer, maliban kung gustong palipat ng Tawi-tawi at Basilan? Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)

Wednesday, January 12, 2011

Jan 12, 2011

Share
‘Nagpagod’ kay Jojo!
Rey Marfil


Ngayong nagsalita si Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino sa estado ni Executive Secretary Jojo Ochoa bilang ‘little president’, as in walang-walang balak palitan at buo ang kanyang tiwala rito -- sa malamang hindi lang nabuhusan ng nagyeyelong tubig ang mga grupong nagnanais makitang nag-alsa balutan ang opisyal palabas ng Premier Guest House kundi napakamot sa kuyukot, aba’y hindi umubra ang ginawang demolition.
Hindi kailangang UP graduate o kaya’y scholar ng Wharton School of Economics upang maintindihan ang mensahe ni PNoy. Ibig sabihin, ‘nagpagod’ lamang sa paglikha ng samu’t saring intriga ang mga ‘naglalaway’ sa puwesto ni ES Jojo. Higit sa lahat, sayang ang inilaang pera sa ‘special ope­rations’ -- kung ipinambili ng bigas at isda sa merkado, sana’y nakatulong sa gobyerno para mabawasan ang bilang ng mga batang hindi makakain kahit kamoteng kahoy.
Hindi lubos maisip ng mga kurimaw kung bakit ‘pilit pinagniningas’ ang bangko ni ES Jojo gayong maayos at tahimik nagtatrabaho ang opisyal -- ito’y napakalayo sa mga ‘ex-tenant’ o naupong Executive Secretary. Balikan ang 6-buwang panunungkulan sa Malacañang, hindi nasangkot sa anumang katiwalian si ES Jojo at kailanma’y hindi nabalitaang pumasok sa maanomalyang kontrata, maging sa panahong ‘kanang-kamay’ ito ni House Speaker Sonny Belmonte sa Quezon City Hall, as in administrador.
***
Napag-usapan si ES Jojo, mala-pelikulang pinilahan sa sinehan ang first day ng ‘cabinet workshop’, aba’y punung-puno ang parking lot sa palasyo -- ito’y ideya ni ES Jojo para matukoy ang legislative agenda o priority measures bago humarap si PNoy sa mga lider ng Dalawang Kapulungan ng Kongreso -- ang pinaghahandaang Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC) meeting ni PNoy.
Si ES Jojo ang nangunguna sa workshop noong nakaraang Lunes, kasama si Vice President Jejomar Binay at iba pang gabinete -- ito’y layuning mailagay sa ayos at mapisan ang mga panukalang batas tungo sa ‘national strategic deve­lopment plan’ at suportahan ang 16-point agenda ng gobyerno. Sinadya ni ES Jojo na huwag isama si PNoy sa workshop lalo pa’t hindi kailangan ang presensya sa pagbuo ng legislative agenda.
Limang (5) ‘critical areas’ ang naunang tinukoy ni ES Jojo sa pagsusulong ng 16-point agenda ng administrasyong Aquino -- 1) human development; 2) infrastructure deve­lopment; 3) economic development; 4) sovereignty, security and rule of law; 5) good governance. Take note: dalawampu’t limang (25) proposed legislation ang puntiryang bubuuin sa workshop -- ito’y mauuwi sa tig-lima (5) ang bawat cri­tical areas.
May kabuuang 147 proposed legislations ang tinanggap ng Presidential Legislative Liaison Office (PLLO) mula sa iba’t ibang department, hindi pa kabilang ang 41 proposed legislations na isinumite ng Joint Foreign Chambers of Commerce of the Philippines kaya’t nagkaroon ng clustering sa workshop ng mga gabinete. Anyway, walang dapat ipangamba ang publiko -- walang bagong panukalang batas tungkol sa pagbubuwis dahil mas prayoridad ni PNoy ang pagpapatupad sa mga umiiral na batas -- ito’y gagamitin upang mapag-ibayo ang pagbubuwis at paglikom ng pondo. Alam n’yo na ngayon kung bakit maraming sinasampolang tax evader si BIR chief Kim Henares. Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)

Monday, January 10, 2011

January10, 2011

Share
‘Bawal ang perk’
Rey Marfil


Sa bisa ng Executive Order No. 19, malinaw ang direktiba ni Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino -- “bawal ang perk”, as in ipinagpatuloy ng Malacañang ang suspension ng mga allowances, bonuses at iba pang biyayang nakukuha ng mga board of directors and trustees sa lahat ng kumpanya at korporasyong pagmamay-ari o kontrolado ng gobyerno. Sa Ingles -- government owned and controlled corporations (GOCC’s) at government financial institutions (GFI’s).
Kahit sinong malabo ang mata, maiintindihan ang direktiba ni PNoy lalo pa’t “NABABASA at NASUSULAT” ang katagang ‘suspendido’ ang nagmamantikang perks o allo­wances ng mga board of directors and trustees hanggang Enero 31, 2011. Ibig sabihin, pinalawig ang naunang suspension na ipinatupad ni PNoy, ilang linggo makaraang palitan si Mrs. Gloria Arroyo sa Palasyo.
Nakaraang Disyembre 30, 2010 nilagdaan ni PNoy ang EO No. 19 at pinalugitan ng isang buwan ang suspension habang hindi pa nailalabas ang mga panuntunan at gabay ng Task Force on Corporate Compensation (TFCC) -- ito’y nalikha sa bisa ng Executive Order (EO) No. 7 upang suriin ang lahat ng ‘remuneration’ (kabayarang) ipinagkaloob sa mga board of directors and trustees, maging ang discretionary funds ng GOCC’s at GFI’s.
Masalimuot ang patakarang ipinatupad sa mahabang panahon kaya’t inilabas ni PNoy ang EO No. 19 upang masuri pa ang pagbibigay ng mga kaukulang ‘remunerations and discretionary funds’ sa mga board members at trustees. Take note: mismong task force (TFCC) ang nag-request ng 1-month extension kay Executive Secretary Jojo Ochoa para pag-aralan pang mabuti at maihanda ang solidong rekomendasyon.
Sa kaalaman ng publiko, inilabas ni PNoy ang EO No. 7 noong Setyembre 2010 upang bigyang-linaw ang mga katanungan tungkol sa allowances at benepisyong ibinibigay sa mga pinuno at tauhan ng GOCC’s at GFI’s -- ito’y mas malaki kesa buwanang sahod ng mga kawani ng gobyerno, maging sa lahat ng elected officials, as in ‘lumalangoy sa dagat ng perks’ ang mga ‘ex-kumag’ gayong kahit bengkong o barya, hindi malunod ang mga ordinaryong manggagawa.
***
Napag-usapan ang pagbabawal sa multi-milyong ‘perks’ ng mga board members and trustees, ‘tinuluyan’ ni PNoy ang lahat ng ahensyang nagkakaroon ng ‘double-triple functions’, as in overlapping sa trabaho na naunang nilikha ni Mrs. Arroyo, katulad ng flagship development projects sa Luzon.
Mula sa dalawampu’t limang (25) ahensyang ‘inalagaan’ at ‘bineybi’ ng nakaraang administrasyon -- ito’y ibinaba sa limang (5) ahensya ni PNoy kaya’t ‘nagba-bye’ ang dalawampu (20), sampu ng mga opisyal bago nagpaalam ang taong 2010, kabilang ang Luzon Urban Beltway Super Region (LUBSR) at Office of the North Luzon Quadrangle Area (ONLQA) -- ito’y ilan lamang sa napakaraming ahensyang nagkaroon ng redundancy o inconsistent sa trabaho.
Maliban sa dalawang (2) flagship development projects sa Luzon, nilusaw ni PNoy, sa bisa ng Executive Order No. 18 ang nilikhang Presidential Anti-Smuggling Group (PASG), Mindanao Economic Development Council (MEDC), Mine­rals Development Council (MDC), Office of the Presidential Adviser on New Government Center (OPANGC), Bicol River Basin Watershed Management Project (BRBWM), Office of External Affairs (OEA), at Office of the Presidential Adviser on Global Warming and Climate Change. Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)

Friday, January 7, 2011

January 7, 2011

Share
Record breaker!
Rey Marfil


Ang resbak ng kritiko ni Pangulong Benigno ‘PNoy’ Aquino III -- ito’y nangopya ng ‘financial blueprint’ at iisa ang laman ng 2011 national budget, aba’y kailan pa naging pag-aari ng mga ‘ex-President’ ang General Appropriations Act (GAA)? At saan aber, huhugot ng pagbabatayan ang ‘pre­sent occupant’, alangan sa mangodigo sa proposed budget ng Amerika o kaya’y China?

Hindi lang iyan, ginagawang ‘malaking isyu’ ng ilang kritiko ang pag-veto ni PNoy sa ‘debt cap’ ga­yong sinamantala lamang ng Pangulo ang pagkaka­taon lalo pa’t masigla ang merkado at makinabang ang gobyerno sa positibong pananaw ng mga local at foreign investors. At malaking kalokohan kung ibi-veto ang debt cap, sa panahong bagsak ang piso kontra dolyar.

Kahit balikan ang history book -- ito’y NABABASA at NASUSULAT, simula noong panahon ni Pangulong Elpidio Quirino noong dekada 50’s -- malaking isyu ang debt cap. Take note: wala pang Facebook at Friendster sa panahon ni Quirino su­balit iisa pa rin ang problema sa debt cap, walang pinagkaiba sa jueteng at topada, maliban kung ‘iskul-bukol’ kaya’t nakaligtaan ang kasaysayan.

Maging sa ilalim ng diktaturyang rehimen ni Pangulong Ferdinand Marcos, isang ‘hot issue’ ang debt cap kaya’t inalis ang Debt Cap Law, sa pamamagitan ng Executive Order -- ito’y sa panahon ng Martial Law. Maging sa panahon ni Pangulong Corazon ‘Tita Cory’ Aquino, kapareho ang isyung kinukuwestyon ng mga kritiko ni PNoy, as in recycled -- ito’y hindi naman ‘vintage car’ upang ga­wing modelo?

***

Napag-usapan ang debt cap, isang rason kung bakit napapanahon ang pag-veto ni PNoy dahil pasulong ang ekonomiya ng Pilipinas, patunay ang pag­lawak ng ‘international relationship management firm’, aba’y subukan mamasyal ng mga kritiko sa España o kaya’y University belt, hindi ba’t nagkalat ang call centers.

Sa San Lazaro, karagdagang 20 libong trabaho ang ibinigay ng Convergys sa mga Pilipino -- isang ‘patotoo’ na nabawasan ang unemployment rate at underemployment sa ilalim ng Aquino administration, maliban kung patuloy nagbubulag-bulagan sa pagbabago at hindi makalimutan ang mga nakasanayang ‘perks’ sa nagdaang 9-taon.

At seryoso si PNoy sa paghulma ng mga bagong ‘record’ kaya’t magiging busy si Department of Budget and Management (DBM) Secretary Butch Abad sa paghahanda ng 2012 proposed budget kahit kapapasok pa lamang ng taong 2011 -- ito’y upang masigurong maayos ang paggasta ng bawat sentimo at hindi masira ang naitalang record.

Mantakin n’yo, 11-taong reenacted budget ang ginagasta ng gobyerno kaya’t kaliwa’t kanan ang ‘tagas’ sa pondo at kung sinu-sinong Pontio Pilato ang yumaman sa puwesto -- ito’y nagiging mala­king ‘pork barrel’, sinuman ang nakaupo sa palasyo lalo pa’t meron naunang napaglaanan ng pondo.

Kaya’t ngayong buwan, inihahanda ni Abad ang “First Budget Call” upang maisumite ang 2012 proposed budget, isang araw makalipas ang “Ulat sa Bayan” ni PNoy -- ito’y kabaliktaran sa nagdaang panahon kung saan buwan ng Abril o Mayo nagsusumite ang palasyo. Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)

Wednesday, January 5, 2011

January 5. 2010

Share
Makatwirang 2011!
Rey Marfil


Bago magpaalam ang taong 2010, malinaw ang resulta ng Social Weather Station (SWS) -- 93% ng mga Pili-pino ang naniniwalang gaganda ang kanilang buhay sa pagpasok ng 2011 -- isang magandang senyales at indikasyong malaki ang pagtitiwala ng publiko sa liderato ni Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino.
Hindi nakakagulat ang resulta ng SWS survey -- ito’y ‘patotoo’ lamang sa naunang performance at trust rating ni PNoy -- nagsasabing walo (8) sa sampung (10) Pilipino ang nagtitiwala sa pamumuno nito. Kung corrupt ang occupant sa Palasyo, hindi pagtitiwalaan ng 93% Pilipino ang isang Pangulo.
Sa huling SWS survey, may petsang November 27-30, hindi nagsisinungaling ang ebidensya -- siyam (9) sa sampung (10) Pilipino -- ito’y buo ang pag-asang gagan-da ang kanilang buhay sa pagpasok ng 2011. Take note: tanging 2% ang ibinaba kumpara noong December 2002 survey, mas mataas ng 4% kumpara noong 2009, sa panahon ni Mrs. Gloria Arroyo.
Kung susuriin ang SWS survey, malinaw ang katotohanang 7% lamang ang merong ‘agam-agam’ sa sarili o may pagdududang gaganda ang kanilang buhay sa pagpasok ng 2011 -- ito’y mas mababa ng 11% kumpara noong 2009 kung saan tigmak sa katiwalian ang pamahalaan, patunay ang samu’t saring imbestigasyon, mapa-Batasan o Upper House.
Iisa ang damdamin ng publiko, partikular ang ‘socio-economic classes’, magiging positibo at produktibo ang taong 2011 -- ito’y tumaas ng 97%, ‘di hamak malayo sa 91% noong 2009, maging sa Class ABC, umangat sa 95% mula 89% habang sa Class D, mas kilalang ‘masa’ -- umakyat sa 89% mula 87%, as in 2% ng mahihirap ang umaasang gaganda ang kanilang buhay sa 2011.
***
Napag-usapan ang survey, pinakamalaking ‘paggalaw’ sa Metro Manila -- ito’y pumaimbulog sa 96%, mas mataas ng 9% kumpara sa naitalang 87% noong 2009, maging sa Luzon area (hindi kasama ang Metro Manila) -- ito’y pumalo sa 94% mula 90%, nangangahulugang walang epekto ang samu’t saring pang-iintriga sa estilo ng pagtitimon ni PNoy. Take note: malapit sa kusina, as in nasa ‘Imperial Manila’ ang Metro Manila at Luzon area.
Ang nakakagulat sa lahat, kahit malayo sa ‘Imperial Manila’ -- ito’y madalas reklamo ng mga taga-Visayas at Mindanao, positibo ang pananaw ng ating mga kababa­yan sa pagpasok ng 2011. Sa Visayas region, nakapagtala ng 97%, mas mataas ng 9% kumpara sa 88% noong 2009 habang umakyat sa 89% mula 87% sa Mindanao -- indikasyong tiwala ang mga ito sa isang masagana at makatwirang 2011.
Aminin o hindi ng mga kritiko ni PNoy, isang magandang programa ang conditional cash transfer (CCT) -- ito’y malaking tulong sa mga mahihirap at napaka-imposibleng mauwi sa bulsa lalo pa’t ‘walang hilig sa pera’ ang nakaupo sa Malacañang. Kung hindi inaprubahan ng Kongreso at Senado ang CCT fund, walang ibang kawawa kundi ang 2.5 milyong mahihirap. Kung tutuusin, walang dapat ipangamba ang mga senador at kongresista, kahit tambakan ng sangkaterbang pera si PNoy, itaga n’yo sa bato: Kahit isang duling, walang makukupit at hindi magagamit sa pamumulitika, hindi katulad sa nagdaang panahon na bayung-bayong ang bitbit ng mga local official, palabas ng Malacañang. Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)

Monday, January 3, 2011

Spy on the Job Jan 3, 2011

Matigas ang ulo!
Rey Marfil


Kahit kasing-dami pa ng mga TV ads ng nakaraang presidential campaign ang babala sa pagpaputok, hindi mababago ang bilang at dami ng mga sinusugod sa ospital dahil likas sa mga Filipino ang matitigas ang ulo -- ito’y ‘ugaling-Pinoy’ na kailanman hindi makukuha sa pakiusapan o kahit gumamit ng sinturon.
Dalawang araw bago magpaalam ang taong 2010, walang ibang headlines o laman ng balita, mapa-television, radyo, at peryodiko, maging sa kaliit-liitang tabloid kundi ang katigasan ng ulo ng mga Pinoy. Kung hindi litratong busalsal ang daliri dahil sa piccolo, tinamaan ng ‘pla-pla’ ang nguso o kaya’y nahagisan ng ‘trianggulo’ ang magkabilang paa.
Bago mag-December 31, humigit-kumulang 100-katao ang biktima ng piccolo at nakakalungkot isiping merong pamilyang nagsasaya dahil malaki ang benta sa mga pa­putok ngayong Bagong Taon subalit meron ilang pamilya ang naghahagilap ng pampagamot at naka-confine ang anak sa isang government hospital dahil ‘nadale’ ng paputok.
Sa radio reports, mala-fiesta ang lugar ng mga tindahan ng paputok sa Bocaue Bulacan. At kahit nagtaas ng 30% ang presyo, mas malaki pa rin ang kinita ng mga nagtitinda habang na-doble rin ngayong taon ang isinusugod sa hospital. At madalas biktima ang mga bata -- ito’y dala ng kawalang malay kung anong ginagawa ng mga nakakatanda.
***
Napag-usapan ang paputok, mismong si Pangulong Benigno ‘PNoy’ Aquino III, hindi naitago ang pagkalungkot sa pagtaas ng bilang ng mga tinatamaan sa paputok, pinakamaraming bilang ang mga bata, malinaw ang kawalan ng paggabay o pag-aruga ng mga magulang kaya’t nadidisgrasya.
Kung hindi hinahayaang pakalat-kalat sa kalye ang mga anak at binabantayan ng mga magulang, sana’y walang batang umiiyak sa emergency room ngayong Bagong Taon, ganito lang ka-simple ang mensaheng gustong iparating ni PNoy. Take note: likas sa mga bata ang nakikiusyoso kaya’t kasalanan ng mga magulang kung nahahagisan ng piccolo o kaya’y pla-pla ang mga ito.
Hindi rin maaaring isisi sa gobyerno ang paglakas ng bentahan ng mga paputok lalo pa’t maraming pamilya ang nabubuhay sa ganitong negosyo at minsanan lamang kada taon. Kapag ipinagbawal ito, asahang ‘mas maingay’ pa sa piccolo at crying cow ang bunganga ng magmamartsa patungong palasyo, kasama ang militanteng grupo -- ito’y siguradong maghuhuramentado dahil bahagi sa kulturang Pinoy ang pagsalubong sa Bagong Taon, gamit ang iba’t ibang uri ng paputok.
Hindi kuntento sa simpleng pag-iingay ang mga Pinoy kaya’t hindi uubrang ipagbawal ang pagbebenta ng pa­putok. Ika ni Kuya Jun Lugtu mula Rockwall Texas, “mas maingay, mas enjoy sa pagsalubong ng Bagong Taon”. Ang madalas pang reklamo ng mga ‘feeling-macho’: pambata lamang ang torotot kaya’t asahang taun-taon, padami ng padami ang nasa emergency room dahil sa katigasan ng ulo. Anyway, Isang Mapayapa at Makatwirang 2011 sa inyong lahat! Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo”. (mgakurimaw.blogspot.com)