Kahit pakyawin ng mga kampon ni Mrs. Arroyo ang air time sa radyo at telebisyon o kaya’y bilihin ang bawat pahina ng peryodiko, simula sa pinakamalaking diyaryo hanggang school paper, suntok sa buwan kung mananalo ang mga nag-aambisyong makatabi ng upuan sina Mulaway at Boy Kornik ng Senado.
Wala sa dami ng commercial ang panalo ng isang senatoriable, patunay ang kaso nina Chavit Singson, Prospero Pichay at Mike Defensor na sandamukal ang commercial subalit umuwing luhaan. Mismong si NEDA chief Ralph Recto, isang ‘reelectionist senator’ at asawa ng tinaguriang ‘star for all season’ -- si Vilma Santos, ito’y nasilat noong 2007 election.
Kung hindi ‘tumubo’ si Pichay at ‘natisod’ si walking Tol Mike, sa malamang mangingitim ang bigote at buhok ni TESDA chief Buboy Syjuco, aba’y hindi nga manalong Congressman ng Makati at paulit-ulit inilampaso ni Senator Joker, iyon pa kayang ambisyunin ang Senate seat?
Mabuti lang, na-trace ang hometown ng mga parents sa Iloilo province kaya’t nakarating ng Congress. Ibig sabihin, magpapagod lamang si Syjuco sa 2010, katulad ni Chavit, hindi ba’t napipi “Ang boses ng mga taga-Probinsiya” noong 2007 gayong isa sa highest spender? Ang masakit, ‘bulag’ ang publiko kung sino ang nagpondo ng infomercial at katarantaduhan kung sariling bulsa ang magbabayad sa prime time slot.
Maliban kay Syjuco, puro pagmumukha ni DOH Sec. Francisco Duque ang laman ng peryodiko, pati pagsisipsip kay Mrs. Arroyo sa kanyang birthday, hindi pinatawad ng gabinete. Mantakin n’yo, milyones ang ginastos sa ‘birthday greetings’, gamit ang malaking tabloid at broadsheet gayong piso lang ang text.
Kung hindi pondo ng DOH ang ginastos sa infomercial, mas maraming ipapaliwanag si Duque, aba’y anong kapalit kung isang pharmaceutical o drug manufacturers ang nagbayad ng placement fee?
***
Napag-usapan ang senatorial race, puro ‘panapon’ ang mga nagsusulputang senatoriables ni Mrs. Arroyo. Subukan n’yong ipagtanong ang pangalan ni Kuya Efraim Genuino, kahit sugarol at tambay ng casino, walang pakialam kung sino ang Pagcor chief, iyon pa kayang naglalaro ng ‘kara-cruz’, at tong-its sa kanto?
Kung si Cesar Montano, naturingang ‘best actor’ at nagampanan lahat ng karakter sa pelikula, mapa-Jose Rizal at Muro-Ami, ito’y hindi nakakita ng ‘Bagong Buwan’ sa pulitika kaya’t nauwi sa ‘Singing Bee’ at nakikikanta. In fairness kay Buboy, ito’y posibleng nasulsulan lamang dahil pagka-governor ng Bohol ang unang puntirya nito!
Kung meron nakakapanghinayang sa hanay ng gabinete ni Mrs. Arroyo at may karapatang makatabi ng upuan si Senate President Juan Ponce Enrile -- sina Finance Sec. Gary Teves at Agriculture Sec. Artur Yap. Hindi matatawaran ang credentials at husay ng dalawang gabinete kung trabaho ang pag-uusapan, iyon nga lang, hindi umaakyat sa survey dahil nakatatak ang imahe ni Mrs. Arroyo.
At kapag naging senador si Jun Lozada, katulad nang nangyari sa katukayo ni Joselito Cayetano na nag-expose ng hiladong bank account ni FG Mike Arroyo kaya’t na-ethics, walang ibang dapat sisihin si Mrs. Arroyo kundi si Tol Mike. Alam n’yo naman sa Pilipinas, madalas manalo ang ‘underdog’, isang taktika ngayon ni Senador Manny Villar sa ethics probe.. Ika nga ni XP Frank Drilon ‘makapatay ka ng tao, ito’y makakalimutan ng kapit-bahay mo pero kahit isang pasong lupa ang isyu, magpapatayan kayo’. (www.mgakurimaw.blogspot.com)