Tuesday, September 23, 2008

sept 23 2008 abante tonite issue

‘Nangamoy-singit’ ang utol ni BW!!
Rey Marfil


Sa isang demokrasyang gobyerno, maganda ang papel ng militanteng grupo subalit kailangang maingat sa bawat isyu, katulad ng alegasyong nagkaroon ng iregularidad sa mga proyektong pang-agrikultura na pinopondohan ng gobyerno -- ang municipal agricultural officers (MAOs). Mantakin n’yo, kung anu-anong pag-atake kay Department of Agriculture (DA) Secretary Arthur Yap ang isinigaw ng grupo, iyon pala’y ‘na-Joey De Leon’, as in Wow Mali ang mga ito. Kahit itanong n’yo pa sa tinaguriang ‘B1 at B2’ ng Agriculture-sina Undersecretary Bernie Fondevilla at Berna Romulo-Puyat na napakasipag magbungkal ng lupa?
Kapag sinuri ang Commission on Audit (COA) report, napaka- misleading ng mga akusasyon kay Yap at lahat ng isyung ipinupukol sa gabinete, ito’y nasagot ng komisyon. Ni sa panaginip, ayokong isiping natutulog sa pansitan at puro pagbubulakbol sa klase ang miyembro ng militanteng grupo, aba’y nakaligtaang wala nang kontrol ang national government sa MAOs, alinsunod sa Local Government Code, maging ang pagbuo ni Yap ng fact finding team para masampahan ng kaso ang mga tiwaling tauhan. Ibig sabihin, inilipat sa local government units (LGUs) ang pamamahala sa mga serbisyong pang-agrikultura, pangkalusugan at iba pang pangunahing serbisyo na naglalayong isulong ang tunay na local autonomy.
Kundi nagkakamali ang Spy, mismong si Yap ang umangal at pumuna sa naunang paglilipat ng kapangyarihan sa LGUs lalo pa’t apektado ang rice self-sufficiency program ng departamento. Take note: Ilan buwang nilalakad ni Yap ang pagdi-detail ng mga MAO sa Regional Field Units (RFUs), sa pamamagitan ng Memorandum of Agreement (MOA) ng League of Provinces of the Philippines (LPP) at Department of Agriculture. Ang reklamo ni Yap -- ito’y ‘heneral na walang sundalo’ dahil nakatali ang kanyang mga kamay sa proyekto at kontrolado ng LGUs. Kaya’t maling puno ang tinatahulan ng militanteng grupo!
***
Kung maling puno ang ‘tinatahulan’ ng militanteng grupo, mas mahusay mang-amoy ni Boy Watusi sa ‘tongpats scandal’. Ni sa panaginip, ayokong isiping konektado sa multi-bilyon pisong insertion ng ex-wife ni Atty. Ariben Sebastian -- si Juliana Pilar ‘Pia’ Cayetano ang ‘pagkakahol’ ni Alan Peter Cayetano at pag-aktong spokesman ni Senate President Manny Villar Jr. Mantakin n’yo, hindi pa man nakakabalik ng Pilipinas mula sa isang linggong biyahe sa Estados Unidos, kaagad ‘pumutak’ sa P2 bilyong ‘insertion’ ang utol ni Boy Watusi, maliban kung ‘nangangamoy-singit’ din ito? Ika nga ni opposition senator Panfilo ‘Ping’ Lacson sa kanyang 11-page privilege speech noong September 15 -- ‘kung sinong pumiyok, siyang nangitlog’!
Sa kaalaman ng sambayanang Pilipino: tanging P1.19 bilyon ang nakalaan sa Family Health at Family Planning ng Department of Health (DOH) noong 2008 subalit itinaas sa P1.514 bilyon habang P137.4 milyon ang formulation ng polisiya sa mga ospital at health facilities kaya’t nauwi sa P237.4 milyon ito, alinsunod sa insertion ni Mam Pia. Ang pinakamalaking ‘additional funding’ ng utol ni Alan Peter- ang P1.5 bilyon sa Philippine Nurses Act at Magna Carta of Public Health Workers gayong ‘zero budget’ ang original copy nito. Anyway, sakto kay Alan Peter ang pagiging Boy Watusi, aba’y ka-initial ang P80 milyong BW Resources scandal ng namayapang amang si senador Renato ‘Companero’ Cayetano.
Balikan natin ang insertion, tinabla ng Department of Budget and Management (DBM) Secretary Rolando Andaya Jr., ang P1.5 bilyong isiningit ni Pia Cayetano sa 2008 national budget, kinapapalooban ng P1.01 bilyon sa Magna Carta for Public Health Workers at P586.4 milyon sa Philippine Nurse Act. Ika nga ng mga nagtitinda ng balot at penoy sa Pateros, hindi kailangan graduate ng University of the Philippines (UP) para maintindihan na walang inilaang budget si Andaya, as in hindi kasali sa isinumiteng General Appropriation Act (GAA) ang ‘addition funding’ ng kanyang sister. Ang tanong ni Aling Matet habang nanood ng pelikulang ‘Halimaw sa Banga’: Hindi kaya natatakot si Boy Watusi na maresbakan ang kanilang family kaya’t ‘nagpuputak’ sa P200 milyong tongpats o double insertion ng C-5 Road project, maliban kung feeling-inahing manok kahit roaster ang category kay Saint Peter? (www.mgakurimaw.blogspot.com)

sept 23 2008 abante tonite issue

Magdyowang solon, nagtampisaw sa US
(Rey Marfil)

‘Kung naglalaro ang mga daga habang wala ang pusa’, ibang kasabihan ang pinaniwalaan ng magdyowang mambabatas dahil nagawa pang maglaro ng apoy habang nasusunog ang kanilang bahay, patunay ang pagtatampisaw sa kasalanan.
Sa halip mairita, natawa ang naglipanang kurimaw sa session hall at hallway sa pangunguna ng TONITE Spy matapos madiskubreng nag-abroad ang magkarelasyong mambabatas sa harap ng kaguluhang nagaganap sa kanilang ‘bahay’.
Ang nakakatawa sa lahat, nagkunyari pang magkahiwalay ng biyahe ang magdyowa kung saan pinalabas sa kanilang magkahiwalay na press release ang pagdalo sa malaking gathering sa labas ng bansa.
Maliban dito, hiwalay din ang flight ng mag-dyowang solon palabas ng Pilipinas, ilang linggo ang nakakaraan kung saan magkaibang destinasyon ang na­ka­lagay sa kanilang itinerary upang makaiwas sa intriga lalo pa’t sabay nawala.
Lingid sa kaalaman ng publiko, iisang venue lamang ang pupuntahan ng magdyowa at lumalabas pang ginawang ‘tapayan’ ang malaking event sa Estados Unidos para masarili ang isa’t isa at makapagtampisaw sa kasalanan.
Taliwas sa gustong palabasin ng magdyowa na magkaiba ang kanilang pakay at biyahe, malinaw sa kanilang itinerary na magkalapit lamang ang final destination ng mga ito, as in ‘yellow cab’ lamang ang katapat para magkita ang dalawa sa Amerika.
Makaraan ang pagdalo sa iba’t ibang political gathe­rings at imbitasyon ng Filipino community, nadiskubreng magkasama sa Amerika ang magdyowang solon sa buong trip, kasama ang kanilang mga pinagkakatiwalaang alalay at nagkahiwalay lamang nang pauwi sa Pilipinas matapos mag-iba ng flight ang mga ito.
Bagama’t hiwalay ang lady solon sa kayang mister, katulad ng matandang solon na ginagawang palamuti at dekorasyon sa mga political gatherings at media event ang kanyang misis dahil hindi na nagsisiping, maituturing pa rin legal ang kanilang marriage dahil walang annulment na isinampa at wala rin diborsyo sa Pilipinas.
Clue: Mataas ang pangarap ng lady solon, katulad din ng karelasyong matandang solon subalit parehong luhaan noong 2004 dahil nagkamali ng desisyon. Kung kongresita o senador, abangan sa 2010 national election ang magkarelasyon lalo pa’t magkaiba ang kanilang organisasyon. (www.mgakurimaw.blogspot.com).

Monday, September 22, 2008

sept 22 008 abante tonite issue

Solon may karelasyong konsehal
(Rey Marfil)

Bagama’t matagal nang natapos ang bilangan at panibagong eleksyon ang nakaumang sa 2010, hindi pa rin ‘namamatay’ ang isyung ‘AC-DC’ ang isang solon, hindi lamang sa pera kundi sa pakikipagrelasyon matapos masangkot sa isang konsehal na kapareho ang kasarian nito.
Sa report na nakalap ng TONITE Spy, hindi lamang kalaban sa pulitika ng solon ang nagsasabing ‘dual citizenship’ ang mambabatas, as in ‘half Filipino at half Filipina’ dahil mismong constituents at alkalde sa kanilang bayan ang nagkukumpirmang ‘nagkukulay berde’ ang dugo nito.
Nang tumakbo sa higher position ang solon, isang isyung ikinakabit ng mga kalaban sa Malacañang ang pagiging ‘double blade’, as in nagtataglay ng dalawang kasarian ang mambabatas subalit hindi nagtagumpay sa paghahanap ng ebidensya ang mga ito.
Makalipas ang ilang taon, buhay pa rin ang isyung ‘silahista’ at ‘tsikboy’ ang solon, as in puwede sa tsiks at boy kung saan walang ibang itinuturong karelasyon kundi ang staff na dating konsehal.
Sa panahong ‘nag-traydor’ ang solon at ‘kinagat’ ang mga taong kumupkop sa pamamagitan ng mga dispalinghadog expose, halos lahat ng butas sa kanyang pagkatao’y sinilip ng Malacañang, kabilang ang ‘special operation’ para kunan ng litratong kaulayaw ang lalaking karelasyon.
Hindi nagtagumpay noong nakaraang eleksyon ang mga kalaban ng solon na makunan ng litratong kayakap ang lalaking karelasyon subalit muling nabuhay ang isyu at direktang itinuturo ang dating konsehal bilang ‘papah’ ng mambabatas.
Dati-rati’y walang imahe ang lalaking itinuturong ‘lover’ ng solon, maliban sa alegasyong nagtatrabaho sa isang sangay ng hudikatura kung kaya’t walang napala ang mga kalaban.
Bagama’t chief of staff (COS) ang katungkulan sa opisina ng solon, mistulang personal secretary kung umasta ang dating konsehal dahil kasama sa lahat ng ‘lakaran’ at daig pang lehitimong misis ng mambabatas at sobrang ‘sweet’ ng dalawa na sabay pang kumakain ng tanghalian.
Clue: Hindi matatawaran ang tapang ng solon kung apog ang pag-uusapan. Ito’y numero unong balimbing at taksil sa kaibigan. Kung senador o kongresista, aba­ngan kung sino ang susunod na kakagatin ng mambabatas kapag wala nang butong maibigay ang nagpapakain sa kanya.(www.mgakurimaw.blogspot.com)

Thursday, September 18, 2008

sept 18 2008 abante tonite issue

Ex-official dinadaga sa road scam
(Rey Marfil)

Sa harap ng gulong nilikha sa P200 milyong ‘tongpats’ sa C-5 road project, matinding daga sa dibdib ngayon ang nararamdaman ng isang dating mataas na opisyal ng pamahalaan.
Sa report na nakalap ng TONITE Spy, hindi kasinglaki ng bubuwit ang nagpapalipat-lipat sa katawan ng isang dating opisyal bagkus kasinglaki ni Garfield ang daga sa dibdib ng kumag, as in kinakabahan sa posibleng pagkakadawit sa kanyang pangalan.
Ang rason, mismong dating opisyal ng Malacañang ang mastermind o promotor kung bakit siksik, liglig at umaapaw ang ‘tongpats’ sa road project sa C-5 na naeskandalo ang double entry sa 2008 budget.
Sa panahong namamayagpag sa kapangyarihan ang dating opisyal naganap ang multi bilyong ‘tongpats’ sa proyekto, patunay ang pagbabayad ng napakalaking ‘right of way’ sa isang maimpluwensyang grupo.
Kung P200M ang nabistong double entry sa 2008 national budget, ito’y barya lamang sa P1 bilyong ibinayad ng dating opisyal ng Malacañang sa lider ng maimpluwensyang grupo.
Mismong dating opisyal ng Malacañang ang nagpalusot sa mga ‘tongpats’ ng ‘right of way’ kung saan hindi lamang doble ang presyo o ibinayad kundi triple ang siningil at ibinayad sa gobyerno.
Bagama’t P5 libo lamang ang value kada metriko kuwadrado ng lupa, napag-alamang pumayag ang dating opisyal na ‘tongpats’ hanggang P15 libo ang bentahan dahil sa special request o kadupangan sa pera ng lider ng maimpluwensyang grupo.
Humigit kumulang sa P2 bilyon ang ibinayad sa ‘right of way’ ng dating opisyal sa lider ng maimpluwensyang grupo kung kaya’t natatakot itong masabit sa eskandalo o mabanggit sa road project na iniimbestigahan ng Senado.
Sa ngayon, kung sinu-sinong senador ang kinakausap ng dating opisyal ng Malacañang upang marendahan ang imbestigasyon sa upper house, patunay ang telephone brigade sa mga mambabatas.
Clue: Idinadaan sa papunas-punas ng panyo at pagbili ng itlog ang raket ng isang lider ng maimpluwensyang grupo kung kaya’t siksik, liglig at umaapaw ang bulsa nito. Habang nangangarap pa rin makabalik sa poder ang dating opisyal. (www.mgakurimaw.blogspot.com)

sept 18 2008 abante tonite issue

Si Boy Watusi!
Rey Marfil


May anomalya o wala, ‘two things’ kung bakit dumikit kay Senate President Manny Villar ang P200 milyong ‘tongpats’ o double entry sa C-5 Road project na nasilip ni opposition Senator Ping Lacson sa 2008 national budget -- ito’y epekto ng ‘mishandling’ sa press conference noong September 9 (Martes) at matinding pagkapikon sa mga pag-atake ng boypren ni Senator Mar Roxas sa dzMM. Ang resulta: hindi lang putok sa kanang kilay ang natikman ni Villar bago pa man naganap ang showdown noong September 15 (Lunes) kundi bugbog-sarado sa radio program ni Korina Sanchez. Mabuti na lang, protektado ng majority bloc kundi na-knock out sa 1st round.
In fairness kay Villar, sadyang nakakainsulto ang pag-atake ni Ate Koring sa dzMM at maaaring naipon lahat ng nararamdamang galit kaya’t sumambulat sa press confe­rence. Mantakin n’yo, pati pagtatago sa ibang saya ni Roxas, napagdiskitahan ni Villar sa sobrang galit. Ang talo lang ni Villar, ito’y walang radio program at hindi lamang taga-Farmers Market ang nakikinig, as in maramin­g listener ang girlfriend ni Mr. Palengke. Kahit napakala­king ‘kabawasan’ kay Roxas ang pagtatalak ni Ate Ko­ring sa hanay ng mga intellectual voters, abot-lalawigan pa rin ang airwaves ng dzMM.
Ang pinakamalaking problema ngayon ng mister ni Las Piñas Cong. Cynthia Villar kung paano lilinisin ang kanyang imahe kahit inirarasong ‘human error’ ni Senador Juan Ponce Enrile ang pagpapasingit sa P200-mil­yong C-5 Road project, siguradong nakadikit hanggang 2010 ang katagang ‘singit at taga’. Sa madaling salita, hindi dapat humaba ang isyu at lumawak ang eskandalo sa ‘double entry’ kung kaagad inamin ng Office of the Senate President (OSP) ang pagkakamali. Ang tanong lamang ng mga kurimaw: kung si Villar ang nagpa-insert, bakit nawawala sa eksena si Lolo Johnny gayong chairman ng finance committee, maliban kung naghahangad ng Senate Presidency?
***
Napag-usapan ang mishandling, isa pang pagkakamali ni Villar ang ‘pagkakahol’ ni Alan Peter sa ‘double entry’ gayong wala namang buntot para matapakan ni Lacson, maliban kung imaginary at invisible ang paghaba ng kanyang tail? Mantakin n’yo, inilarawang ‘watusi’ ng katukayo ni Joselito Cayetano ang privilege speech ni Lacson. Ang tanong tuloy ng alagang aso ni Aling Matet, ‘Nagpalit na ba ng spokesman si First Gentleman Mike Arroyo sa katauhan ni Alan Peter?’ Aba’y balikan ang Jose Pidal scandal, hindi ba’t ‘supot na kuwitis’ ang paglalarawan ni Atty. Jesus ‘Jess’ Santos sa exposé ni Lacson kaya’t nabiyayaan ng silya sa GSIS?
Hindi lang iyan, sukdulan hanggang Amerika ang pagkapikon ni Alan Peter sa katagang ‘Ang unang pumiyok, ang siyang nangitlog’, isama natin ang round trip sa Europa, pamamasyal sa Nile River hanggang pagtawid ng Pasig River sa panahong nagmamano kina Mrs. Arroyo at ‘Tito Mike’ ang tawag kay First Gentleman na si Boy Watusi. Teka lang, kailan pa naging manok si Cayetano, maliban kung hawak ang ‘susi’ ng C-5 Road kaya’t napaka-affected sa isyu at nagpapanggap itong katukayo ni San Pedro o kaya’y nainsulto dahil ‘kahol’ ang alam nito? Sabagay, ano nga naman ang aasahan kay Boy Watusi kung mismong amang si Senador Renato Cayetano na-ethics committee, as in naimbestigahan ng Senado sa P80 milyong BW Resources scandal.
Sinadya o hindi, parehong ‘abogado at pinagpala’ ang given name nina Alan Peter Cayetano at Atty. Jesus Santos. Ang pagkakaiba lang, mas mahusay mag-isip ng pangbaterya ang makatang si Atty. Jess kumpara sa little brother ni Pia Cayetano dahil ‘minor injuries’ lamang ang tama ng kuwitis, katulad ng sugat at matusok ng stick. Ang nakaligtaan ni Alan Peter, nag-iiwan ng marka sa semento ang watusi at nakakamatay kapag nakain. Higit sa lahat, paitaas ang takbo ng kuwitis habang kumakalat ang watusi kapag sinindihan at ikiniskis sa pader. Kaya’t huwag ipagtaka kung lumawak ang eskandalo sa double entry at magmarka o makalason hanggang 2010, katulad ng watusi. (www.mgakurimaw.blogspot.com)

Wednesday, September 17, 2008

sept 17 2008 abante tonite issue

Senador napaglaruan ng magkumpare
(Rey Marfil)

Katulad ng kasabihang ‘tuso man ang matsing, napag­lalalangan din’, nalansi at naisahan ng magkumpareng senador ang isang kampon ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo sa ginagawang ‘pagpuputok ng butse’ sa loob ng session hall.
Hindi maiwasang pagtawanan ng mga naglipanang kurimaw sa Upper House, sa pangunguna ng TONITE Spy ang pagkakalansi ng magkumpareng senador sa isang administration senator para tumigil sa kapuputak at pag-iingay tungkol sa nakabinbing mosyon bilang depensa sa ka-tropa nito.
Nang magkainitan kung sino ang legal na tatayo sa floor, nauwi sa sigawan ang mga magkakatunggaling solon kung kaya’t kaagad sinuspendi ng presiding Senate President ang sesyon upang pakalmahin ang mga ito.
Sa puntong ito, napakinabangan ang husay ng isa sa kampon ni Mrs. Arroyo kahit paulit-ulit na kinukuwestyon ang kapasidad bilang senador matapos umaktong ‘reperi’ sa gulo at matagumpay nitong napahupa ang tensyon.
Isa-isang hinimas ng kampon ni Mrs. Arroyo ang magkakatungga­ling senador kung kaya’t muling nag-resume ang session, makalipas ang humigit-kumulang tatlumpong minuto.
Taliwas sa inaasahan ng lahat, biglaang tumayo ang administration senator at nagmarakulyo kung kaya’t muling sinuspendi ang sesyon, kasabay rin ang paglapit ng kampon ni Mrs. Arroyo para rendahan at pakiusapang huwag nang magsalita dahil nakaiskedyul mag-adjourned.
Higit sa lahat, napaniwala ng kampon ni Mrs. Arroyo ang administration senator na ‘nakaisa’ o naka-puntos sa opposition senator kaya’t hindi kailangan pang rumesbak dahil kapag nasobrahan ang pagmamarakulyo sa floor, ito’y posibleng masilat at mapasama sa publiko.
Lingid sa kaalaman ng administration senator, magkumpare ang opposition senator at kampon ni Mrs. Arroyo, patunay ang pagiging magka-jamming sa VIP lounge, maging sa floor bago magbukas ang sesyon.
Maging ang administration senator, hindi maiwasang matawa nang malaman nitong magkumpare ang dalawang kasamahan lalo pa’t paulit-ulit nitong ipinagmamalaking mahusay na ‘reperi’ ang kampon ni Mrs. Arroyo, kasabay ang pag-aming ‘naisahan’ ng dalawa.
Clue: Kung walang takot ang opposition senator na labanan ang mga corrupt, kasing-tapang din sa pagta-tumbling ang kampon ni Mrs. Arroyo habang nawala ang tapang ng administration senator kapag kakampi at taga-Malacañang ng inaakusahang bad ng lipunan. (www.mgakurimaw.blogspot.com)

Tuesday, September 16, 2008

sept 16 008 abante tonite issue

Aksaya-tarpaulin si Fernando!
Rey Marfil


May isang truck driver ng Pepsi Cola na nakasagasa ng kambing at tinakbuhan ang may-ari. Makalipas ang isang minuto dumaan ang delivery truck ng Coca-Cola -- ito’y hinarang ng may-ari ng sinasagaang kambing at pilit pinagbabayad ng damages. Ang sagot ng driver, ‘Hindi po ako nakasagasa sa kambing, taga-Pepsi-Cola po iyon’. Ang rason ng may-ari ng kambing in Muslim dialect ‘Ki Pipsi-Cula o Cuca-Cula, pareho din iyon. Magkamag-anak kayo, parehu kayu ng apelyidu... Cula’. Nakakatawa pero balikan ang P200 milyong ‘tongpats’ sa C-5 Road project, ito’y inilarawang ‘barya lamang’ ng katukayo ni Joselito Cayetano para pagkainteresan ni Se­nate President Manny Villar.
Alisin natin ang pangalan ni Villar at alam ng karamihan, napakaraming pera ng kanyang pamilya, as in i-concentrate ang isyu sa ‘tongpats’ o ‘double insertion’, hindi kaya tamaan ng kidlat si Alan Cayetano sa mga pinagsa­sabi sa media interview gayong anti-corruption ang campaign advocacy at isinisigaw sa entablado noong 2007 election kaya’t nanalong senador, maliban kung nabingi ang mga kurimaw sa deklarasyon nitong ‘Kahit singko o piso, basta’t may katiwalian, dapat imbestigahan?” Kung susuriing mabuti ang anti-corruption advocacy ni Alan Cayetano, ito’y walang karapatang magwalis ng ibang bakuran, aba’y sariling tahanan, hindi ba’t dinumihan ng kanyang ama?
Balikan ang P80 milyong BW Resources scandal ng namayapang si ex-Senator Renato ‘Companero’ Cayeta­no, hindi ba’t laway lang ang puhunan subalit kumita ng milyones sa kumpanya ni Jaime Dichavez at umabot sa Senate committee on ethics ang kontrobersya? Ito’y pinaimbestigahan ni Cavite Cong. Boying Remulla su­balit mahusay ang pagkaka-‘washing machine’ at ‘pagkakakula’ ni Mr. Noted, as in majority leader Prancaceus Francis Pangilinan kaya’t naabsuwelto ang ama nina Alan at Pia. Sa panahong iyon, hindi pa Congressman si Bo­ying kundi spokesman ni ex-President Joseph ‘Erap’ Estrada pero ngayo’y kasama sa Nacionalista Party (NP) ni Alan. Small world ‘di ba?
***
Mapa-presidential o senatorial survey, kasing-pus­yaw sa blue at pink uniform ng mga traffic enforcers ang pag-asang maging seat mate nina Mulaway at Boy Kornik sa Upper House ang ‘bayaning isinusuka ng mga vendor’ -- si MMDA chairman Bayani Fernando, aba’y ‘aksaya-pera’ lang sa pagpagawa ng mga tarpaulin at poster. Mantakin n’yo, kulelat pa rin sa 2nd quarter senatorial survey ng Social Weather Station (SWS) gayong puro mukha ang naglipana along the highway, eh hindi naman deklaradong American territory ang Pilipinas kahit nagpaka-tuta sa Kano para magkaroon ng 50 senador. Kahit itanong n’yo kay birthday boy Trevor Montojo ng Court of Appeals?
Ibig sabihin, mamamaos lang ang boses ni Fernando sa sinalihang singing contest, katulad ng ‘Celebrity Duet’ sa GMA-7 subalit napakalabong umangat ng popularidad dahil mas maraming bad trip sa kanyang polisiya. At kahit magta-tumbling sa national television para mapansin, iisa pa rin ang resulta ng survey, maliban kung tatakbong barangay captain sa tabi ng Marikina River -- ito’y ‘sure hit’ dahil misis ang nakaupong alkalde. In fairness, labing-tatlong senatoriables ang hinakbangan ni Fernando sa survey mula No. 36 hanggang No. 45. Mabuti lang, isinama ng SWS sina Mayor Sonny Belmonte, GSIS President Winston Garcia, DILG Sec. Ronnie Puno, Speaker Boy Nograles at DOE Sec. Angelo Reyes, at least may tinalo si BF!
Kapag pinagbatayan ang senatorial list ng SWS, napaka­laking problema ang kinakaharap ni Fernando, aba’y 19 ang kailangang sipain pababa para makapasok sa Magic 12, eh hindi naman sidewalk vendors ang mga senatoriables para magpapatadyak lamang sa mga tauhan ni Fernando. Higit sa lahat, nakapuwesto sa No. 20 si Mayor Jojo Binay kaya’t bago ma-penetrate ni Fernando ang No. 12 slot, ito’y baldado kay Rambotito, eh paano pa kung magdeklara at tumakbo si Cong. Roilo Golez, ‘di hamak naman nasa itaas ito! (www.mgakurimaw.blogspot.com)