Tuesday, September 2, 2008

sept 2 2008 abante tonite issue

Namali ng dinig si Pichay!
Author


Nakaraang linggo, inilabas ng Lakas-CMD Party ang labingwalong (18) pangalan sa senatorial list, kinabibilangan nina Senator Bong Revilla, Senator Lito Lapid, DA Sec. Arthur Yap, Health Sec. Francisco Duque, MMDA chairman Bayani Fernando, Quezon City Mayor Sonny Belmonte, ParaƱaque Cong. Ed Zialcita, Albay Cong. Edcel Lagman, Bacolod Cong. Monico Puentevella, NEDA Sec. Ralph Recto, ex-Cong. Prospero Pichay, Iloilo Cong. Art Defensor, ex-Ilocos Norter Gov. Chavit Singson, OMB chairman Edu Manzano, Palawan Cong. Abraham Baham Mitra, Pampanga Cong. Mikey Arroyo, DAR Sec. Nasser Pangandaman, DepEd Sec. Jesli Lapus at ex- presidential chief of staff Mike Defensor. Sa kaalaman ng publiko: talunan si Lagman noong 1998 election sa ilalim ng Erap-Edong ticket.
Hindi ba’t Presidente ang gustong takbuhan ng ba­yaning isinusuka ng mga vendor -- si Fernando, eh bakit isinama sa senatorial list ng partido. Ibig sabihin, kahit sariling kasamahan sa organisasyon, walang kabilib-bilib kay Fernando bilang presidentiable at naiintindihan ang masamang estado sa survey nito. Ang tanong lamang: Magawa kayang makapasok sa ‘Magic 12’ ni Fernando kung bokya sa presidential survey lalo pa’t dumarami ang binabambo ng mga taga-MMDA. Partida pa iyan, lagpasan hanggang probinsya ang tarpaulin ni Fernando pero kahit isang letra ng pangalan at apelyido, hindi binanggit ng respondents sa SWS survey.
Pansinin ang labingwalong (18) senatoriables ng Lakas-CMD, kundi talunan, walang ‘kabuhay-buhay’ sa mga botante, maliban kina Revilla at Lapid. In fairness, malaki ang tsansang makabalik ni Recto at kailangan ng Pilipinas ang katulad ni Yap sa Senado. Ang problema lamang, kung paano manalo lalo pa’t lubog sa kumunoy ang imahe ng kanilang amo. Teka lang, bakit wala ang pangalan ni Lakas-CMD Secretary General at Senador Juan Migz Zubiri sa senatorial list, eh siya pa naman ang nag-anunsyo sa Dusit Hotel, sigurado bang hindi mapapatalsik ni Atty. Koko Pimentel bago mag-2010?
***
Napag-usapan si Pichay, higit ipagpasalamat sa mi­sis ni Jose Pidal ang ‘pagkakatanim’ sa Local Water Utilities Administration (LWUA) keysa umangal. At least si­guradong tutubo dahil puro tubig ang LWUA. Ang problema lamang ni Pichay, paano matutupad ang pangarap nitong maitanim sa Senado ngayong ‘never heard’ sa mga botante ang opisinang ibinigay ni Mrs. Arroyo at ‘barya-barya’ ang pondo kung ikukumpara sa Bureau of Custom (BOC) na sinasalok ang kita sa mga kontrabando at palusot. Iyon lang, pinagpasa-pasahan ni Mrs. Arroyo at isang ‘pakunsuelo de bobo’ ang pagkakaroon ng puwesto sa gobyerno.
Sa lahat ng talunang senatoriables ng Team Unity (TU), si Pichay ang pinakamaingay subalit pansinin ang pagtitiwalang ibinibigay ni Mrs. Arroyo, ‘di hamak mas bilib ang Pangulo kina ex-senator Ralph Recto, ex-senator Vicente ‘Tito’ Sotto III, at ex-senator Tessie Aquino-Oreta (TAO). Si Recto ang bagong National Economic Development Authority (NEDA) Secretary, si Sotto sa Dangerous Drugs Board (DBB) na may kapangyarihan bilang gabinete habang si Oreta, inihahanda sa Department of Education (DepEd). Ibig sabihin, kailangan ni Pichay maging ‘ex-senator’ bago mabigyan ng magandang puwesto. Ang problema, hindi tumubo noong 2007 election.
Ang pinagtatawanan ng mga kurimaw, sobrang taas ng ambisyon ni Pichay sa buhay subalit sa ‘kangkungan’ din bumagsak. Hindi ba’t unang pinuntirya ang silya ni Lolo Ed Ermita bilang Executive Secretary at kasunod na pinag-interesan ang Department of Public Works and Highways (DPWH), Department of National Defense (DND), Department of Interior and Local Government (DILG), Department of Transportation and Communications (DOTC), Bureau of Custom (BOC), pinakahuli ang Overseas Workers Welfare Administration (OWWA). Hindi kaya barado lamang ng tutule o madumi ang tainga ni Pichay kaya’t nagkamali ng dinig sa LWUA? Kaya’t huwag ipagtaka ng publiko kung gawing ‘kangkong’ ng mga taga-palengke ang palayaw ni Pichay. At least, gulay pa rin! (www.mgakurimaw.blogspot.com)

Monday, September 1, 2008

sept 1 2008 abante tonite issue

Boy Kornik naging galante sa b-day party
(Rey Marfil)

Kung anong kunat sa nagdaang taon, katulad ang ginawang pagpapa­kain ng mais sa kanyang birthday party, nagbabagong-bihis ngayon ang tinaguriang ‘Boy Kornik’ ng Mataas na Kapulungan matapos maging galante at magpabaha ng pagkain sa Media Center.
Sa pinakahuling birthday celebration, nasaksihan ng Tonite Spy kung paano nagbabagong-anyo ang kunyong senador, patunay ang malaking piging na ibinigay sa Senate reporters taliwas sa mga nagdaang panahon kung saan ‘paiyakan’ kung makapag-isip itong maghanda sa kanyang kaarawan.
Maliban sa pagbaha ng pagkain sa Senate media at birthday celebration, kasama ang buong kapamilya, ilan pang hiwalay na paggunita sa kanyang kaarawan ang inisponsoran ng kunyong senador, katulad ang party sa mga kaibigan at tauhan kaya’t maraming nagulat sa pagiging galante ng kumag.
Bilang patunay sa pagbabagong-anyo ni Boy Kornik, wala na rin nagbabantay sa litsong baboy na inihanda sa Senate media katulad sa nangyari noong 2006 kung saan bantay-sarado ng dalawang staff ang handang litson habang tinatadtad, animo’y Presidential Security Group (PSG) na nag-aabang sa pag-atake ng mga kriminal.
Higit sa lahat, mara­ming putaheng ipina­handa ang kunyong senador sa catering services na inar­kila at wanto-sawa sa soft drinks, maging sa panghimagas kung kaya’t maraming mediamen ang naglintayang natauhan ang mambabatas sa kantang ‘Himala’ ng River Maya.
Nabansagang ‘Boy Kornik’ ang kunyong senador, hindi dahil napaka-corny mag-joke sa umpukan bagkus saksakan ng kunat at kuripot sa paggastos, pinakamalupit ang pagpakain ng popcorn sa kanyang birthday bash nang unang tumuntong sa Upper House.
Sa kabilang banda, pinagduduhan ng mga kurimaw sa Upper House ang intensyong nagpa-pogi lamang ang kunyong senador at gustong ibangon ang imaheng makunat sa harap ng media lalo pa’t nag-aambisyon tumakbong Vice President sa 2010 national election ang mokong.
Clue: Numero unong balimbing ang kunyong senador sa panahon ni Erap at kinasangkapan ang isang kapamilya para maabot ang ambisyon sa pulitika. Ito’y nagpapakabakya sa press release, gamit ang kanyang palayaw at meron letrang “C” sa pangalan, as in Corn. (www.mgakurimaw.blogspot.com)

Saturday, August 30, 2008

aug 30 2008 abante tonite issue

Presidentiable napikon sa ‘Dark Horse’
Rey Marfil

Sa halip na ikatuwa ang pagkakabansag bilang ‘dark horse’ sa 2010 national election, sukdulan hanggang Makati area ang pagkapikon ng isang nagkukunwaring presidentiable sa sari­ling kasamahan sa organisasyon matapos maiba ang pakahulugan nito.
Sa report na nakalap ng TONITE Spy, hindi lamang napikon bagkus umusok ang ilong ng isa sa tinaguriang ‘presidentiable kuno’ nang ma­balitaang iniinsulto ang planong pagtakbo sa 2010 national sa harap mismo ng mga local officials.
Dahil uso ngayon ang “Lakbay-Aral”, sa pa­ngunguna ng mga alkalde at konsehal, napadaan sa lalawigan ng isang bagitong senador ang mga local officials kung kaya’t nag-courtesy call bilang respeto sa mambabatas.
Sa nangyaring courtesy call, napag-usapan sa harap ng bagitong senador ang mga nagsusulputang presidentiable sa 2010 election at ipinagmalaki ng mambabatas ang magandang standing sa survey kahit walang deklarasyon ito.
Nang matanong ang pangalan ng nagkukunya­ring presidentiable, kaagad inilarawan ng bagitong senador na isang ‘dark horse’ sa 2010 election ang kasamahan sa orga­nisasyon kasunod ang pahabol na masamang biro ang bagitong senador laban sa ‘presidentiable kuno’ kung saan ginawa nitong literal ang kahulugan ng papuri sa kasamahan sa organisasyon, katulad ang alegasyong ‘maitim at mukhang kabayo’.
Lingid sa kaalaman ng bagitong senador, maraming alkaldeng sipsip sa ‘presidentiable kuno’ kaya’t nakarating sa kaalaman ng huli ang biro kaya’t nanggagalaiti sa galit ito.
Sa hangaring makaresbak sa bagitong senador, binaba-bad mouth at inuupakan ni ‘presidentiable kuno’ sa mga kaibigang pulitiko at local officials ang solon kapag nakatalikod, as in sinisiraan sa grupo, maging sa tumatayong ‘god father’ ng organisasyon.
Clue: Katulad ng kanyang kulay, madilim ang ‘future’ ng presidentiable sa 2010 election at hindi makita kahit isang letra ng pangalan sa presidential survey habang isa sa vice presidentiables ang bagitong senador. Magkasama sa organisasyon ang dalawa at parehong nagmay-ari ng letrang nasa hulihan ng alpabeto, as in meron letrang “Y at Z” (www.mgakurimaw.blogspot.com).

Friday, August 29, 2008

august 29 2008 abante issue

Senador, nag-iipon para sa karelasyon

Sa halip paghandaan ang pagreretiro sa pulitika, katulad ng pag-iimpok ng pera para sa kinabukasan ng buong angkan hanggang 5th generation, mas prayoridad ng isang matandang senador ang paghandaan ang political career ng karelasyon.


Kunsabagay ay marami nang naipong ari-arian ang matandang senador, kabilang ang pagpapalawak ng emperyo sa kanyang lalawigan, pangongomisyon sa pork barrel at pagbebenta ng kandidato noong 2004 election, ito’y naunang inilaan ng matandang senador sa kanyang mga anak at apo.


Higit sa lahat, lantad sa kaalaman ng buong pamilya ang mga naipon ng matandang senador kaya’t naghahanap ng ibang paraan ang mam­babatas upang makapag-impok at matulungan ang ambisyosang karelasyon.


Dahil mataas ang ambisyon sa pulitika ng karelas­yon, matinding ‘pag-iipon’ ang ginagawa ngayon ng matandang senador, kabilang ang ‘pangbabakal’ sa mga proyekto ng gobyerno para matustusan ang pangangailangang pi­nan­syal ng kanyang bebot.


Hindi maitago ni Mang Teban ang pagkadismaya matapos ‘raketin’ ng matandang senador ang pingangasiwaang komite sa Upper House, patunay ang pag-create ng mga programa para maisubi ang multi-milyon pisong allocation dito.


Ang rason, puwedeng i-divert ng matandang senador ang matitipid ni­tong pondo at maaaring ipagamit sa karelasyon bi­lang preparasyon sa mas mataas na political ambition ng bebot.


Humigit-kumulang P2 bilyon ang pondong pinupuntirya ng matandang senador kaya’t takot itong mawalan ng komite dahil madidiskaril ang political ambition ng kanyang karelas­yon.


Pintahan n’yo na: Balimbing ang senador na ito dahil nasamahan ng lahat ng mga partido habang saksakan ng plastic ang karelasyon.

Wednesday, August 27, 2008

aug 27 2008 abante tonite issue

Lady broadcater gustong tikman sa abroad ng gabinete (Last Part)
Rey Marfil

Bagamat paulit-ulit na tinabla ang imbitasyon, sadyang walang kadala-dala ang isang gabinete ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo at mas nanaig ang matinding pagnanasa sa morenang broadcaster, kalakip ang paniniwala nitong makukuha sa sipag at tiyaga ang pangunumbinse sa bebot.
Sa report nakalap ng Tonite Spy, dalawang beses inimbitahan ng gabinete ni Mrs. Arroyo ang morenang broadcaster na manood sa laban ni Peoples Champion Manny ‘Pacman’ Pacquiao sa Las Vegas , hindi kabilang ang nauna pang imbitasyong magbakasyon sa Europa.
Kung mahina ang ‘corazon’ ng morenang broadcaster, ito’y matagal nang bumigay lalo pa’t magagandang lugar ang biyaheng inaalok ng gabinete ni Mrs. Arroyo tuwing magkikita sa radio booth at makasama sa weekly program subalit matinong bebot ang nakatapat ng kumag.
Sa mga naunang laban ni Pacquiao, makailang-beses inalok ng ringside ticket ng gabinete ni Mrs. Arroyo ang morenang broadcaster subalit tinanggihan ang US trip dahil abot ng kanyang kaisipan ang masamang binabalak ng opisyal, as in gusto itong isahan at gagawing palusot lamang ang biyahe.
Kahit napahiya sa dalawang beses pag-alok ng libreng ticket sa laban ni Pacquiao, kasama ang hotel accommodation sa magarang hotel sa Las Vegas at pasahe sa eroplano, hindi pa rin tinantanan ng gabinete ni Mrs. Arroyo ang morenang broadcaster, pinakahuli sa laban nina Pacman at Mexican boxer David Diaz.
Sa loob ng radio booth, direktang kinausap ng gabinete ni Mrs. Arroyo ang morenang broadcaster at inalok ng ticket sa ringside subalit nagbiro ang bebot na walang matutuluyan sa Amerika kung saan kasing-bilis din ng kidlat nag-offer ang opisyal sa Mandalay Hotel.
Lingid sa kaalaman ng gabinete ni Mrs. Arroyo, ito’y ‘pinapasakay’ lamang ng morenang broadcaster tungkol sa kahandaang manood ng laban nina Pacquiao at Diaz dahil pinagsabihan ng bebot ang opisyal na ibigay ang ringside ticket sa live-in partner nitong ex-Congresswoman.
Clue: Maliban sa pagiging kamukha ng isang senador, meron kinakasamang ex-congresswoman ang gabinete ni Mrs. Arroyo. Ito’y nasangkot sa isang eskandalo at meron letrang ‘SL’ sa pangalan at apelyido, as in saksakan ng libog habang nagbaba­lita sa government station ang morenang broadcaster na kaapelyido ng isang dating aktres at natalong senatoriable. (www.mgakurimaw.blogspot.com).

Tuesday, August 26, 2008

august 25 2008 abante tonite issue

Lady broadcaster gustong tikman ng gabinete sa abroad
Rey Marfil

Bagamat ‘local product’ ang gustong i-kama, handang gumastos ng milyones ang isang kampon ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo sa abroad para lamang matikman ang maganda at morenang broadcaster na matagal nang kinakabaliwan at pinagpapantansyahan sa panaginip ng opisyal.
Sa report nakalap ng Tonite Spy, hindi lamang ‘nagwater-water’ bagkus tulo-laway ang isang gabinete ni Mrs. Arroyo sa maganda at morenang broadcaster, patunay ang walang katapusang pag-alok ng libreng biyahe sa abroad upang maisakatuparan ang matagal nang pagnananasang naglalaro sa isipan nito.
Bagama’t meron sariling programa sa isang telebisyon, dating ‘umi-ekstra’ lamang sa news break o taga-hatid ng hourly news sa isang radio station ang morenang broadcaster kung saan naispatan ng gabinete ni Mrs. Arroyo na isang block timer kaya’t ginawa nitong regular sa kanyang weekly program.
Bago naging mag-partner sa weekly program, makailang-beses pang inalok ng malaking suweldo ng gabinete ni Mrs. Arroyo ang morenang broadcaster subalit tinanggihan ng bebot, kalakip ang pangambang mamanyakin lamang ng opisyal lalo pa’t kilalang babaero at maraming ikinakama ito.
Sa bandang huli, napilitan ang morenang broadcaster na tanggapin ang alok ng gabinete ni Mrs. Arroyo kahit hindi kailangan ang malaking suweldo dahil may kaya ang pamilya nito bagkus sa pakiusap ng mga big boss sa radio station pinagta-trabahuan nito.
Sa paniniwalang makukuha sa ‘pera-pera’ at isa sa kaladkaring babae ang morenang broadcaster, katakut-takot na pangungumbinse ang ginawa ng gabinete ni Mrs. Arroyo para maisama sa biyahe o foreign trip ang bebot subalit bistado ang pagiging ‘SMB’ ng opisyal, as in Style Mo’y Bulok.
Makailang-beses inimbitahan at tinangkang isama sa abroad ng gabinete ni Mrs. Arroyo ang morenang broadcaster subalit wala rin katapusang sumi-semplang ang opisyal, maging sa loob ng radio booth lantaran ang pagpapalipad-hangin ng kumag tuwing magkikita sa weekly program.
Ang nakakalungkot lamang, madalas nauuwi sa malalaswang pananalita ang lumalabas sa bunganga ng gabinete ni Mrs. Arroyo, animo’y bagsak sa GMRC class, as in pula ang grado sa good manners and right conduct dahil nagiging bastos ang opisyal sa sobrang pagka-obsess sa morenang broadcaster.
Clue: May kamukhang senador ang gabinete ni Mrs. Arroyo at kasing-hilig din manungkit ng lady broadcaster nito. Kung sino ang opisyal at morenang broadcaster, abangan sa Miyerkules ang karugtong at alamin kung anong bansa huling inimbitahan ang bebot. (www.mgakurimaw.blogspot.com).

august 26 2008 abante tonite issue

Kailan magigising si Erap!
Rey Marfil


Sa ikalawang pagkakataon, nagka-iwanan sina ex-President Joseph ‘Erap’ Estrada at Mayor Fred Lim. Ang deklarasyon ni Erap: Ito’y sanay nang iniiwanan ni Lim, katulad noong EDSA Dos. Si Lim ang DILG Secretary nang mapatalsik si Estrada at isa sa umakyat ng entablado sa EDSA Shrine, kasama ng civil society. Ang pagbalimbing ni Lim ang rason kung bakit natalo sa mayoralty race noong 2001 election dahil kinasangkapanan ni Mr. Instant Ayos, as in ex-Manila Mayor Joselito ‘Lito’ Atienza Jr., ngayo’y DENR Secretary ni Mrs. Arroyo ang ‘Walang Iwa­nan’ bilang campaign slogan. Ang nakakatawa lamang, iniwan din ni Atienza si Estrada at ‘nagpakabaon’ kay Mrs. Arroyo. Ika nga ni Susan Roces ‘not once, but twice’. At kapag paulit-ulit nagpapaloko ang isang tao, hindi kabaitan ang tawag kundi katangahan, ‘di ba birthday boy Volt Sagalongos?
Ayokong isiping ‘nagkatablahan’ sina Lim at Estrada sa ‘operasyon’ ng Maynila at ‘pera-pera’ ang pinag-awayan ng magkaibigan, katulad ng text messages na kumakalat. Ilan lamang sa pinag-uusapan sa mga coffee shops ang pagbalewala ni Lim sa lahat ng ‘request’ ni Estrada gayong binuhusan ng resources ang buong kampanya, pati security personnel sa Tanay Rizal, ito’y ipinahiram. Mantakin n’yo nga naman, ‘all out war’ si Estrada kay Ali Atienza para makaganti sa ama pagtapos ‘tatablahin’ lang. Napakababaw kung pagkakasibak nina retired General Rudy Diaz at Bobby Calinisan sa City Hall o kaya’y pagkaladkad sa slaughter house ng isang konsehal ang pinag-ugatan ng away, maliban kung may kinalaman ang kontrata sa garbage collection kaya’t nagkasolian ng kandila lalo pa’t milyones ang kinikita sa basura?
***
Napag-usapan ang katapatan, ayokong isiping kinatandaan ni Estrada ang ‘nagpapabola’ sa mga nagkukunyaring loyal at nakaka-jamming sa San Juan, maliban kundi nagtatanggal ng muta sa dalawang mata o tutule sa magkabilang tainga kaya’t hindi nakikita at naririnig kung sino ang mga tauhang tapat at hindi nang-iwan ng kaibigan. Kayat huwag ipagtaka kung mahahati ang oposisyon sa 2010 dahil pansariling interes ng mga nakapaligid kay Estrada ang isinusulong sa paghahanap presidentiable. Mantakin n’yo, sa halip pag-isahin ang kanilang puwersa laban sa administrasyon, aba’y walang ibang nasa isipan ang kanyang mga kampon kundi kumita sa eleksyon at pagkakitaan kung sino ang ‘kandidatong madatung’, hindi ang paghahanap ng matinong presidentiables na magbabago sa gobyerno.
Ayokong magbanggit ng pangalan subalit madaling mahanap ni Estrada kung sino sa mga tauhan ang ‘pera-pera lang’ ang nasa kukote kaya’t ‘always present’ sa San Juan. Kundi nagkakamali ang Spy, ito’y isa rin sa ‘ingredients’ kung bakit ‘nagkatablahan’ sina Da King at Da Ping sa final noong 2004 polls. Ang rason: Walang magagandang ‘perks’ na makukuha ang grupo ni ‘Mr. BM’ kung si opposition senator Panfilo ‘Ping’ Lacson ang naupong Pangulo samantalang ‘buhay-hari’ at hawak ang buong kusina ni Fernando Poe Jr. (FPJ) dahil marami pang ‘kakainin at bigas na isasaing’ ang namayapang aktor bago matutunan ang pagpapatakbo ng gobyerno. Ang nakadismaya lang, kung anu-anong ‘padding’ sa mga inaarkilang raliyista ni ‘Mr. BM’, ito’y pinagkakatiwalian ni Estrada at panay-bigay ng pera.
Ngayong nalalapit ang 2010 election, mala-Jaworski ang pagbabantay ni ‘Mr. BM’ sa Polk Street upang masi­gurong ‘hawak’ ng kanyang grupo ang babasbasan ni Estrada. Take note: lima (5) ang presidentiable ng oposisyon at kung pera ang habol ni ‘Mr. BM’ sa kampanya, siguradong out si Lacson at kasing-dilim ni Jojo Binay kung ito’y ikukunsidera ngayon pang hindi man lamang nakakuha kahit ‘ga-hiblang boto’ sa SWS presidential survey habang pang-Vice ang arrive ni Chiz Escudero at malabo rin ta­yaan si Loren Legarda lalo pa’t nagsasawa sa babaing presidente ang mga Pinoy, maliban kay Edong Angara na kaibigang matalik ni Loren Sinta. Ibig sabihin, dalawa lang ang posibleng pinagpipilian ni ‘Mr. BM’, sampu ng mga tambay sa bahay ni Estrada, walang iba kundi sina Manny Villar at Mar Roxas. Ang problema ng boypren ni Ate Korina, salapi ng magulang ang ipanggagasta sa kampanya habang ‘Richie Rich’ si Villar, as in maraming ‘alkansiya’ si Mam Cynthia, hindi pa kasama ang mga row houses diyan. Na-gets kaya ni Bobby Capco ang pinupuntuhan ng mga kurimaw, maliban kung ‘tamang-praning’ pa rin lalo pa’t inakusahang adik ni ex-PCSO media consultant Robert Rivero sa Senate hearing? (www.mgakurimaw.blogspot.com)